Inday TrendingInday Trending
Ang Nakaputing Babae

Ang Nakaputing Babae

Hindi makakalimutan ni Tony ang nakakakilabot na karanasan niya, isang gabi noong namamasada pa siya ng taksi taong 2017. Oktubre noon, at nalalapit na ang undas. Usong-uso ang kwentong mga kababalaghan sa mga telebisyon at radyo.

Habang pumapasada, pinara siya ng isang babaeng may maamong mukha. Nakasuot ito ng puting damit at may mga nakakakilabot na titig.

“Saan po tayo, ma’am?” magalang na tanong ng drayber.

“Sa Quezon City,” malamig na tugon ng babae.

“Saan po sa Quezon City, ma’am?”

“Paglagpas lamang ng Balete Drive. Pwede mo na akong ibaba doon,” muling sagot ng babae na walang emosyon.

“S-sigurado po ba kayo na doon ang punta niyo, ma’am?” nababahalang tanong ng lalaki.

“Dalhin mo ako doon. Pakibilisan!” utos pa ng pasahero.

Medyo nakakaramdam na ng kaba si Tony, dis oras na ng gabi at may mga kwentong kababalaghan pa naman siyang naririnig tungkol sa lugar na iyon. Pero ganun pa man, tuloy pa rin ang biyahe.

Maayos naman ang naging biyahe nila at nakikita niya sa rear view mirror ang pasaherong sakay. Tahimik lamang ito at parang napakalungkot ng mga mata. Madali silang nakarating sa gawi ng Balete drive.

Nakakakilabot nga ang lugar na iyon. Tila ba may kung anong elemento ang naninirahan. Sinabayan pa ng nakakatakot na kwento sa radyo na kanilang pinapakinggan. Lalo tuloy hindi mapalagay ang pakiramdam ni Tony.

Pagliko ay bigla siya napapreno, dahil may isang malaking pusang itim ang biglang tumawid. Nang muli siyang tumingin sa rear view mirror, biglang nawala ang pasaherong babae.

Sa sobrang takot ko ay napapikit siya at napakapit ng mahigpit sa manibela. Pagdilat niya, nandoon na naman ang babae sa likuran. Napansin niyang biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito. Biglang nanlisik ang kaniyang mga mata. Subalit itinuloy niya ang pagmamaneho.

Hindi pa sila gaanong nakalalayo nang may bigla namang tumawid na dalawang malaking itim na asong naghahabulan. Bigla ulit siyang napatapak sa preno. May kaba siyang sumilip ulit sa likuran. Kataka-takang nawala na naman na parang bula ang pasahero.

Napapikit ulit siya sa takot. Lumitaw na naman ang babae. Pulang-pula ang mukha at nanlilisik ang mga mata. Sa ekspresyon ng kaniyang mukha ay parang puno ng galit ang babae.

Hindi siya makapagsalita. Ipinagpatuloy lang niya ang biyahe. Hinihintay niyang makarating agad at maibaba ang nakasakay na pasahero.

Bago pa sila makatawid sa kabilang kanto ay may bigla na naman diyaryong lumipad patungo sa windshield ng sasakyan. Dahil sa kabang nararamdaman, ikinagulat ni Tony ang pangyayari at saka muling napaapak ng malakas sa preno. Sa huling pagkakataon, dahan-dahan niyang tinignan sa rear view mirror ang babae sa likuran. Wala na naman ang babae.

Biglang naisip niya, hindi kaya ito rin yung mga biglang tumatawid sa kaniyang harapan at nag-iibang anyo lamang? Nais tuloy niyang magsisi kung bakit tinuloy pa ang byahe noong gabing iyon. Laking gulat niya dahil pagtingin niyang muli sa likuran ay nandun na muli ang babae. Ngayon ay may kakaiba na rito. Nakita niyang d*uguan ang mukha nito at nanlilisik ang mga mata.

Halos mawala na siya sa ulirat nang mga oras na iyon. Napapikit na lamang siya at napadasal ng malakas.”Diyos ko po, tulungan Niyo po akong ilayo sa imapaktang ito. Kung anumang galit ang mayroon sa kaluluwang ligaw na ito, nawa’y makamit na niya ang kapayapaan!”

Bigla namang nagsalita ang babae, dahilan para makaramdam siya ng matinding kilabot.

“Hay*p kang d*monyo ka! Ano bang akala mo sa akin? White lady? Sinabihan mo pa akong impakta! Pabigla-bigla kang magpreno, nasubsob tuloy ako rito sa likod.

Napalakas ang preno mo kaya tumama at noo at bibig ko sa dito sa bakal sa may upuan oh! Bilisan mo at dalhin mo ako sa ospital. Walanghiya kang drayber ka!” Galit na sigaw ng babae.

“T-teka, tao po ba talaga kayo? Hindi po ba kayo engkantong ligaw? Hindi po ba kayo kaluluwa?” tanong ng drayber sa sakay na babae.

“Anong engkantong ligaw? Anong kaluluwa ang sinasabi mo riyan? Dalhin mo ako sa ospital ngayon din kung ayaw mong kumalas ang kaluluwa mo sa katawan mo!” giit pa ng babae.

Nanlamig ang buong katawan ni Tony sa narinig. Sinugod agad niya sa ospital ang babae at muli itong inihatid sa kanyang destinasyon. Hindi niya ito pinagbayad at simula noon, natuto siyang maging kalmado at mahinahon habang nagmamaneho.

Advertisement