Binilhan ng Bagong Damit at Sapatos ng Binata ang Kaniyang Ina; Magugulat Ito sa Isa Pang Regalong Handog Niya
Nagising nang maaga si Linda. Nagmamadali siyang bumangon para pumasok sa trabaho. Ayaw niyang maabutan ng traffic sa kalsada kaya ganoon ang araw-araw niyang ginagawa.
Bago umalis ay nagluluto at naghahanda muna siya ng almusal para sa kanyang nag-iisang anak na si Jordan. Mula nang pumanaw ang mister niya dahil sa malubhang karamdaman ay mag-isa niyang itinataguyod ang anak.
“Jordan, Jordan, gising na, luto na ang almusal. Kumain ka na at may pasok ka pa!” sigaw niya.
“Saglit lang po, inay. Babangon na ako!”
“Ano na naman ba ang ginawa mo kagabi at napuyat ka na naman? Magdamag ka na naman sigurong naglalaro sa kompyuter, ano?”
“Naku, hindi po. Napuyat po ako sa pagre-review kagabi. May exam po kasi kami mamaya, eh.”
“Hindi naman kita pinagbabawalan na maglaro at maglibang, anak, pero huwag mong papabayaan ang pag-aaral mo. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Opo, inay.”
Pagkatapos na sermunan ang anak ay nagpaalam na siya rito na aalis na. Gaya ng dati, suot na naman niya ang lumang damit na pamasok sa opisina at ang kanyang lumang sapatos. Ilang taon na rin siyang hindi nakakabili ng mga bagong damit at sapatos dahil imbes na ipambili niya ng sariling gamit ang sinusuweldo niya ay ibinibigay niya ang kalahati niyon sa kanyang anak para sa pag-aaral nito. Ang kalahati naman ng natitira sa kanya ay ipinambabayad niya sa upa sa tinitirhan nilang maliit na apartment.
Bukod sa pagiging office clerk sa maliit na opisinang pinagtratrabahuhan ay rumaraket din siya at nagbebenta ng tocino, longganisa at tapa. Kahit hindi kalakihan ang kita roon ay pinagtitiyagaan na niya para dagdag na rin sa kinikita niya.
Kinagabihan, nang umuwi siya galing sa trabaho ay naabutan niyang magkasama sa sala ang anak at ang matalik nitong kaibigan na si Patrick na nag-o-online gaming na naman sa kompyuter. Masaya siyang binati ng mga ito.
“Good evening po, inay!” wika ni Jordan sabay mano sa kanya.
“Hi po, tita,” sabad naman ni Patrick.
Biglang uminit ang ulo ni Linda nang makita ang dalawa na naglalaro lang at hindi nag-aaral.
“Anong oras na? ‘Di ba dapat ay pag-aaral ang inaatupag ninyo? Hoy, ikaw, Patrick, hindi kita pinagbabawalang pumunta rito dahil ikaw ang matalik na kaibigan ng anak ko, pero sana naman ay pag-aaral ang pinagkakaabalahan ninyo at hindi iyang puro laro! Ano ba ang mapapala ninyo sa online, online gaming na iyan? Imbes na libro ang hinahawakan ninyo eh inuubos niyo ang oras sa kabalbalang iyan!” inis niyang sabi.
Natahimik ang magkaibigan. Bilang paggalang ay maayos na nagpaalam si Patrick at humingi ng paumanhin. Pagkaalis ng kaibigan ay kinausap siya ng kanyang anak.
“Inay naman, wala kaming ginagawang masama ni Patrick. Hindi lang naman po kami naglalaro, eh, pinagkakakitaan po namin ito,” paliwanag ng binatilyo.
“Kalokohan! Kung gusto mong kumita ng pera ay mag-aral kang mabuti. Kapag nakapagtapos ka na ay kikitain mo rin ang gusto mong halaga kaya itigil ninyo ni Patrick ang paglalaro na ‘yan. Makakasira ‘yan sa pag-aaral ninyo!”
Hindi na nakipagtalo pa si Jordan sa kanya. Nagpaalam ito na papasok na sa silid para gumawa ng mga takdang-aralin.
Napasalampak na lamang sa sofa si Linda. Pagod na nga siya sa maghapong pagtatrabaho ay iyon pa ang madadatnan niya.
Mabilis na lumipas ang dalawang taon. Nakapagtapos na sa pag-aaral si Jordan at masuwerteng natanggap sa inaplayang construction firm sa Makati. Isa nang ganap na engineer ang binata. Samantalang ang inang si Linda ay nagtatrabaho pa rin sa maliit na opisinang pinapasukan at nagtitinda pa rin ng mga processed food. Masayang-masaya si Linda sa narating ng kanyang anak.
Pag-uwi niya sa bahay galing sa trabaho ay hindi niya namalayan na nakatulog pala siya sa sofa. Maya maya ay ginising siya ni Jordan.
“Inay, gising at may sorpresa ako sa iyo!” anito.
Napabalikwas pa siya nang bangon sa paggising nito sa kanya.
“O, nandiyan ka na pala. A-ano naman iyon, anak?” nagtataka niyang tanong.
May iniabot sa kanya ang binata na isang malaking kahon.
“Regalo ko ‘yan sa iyo, inay. Tingnan niyo po!”
Nagulat siya nang makita ang laman niyon. Nakapaloob doon ang mga bagong damit, tatlong kahon ng mga bagong sapatos at mga pampaganda.
“Natanggap ko na po ang una kong sahod kaya naisip kong bilhan ka niyan, inay. Pasasalamat ko po iyan sa lahat ng sakripisyo niyo sa akin. Alam kong kulang pa iyan sa lahat ng ginawa mo, inay. Napansin ko kasi na hindi ka na nakakabili ng bagong damit mula nang pag-aralin mo ako sa kolehiyo. Hindi ka na rin po nag-aayos ng sarili kaya lahat ng pampaganda sa mall ay pinakyaw ko na. Pinagtitiyagaan niyo rin pong isuot ang lumang sapatos na sira na ang takong kaya binilhan ko kayo ng bago,” wika ng binata.
Hindi nakapagsalita si Linda sa tinuran ng anak. Natulala lang siya habang pinagmamasdan ang mga regalong handog nito sa kanya.
“Hindi lang iyan ang sorpresa ko, inay. Natatandaan mo po iyong pag-o-online gaming namin ni Patrick? Malaki ang kinita namin dun. Hindi lang iyon basta laro, inay. Sa pag-o-online gaming namin ay nakapagpundar na kami ng bahay at lupa. May sarili na tayong bahay, hindi na tayo mangungupahan sa maliit na apartment na ito!” hayag ni Jordan.
Bigla na lamang pumatak ang mga luha sa mga mata ni Linda. Hindi siya makapaniwala sa mga naabot ng kanyang kapatid. Bago pa lang ito sa pinapasukang kumpanya ngunit nakapagpundar na agad ito ng bahay at lupa, iyon ay dahil lang sa pag-o-online gaming na hinadlangan pa niya noon. Wala siyang kaalam-alam na habang nag-aaral ang kanyang anak ay itinuloy pa rin nito ang online gaming kasama ang matalik nitong kaibigan.
“Ako ang dapat na humingi ng tawad dahil sobra kitang hinihigpitan noon at pinagbawalan sa inyong pag-o-online gaming. Gusto ko lang naman na ituon mo ang sarili sa pag-aaral. Wala ka ring dapat na ipagpasalamat sa akin dahil responsibilidad ko bilang iyong ina na mabigyan ka ng magandang kinabukasan,” sabi niya sa anak.
“Alam ko naman po iyon, inay. Kaya nga nagsikap akong makapagtapos sa pag-aaral at nagtrabaho sa magandang kumpanya para makatulong sa iyo, para hindi ka na mapagod sa pagtatrabaho. Mula nang pumanaw si itay ay isinubsob mo na ang iyong sarili sa pagtatrabaho. Mula ngayon ay ako naman ang magtatrabaho para sa ating dalawa. Ito na ang kapalit ng bawat paghihirap mo sa akin, inay. Hayaan mong ipalasap ko naman sa iyo ang katas ng iyong pagsusumikap at pagiging mabuti at huwarang ina. Mula ngayon ay hindi ka na magtatrabaho, ako na po ang bahala sa lahat. Mahal na mahal po kita, inay,” anito sabay yakap nang mahigpit sa kanya.
Mas lalong napahagulgol si Linda sa mga sinabi ng anak.
“Mahal na mahal din kita, anak,” aniya sabay yakap din dito nang mahigpit.
Mula noon ay hindi na bumalik pa si Linda sa maliit na kumpanyang pinapasukan niya at hindi na rin siya nagbebenta ng mga processed food. Buhay reyna na siya sa napakagandang bahay na inihandog sa kanya ni Jordan. Para sa kanya, masasabi niyang kuntento na siya sa buhay, wala na siyang mahihiling pa, basta kasama niya ang pinakamamahal niyang anak.