
Magpaka-ama Ka Naman!
“Umayos ka nga!” sita ni Mang Ernesto sa anak na si Patricia.
“Ano ‘pa? Umayos ako? Eh kung ikaw yung umayos? Sinisita mo ako kasi ayokong sundin ang gusto ng kapatid mo? For once ‘pa, magpaka-ama ka naman sa’min. Hindi yung display ka lang sa buhay namin. Pamilya mo kami, baka lang kasi hindi mo alam. May ama pa nga kami, pero kahit kailan naman, hindi ko naramdaman!” asik ni Patricia sa ama. Makikita sa mata ng dalaga ang labis na hinanakit.
May inuutos kasi ang kanyang tiya sa kanya ngunit ayaw itong sundin ng dalaga. Sinagot niya rin ang tiya ng magtangka itong ipilit ang gusto. Ni minsan sa buhay ni Patricia ay hindi niya hinayaang apihin siya, ang kanyang mga kapatid, at lalo na ang kanilang ina ng kahit na sino.
Sobrang komplikado ng buhay nila ng kanyang pamilya. Simula pagkabata ay kinailangan ng magpakatatag ni Patricia dahil siya ang panganay sa kanilang magkakapatid. Para sa kanya ay responsibilidad niya bilang panganay na protektahan ang kanilang pamilya, dahil kahit kailan ay hindi iyon ginawa ng kanilang ama.
Hindi ito nagsasalita sa tuwing aapihin sila ng mga kapatid nito. Madalas pa nga ay kinakampihan pa nito ang mga anak ng mga kapatid kaysa sa kanilang sariling mga anak nito.
Kaya lumaking matapang si Patricia, kasi alam niyang kinakailangan niyang maging matapang dahil wala silang aasahan sa ama. Lumaki din ang dalaga na dala-dala ang sama ng loob sa ama. Ni minsan ay hindi sila nag-usap ng ama ng hahaba pa sa isang minuto. Isang tanong, isang sagot lang parati.
Magmula pagkabata ay sinarado na ng dalaga ang puso sa ama. Itinuon niya na lamang ang pansin sa kanyang ina at mga kapatid. Kahit na kasama ang ama at nakatira lamang sila ang iisang bahay ay hindi nararamdaman ni Patricia iyon. Para sa kanya, ang ama niya ay display lamang sa buhay nila. Tanging siya at ang kanyang ina lamang ang magka-agapay sa lahat ng kanilang mga problema sa buhay.
“Anak,” sinubukang hawakan ni Mang Ernesto ang anak ngunit lumayo ito sa kanya.
“Huwag mo akong tatawaging anak,” madiin na saad ni Patricia bago umalis.
Iyon ang huling pag-uusap ng mag-ama. Lumipas ang dalawang taon na hindi na muli sila nag-usap. Ilang araw lamang pagkatapos ng sagutan nilang iyon ay lumipad na si Patricia patungong abroad para magtrabaho. Isa kasing nurse ang dalaga at nabiyayaan naman agad ng trabaho dahil sa angking galing at sipag.
Ngayon ay sakay si Patricia ng isang eroplano pabalik ng Pilipinas. Halo-halo ang nararamdaman ng dalaga. Tuwa, pananabik, lungkot, galit, panghihinayang at pagsisisi. Hindi niya alam kung ano ang dapat manaig sa kanyang mga emosyon. Sa huli, ay pinili na lamang ng dalaga ang magpakatatag. Kailangan niya iyon. Para sa sarili niya, at sa para sa pamilya niya.
Pagkalapag ng eroplano ay agad niyang hinanap ang kanyang sundo.
“Ihahatid ba muna kita sa bahay o diretso na tayo sa ospital ate?” tanong sa kanya ng nakababatang kapatid na siyang sumundo sa dalaga.
“Sa bahay muna. Iuwi muna natin ang mga dala kong mga gamit at napakarami nito,” walang emosyong sagot ng dalaga sa kapatid. Hindi pa siya handang makita ang ama.
Gaya ng napag-usapan ay umuwi muna sila sa kanilang tahanan para ilapag ang kanyang mga gamit at para makaligo at magbihis na rin. Makalipas lamang ang ilang oras ay pumunta na sila sa ospital.
Dahan-dahan at bilang na bilang ni Patricia ang kanyang mga hakbang papalapit sa kama ng ama. Hindi alam ng dalaga kung bakit pero nadudurog ang puso niya sa nakikita sa ama. Sobrang dami ng mga tubong nakakabit sa katawan nito. Inatake na naman kasi ito sa puso at medyo seryoso na ang naging kalagayan nito kaya kinakailangan niyang umuwi ng Pilipinas.
Buong buhay niya ay kinasusuklaman niya ang ama pero hindi niya alam kung bakit sobra siyang nasasaktan sa kalagayan nito ngayon. Ang kinaiinisan niyang ama na sobrang liksi, masiyahin at palabiro. Ang ama niyang puro kalokohan lamang ata ang laman ng utak. Ang ama niya.
Hindi napigilan ni Patricia ang luha niya sa sobrang sakit na kanyang nararamdaman. Nagulat naman ang dalaga ng bigla siyang niyakap ng ina.
“Alam mo bang parati ka niyang hinahanap? Miss na miss ka na ng papa mo. Simula nang nagkasagutan kayo at hindi na nag-usap ay parati na siyang malungkot,” malumanay na saad ng kanyang ina sa dalaga.
“Sa inyong apat na magkakapatid, alam mo bang ikaw ang pinakapaborito niya? Noong bata ka pa ay parati ka niyang pinapasyal at pinagmamalaki sa lahat ng mga kaibigan niya. Siya pa nga nag-aayos ng buhok mo noon eh. Gusto niya parati lang siyang nasa tabi mo hanggang sa paglaki mo,” naiiyak na kwento ng kanyang ina sa kanya.
“Hindi ko na rin alam kung ano ba talaga ang nangyari. Sobrang nagkagulo ang pamilya natin. Muntik pa nga kaming maghiwalay, pero pinaki-usapan niya ako dahil ayaw niyang lumaki kayong hindi buo ang pamilya. Ayaw niyang lumaki kayong kulang. Alam kong marami siyang pagkukulang sa inyo anak, lalo na sa’yo. Pero anak, sana mapatawad mo na ang iyong ama. Alam kong sobra kang nasaktan pero sana naiisip mo ring gaya mo, nasasaktan din ang ama mo. Hindi niya lang magawang ipakita dahil isa siyang ama, hindi siya pwedeng magpakita ng kahinaan sa inyo. Anak nagmamakaawa ako, huwag mong hayaang lamunin ka ng galit mo, bago pa mahuli ang lahat,” paki-usap ng ginang sa anak na si Patricia.
Tuloy-tuloy na umagos ang luha ni Patricia sa kanyang mga mata. Nadudurog ang kanyang puso para sa kanyang ama. Para sa kanilang pamilya.
Lumapit siya sa ama at hinawakan ang kamay nito,“Pa, alam kong naririnig mo ako. Gumising ka na, please. Nandito na ako. Bigyan mo muna ako ng pagkakataong bumawi sa’yo. Nagmamakaawa ako sa’yo pa,” humahagulgol na paki-usap ni Patricia sa lalaking nakaratay sa ama.
Para namang dininig ng langit ang hiling ni Patricia dahil ilang oras lang din nun ay nagising na ang kanilang ama.
“A-anak… Patricia, a- anak ko,” mahinang tawag sa kanya ng ama. Agad namang lumapit ang dalaga at inabot ang kamay ng ama.
“Nandito na ako pa,” sagot ng dalaga sa ama.
Gaya ng pinangako ng dalaga ay bumawi ito sa ama. Sinubukan nilang ayusin ang kanilang relasyong mag-ama, pati na rin ng kanilang pamilya. Dahil sa trahedyang nangyari kay Mang Ernesto ay napagtanto ng dalaga ang kahalagahan ng kanyang ama sa kanyang buhay. Napagtanto niya rin ang sobrang pagmamahal nito sa kanya na hindi niya makita noon dahil siya ay nabubulag sa kanyang galit. Nawa’y matuto tayong umunawa bago tayo humusga at magtanim ng sama ng loob kanino man. Matuto rin sana tayong magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin, dahil gaya natin, ay tao rin lang sila.