Tinangka ng Ginang na Paghiwalayin ang Mag-Ama Upang Makuha Niya ang Sanggol; Isang Tagapagtanggol ang Sasagip sa mga Ito
Halos halikan na ni Isidro ang lupa sa labis na pagmamakaawa sa mga pulis at sa kasera ng tinutuluyan niyang apartment. Kailangan na kasi niyang lisanin ang lugar dahil ilang buwan na rin siyang hindi nakakabayad. Sa katunayan nga ay putol na rin ang linya ng kuryente at tubig dahil walang wala na talaga siyang pera. Ngunit hindi siya maaaring umalis dahil wala silang mapupuntahan ng kaisa-isa niyang anak.
“Parang awa n’yo na po! Bigyan n’yo pa ako ng kaunting palugit. Makakahanap rin ako ng pagkakakitaan. Hindi lang ako makabwelo dahil nga iniwan sa akin itong anak ko. Hindi ko naman siya p’wedeng isama sa paghahanap ng trabaho. Hindi ako makabayad dahil ang natitirang pera ko na lang dito ay inilalaan ko para may makain siya,” pagsusumamo ng ginoo.
“Ang dami mo pang sinasabi riyan! Ang sabihin mo ay tamad ka! Akala mo ata ay makakalibre ka ng upa nang dahil lang sa anak mo? Hindi mo mabibilog ang ulo ko! Lumayas ka na at dalhin mo na ‘yang anak mo. Perwisyo ka! Napakarami kong babayaran nang dahil sa iyo!” sambit pa ng kasera.
Walang nagawa pa si Isidro kung hindi bitbitin ang kaniyang anak at ilang kagamitan saka sila tuluyang umalis ng inuupahang bahay.
Hindi na napigilan pa ng ginoo na umagos ang kaniyang luha habang tinitingnan ang mag-iisang taong gulang na anak. Hindi niya kasi alam kung saan sila pupunta at kung paano pa niya ito bubuhayin ngayong pati tirahan ay problema na rin niya.
Lakad nang lakad si Isidro habang bitbit niya ang kaniyang anak kahit na hindi niya alam kung saan talaga siya tutungo. Nang mapagod ay umupo sandali sa isang bangketa. Pinainom muna niya ng gatas ang anak at saka muling naglakad.
Sa mga sandaling ito ay iniisip na ni Isidro kung saan sila magpapalipas ng gabi.
Mabuti na lang at may ilang taga-lansangan ang nagbigay sa kanila ng kaunting pwesto para kahit paano ay mayroon silang matulugan. Habang hindi pa nakakaisip ng paraan paano kikita ay namamalimos muna itong si Isidro.
Sa dami ng tao na nagdadaan sa kaniyang harapan ay madalang ang magbigay ng tulong sa kaniya. Isang dalaga ang nagbigay ng kaunting barya. Ngunit pag-alis niya ay hindi niya namalayan na nalaglag ang kaniyang pitaka.
Agad itong pinulot ni Isidro. Kahit na wala siyang kapera-pera ay hindi siya nagdalawang-isip na kunin ang nalaglagan na pitaka. Dali-dali niyang hinabol ang dalaga at saka niya isinauli ang pitaka nito.
“Naku, maraming salamat po sa inyo! Ito pa po ang isang daang piso. Pasasalamat ko po ito sa kabutihan ninyo,” saad ng dalaga.
Matagal-tagal na rin nang makahawak ng ganitong salapi si Isidro. Ngayong araw ay sigurado nang may gatas ang kaniyang anak.
Maya-maya ay may isang babae muling lumapit sa kanilang mag-ama.
“Nakaaawa naman ang kalagayan ninyo. Anak mo ba ang batang iyan?” usisa ng ginang.
Tumango lamang si Isidro. Umalis ang ginang at pagbalik nito ay mayroon na siyang dalang mga pagkain para sa mag-ama.
“Sobra-sobra naman po ito, ginang. Maraming salamat po!” naluluhang sambit naman ni Isidro.
“Para lahat ‘yan sa anak mo. Sa tingin ko kasi ay hindi tama ang nutrisyon na kaniyang nakukuha,” wika pa ng ginang.
Nang gabing iyon ay pinagsaluhan ng mag-ama ang mga pagkain na ibinigay ng ginang.
Kinabukasan ay muling binalikan ng ginang ang mag-ama.
“Hanggang kailan mo balak na manatili sa lugar na ito? Alam mo bang hindi maganda para sa anak mo ang lansangan? Maaari siyang makakuha ng sakit at delikado ang buhay niya rito,” saad pa ng ale.
“Alam ko po, ginang. Pero wala kasi akong ibang mapag-iiwanan sa anak ko para makapaghanap ako ng trabaho. Hindi ko na rin kasi mahagilap ang nanay niya. Pero kahit sa kaniyang ina ay hindi ko na ata kayang ipagkatiwala pa ang anak ko. Noon kasi ay madalas niya itong pagbuhatan ng kamay kahit sanggol pa lang,” saad pa ng ginoo.
“Kawawa naman ang batang iyan. Kung hindi mo siya mabibigyan ng magandang buhay ay may alam ako na makakapagbigay sa kaniya. Kaya kong maging magulang para sa anak mo. Ibibigay ko ang lahat ng pangangailangan niya. Ibigay mo lang siya sa akin,” deretsang sambit ng ginang.
“Ale, pasensya na po at hindi ko ipinamimigay ang anak ko. Nang matanggal ako sa trabaho at iwan ako ng ina niya ay hindi na rin ako nakahanap pa dahil ayaw ko siyang iwan. Walang ibang mag-aalaga sa anak ko kung hindi ako lang dahil ako ang tatay niya. Kung wala na po kayong ibang magandang sasabihin ay makakaalis na po kayo,” muling sambit naman ni Isidro sabay yakap nang mas mahigpit sa kaniyang anak.
Ang akala ni Isidro ay hindi na niya kailanman makikita ang ginang. Ngunit kinabukasan ay nagbalik ito at kasama pa ang mga pulis at ilang mga social workers.
“May nag-report sa amin na napapabayaan raw ang batang ito. May nakapagsabi pa na sinasaktan mo ito lalo na kung umiiyak at mainit ang iyong ulo! Alam mo bang p’wede ka naming kasuhan sa ginagaw among pang-aabuso sa batang iyan?” saad ng pulis.
“H-hindi po totoo ang mga ‘yan, sir! Wala po akong ginawa kung hindi alagaan ang anak ko. Alam ko pong hindi ko naibibigay ang lahat ng pangangailangan niya sa ngayon pero hindi naman po palaging ganito ang buhay namin. Pwede bang alamin n’yo muna ang lahat bago kayo humusga?” wika ng ginoo.
“Pasensya na pero malakas po ang ebidensya laban sa inyo. Kailangan po naming kunin ang inyong anak dahil wala ka namang kakayahang buhayin ‘yan! Hindi mo makukuha ang anak mo hangga’t wala kang sapat na trabaho at maayos na matitirhan!” saad naman ng isang social worker.
“Ale, sandali lang! Hindi n’yo basta p’wedeng kunin sa akin ang anak ko. Marami naman dito sa lansangan na tulad ko rin ng sitwasyon, pero hindi naman nahihiwalay sa kanila ang mga anak nila! Natanggal lang ako sa trabaho at walang mag-aalaga ng anak ko kaya hindi pa ako nakakapag-apply. Bigyan n’yo lang naman ako ng pagkakataon!” pagsusumamong muli ni Isidro.
“Sa bibig na niya mismo nanggaling na hindi niya kayang maghanap ng trabaho sa mga panahon na ito. Kaya wala talaga siyang kakayahan na buhayin ang batang iyan. Kawawa naman at narito lang sa lansangan. Ang kailangan ng batang iyan ay maayos na tirahan at mag-aalaga sa kaniya! Kunin n’yo na sapagkat delikado ang buhay niya sa ama niya!” sulsol pa naman ng ginang.
Walang kalaban-laban itong si Isidro sa mga awtoridad. Kinuha ng mga ito ang bata.
“Doon muna sa pasilidad namin ang anak mo hanggang hindi mo pa siya kayang buhayin. Makukuha mo lang siya sa amin kung may kakayahan ka nang ibigay ang kaniyang mga pangangailangan,” dagdag pa ng social worker.
Masayang-masaya naman ang ginang sapagkat alam niyang malaki na ang tyansa na maampon na niya bata.
Tuluyan na sanang kukunin ng mga awtoridad ang anak ni Isidro hanggang sa dumating ang dalagang tinulungan niya noon.
“Sandali lang po. Hindi ninyo p’wedeng basta kunin na lang ang bata sa ama niya! Hindi n’yo man lang kilalanin maigi kung sino ang nag-report sa inyo. Malakas ang kutob ko na ang babaeng iyan ang may gustong paghiwalayin ang mag-ama dahil mayroon siyang binabalak!” saad ng dalaga.
“At sino ka naman sa tingin mo para kwestiyunin ang mga awtoridad?” saad pa ng ginang.
“Ako si Cathy, isa akong abogado. Noong isang araw ay tinulungan ako ng lalaking iyan na maibalik sa akin ang nalaglag kong pitaka. Pwede niyang kunin ang pitaka ko pero hindi niya ginawa. Sa halip ay ibinalik niya ito sa akin ng walang pag-aalinlangan. Ilang araw ko nang inoobserbahan ang mag-amang ito at nakita ko rin na pabalik-balik ka rito. Hindi kaya ikaw ang may balak na samantalahin ang kalagayan ng mag-ama?” saad pa ng dalaga.
“Ngunit dapat lang namang kunin ng mga social worker ang bata dahil walang kakayahan ang ama niyang bumuhay ng anak!” wika pa ng dalahirang ginang.
“Nagkakamali po kayo. Dahil narito ako upang bigyan ng trabaho sa aking opisina ang ginoong ito. Doon ay maaari niyang isama ang kaniyang anak nang sa gayon ay kaniya pa ring maalagaan. Hindi makakatulong sa kanilang dalawa kung paghihiwalayin ninyo sila. Kung nais n’yong tulungan ang bata ay tulungan n’yo rin ang ama niya na magkaroon ng kabuhayan!” muling saad ng abogada.
Hindi na napigilan ni Isidro ang maluha. Muntik nang mawala sa kaniya ang kaniyang anak. Mabuti na lang ay dumating ang dalagang ito at ipinagtanggol siya. Labis din ang kaniyang pasasalamat dahil binigyan din siya nito ng trabaho na maaari niyang isama ang anak.
“Kapag hindi pa kayo umalis rito ay kayo ang kakasuhan ko! Hindi ako makakapayag na dahil lang sa kahirapan ay lalo n’yong ilulugmok ang kanilang kalagayan!” wika pa ni Cathy.
“Hindi ko alam kung paano po kayo mapasasalamatan! Hindi n’yo lang alam na halos mabaliw na ako kakaisip kung paano ko mabubuhay ang anak ko! Hulog ka ng langit sa amin ng anak ko!” umiiyak na sambit ni Isidro.
“Ramdam ko po ang kabutihan ng inyong puso. Dama ko rin ang pagmamahal mo sa iyong anak. Huwag ka nang mag-aalala dahil gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan kayong dalawa,” saad pa ng abogado.
Pinahiram ng pera ng abogado itong si Isidro upang makapagrenta ng bahay malapit sa opisina. Araw-araw ay sinasama ng ginoo ang kaniyang anak sa trabaho. Doon ay maraming nagsasalitan sa pag-aalaga sa bata. Hindi rin naman kasi ito mahirap alagaan. Tahimik lang ito at hindi palaiyak, bibong-bibo pa kaya naman kinaaaliwan ng lahat.
Ayaw na ni Isidro na bumalik pa sa lahat ng hirap na pinagdaanan nilang mag-ama. Kaya naman lalo niyang pinagbubuti ang trabahong ibinigay sa kaniya ng mabait na abogado. Kahit kailan ay hindi niya nakita ang kaniyang anak na sagabal sa kaniyang pagtatrabaho. Bagkus ay ito pa ang kaniyang ginawang inspirasyon upang makaangat sa buhay.