
Pinakulong Ko Ang Mister Ko
“Pero Ma’am! Hindi po talaga ako ang nagnakaw ng singsing ni Sir! Maniwala ho kayo sa akin!” pagmamakaawa ni Marie sa among si Sandra. Nang araw na iyon ay galit na galit na nagsumbong ang asawa nitong si Lito na pinagnakawan daw siya ng bago nilang kasambahay.
“Babe, hindi naman siguro magagawa iyon ni Marie eh, sigurado ka bang hindi mo naiwala lang..” hindi na natuloy ang sasabihin ng misis nang biglang dumagundong ang galit na boses ng mister.
“Siya nga ang nagnakaw sa wedding ring ko Sandra! Para magkaalaman na ay pumunta tayo sa kwarto niya at sigurado akong makikita natin iyon!” sabi nito atsaka tinulak si Marie papasok sa kwarto nito.
Binuksan ni Lito isa-isa ang drawer ng kasambahay nila at pinaghahagis ang damit nito.
“Oh tingnan mo!” sabi nito at saka ipinakita ang nawawalang singsing. “Sabi ko na nga ba eh! Sandra, palayasin mo ngayon din sa bahay ang magnanakaw na ito!” utos ni Lito na nanlilisik ang mata sa nanginginig na kasambahay.
“Pero Ma’am–” tangkang paliwanag pa nito ngunit kinaladkad na ito ng mister palabas. Naaawa man ay tuluyan na rin nagalit si Sandra nang mapatunayang ang pinagkakatiwalaan niyang kasambahay ay nagawa siyang lokohin.
“Nagkamali ako sa pagtitiwala sa iyo, Marie. Hindi ko inakalang magnanakaw ka pala! Umalis ka na lang,” malamig niyang sabi dito at saka inakay sa loob ang nagpupuyos na asawa.
Galit si Sandra sa kasambahay ngunit nalulungkot din siya dahil napamahal na ito sa kaniya. Magandang bata ito at napakasipag kaya agad nitong nakuha ang loob niya. Ngunit ganoon siguro talaga, kahit itinrato niya ito ng tama ay nagawa pa rin nitong magpasilaw sa pera.
Bagong kasal lang sila ni Lito ngunit habang papatagal ay nasaksihan niya ang pangit nitong ugali. Madalas silang nawawalan ng kasambahay dahil palagi nitong sinisisante. Ang iba naman kung hindi sila ninanakawan ay bigla na lang lumalayas ng bahay ng walang paalam.
Makalipas ang ilang taon ay sunod-sunod ang dagok sa kanilang mag-asawa. Nang isang araw na bumisita siya sa opisina nito ay nahuli niya itong nakikipaghalikan sa katrabaho nito. Hindi siya makapaniwala sa nakita ng kaniyang mata. Parang dinurog ng pinong-pino ang puso niya sa nasaksihan.
Umuwi siya sa kanilang tahanan na baon ang hinanakit sa kaniyang dibdib. Pag-uwi nito ay hinagkan siya nito na para bang hindi ito nakikiapid kapag nakatalikod siya.
“May problema ba, babe? Tahimik ka ata ngayon ah?” tanong nito. Hindi niya ito matingnan kaya sinabi niyang ayos lang siya. Ilang araw at gabi siyang hindi makatulog ng maayos dahil sa pag-iisip. Hindi niya makompronta ang asawa dahil natatakot siya sa kahahantungan ng kanilang relasyon kapag naisiwalat ang lahat. Hindi niya rin masabi sa pamilya at kaibigan dahil takot siya sa sasabihin ng mga ito, kaya sinarili niya ang problema.
Dahil dito ay dumaan sa matinding depresyon si Sandra. Isang araw, habang nasa isang kapihan siya ay nagulat siya nang isang babae ang umupo sa harap niya. Nginitian siya nito at agad niya itong nakilala. Ito ang dati nilang kasambahay, si Marie!
“Magandang araw po Ma’am Sandra. Matagal-tagal na rin po noong huli tayong magkita. Kumusta po kayo?” Sa simpleng tanong nito ay bigla na lang napahagulgol si Sandra. Ito ang nahingahan niya ng sama ng loob na matagal na naipon sa kaniyang dibdib. Umiyak siya at sinabi ang panlolokong ginagawa sa kaniya ng asawa. Matapos siyang magbuhos ng hinanakit ay nagulat siya nang makitang umiiyak na din ito.
“Patawarin mo ‘ko Ma’am, kung sana ay noon ko pa nasabi sa inyo…” iyak nito. Nagtaka naman si Sandra sa inakto nito kaya hiningi niyang magpaliwanag ito.
“Sa maniwala man po kayo o sa hindi, hindi po talaga ako ang nagnakaw sa wedding ring ni Sir Lito noon. Nang panahon pong iyon ay.. si s-sir ay.. pinipilit po akong makipagsiping sa kaniya. Nang hindi po ako pumayag ay pinilit niya ako ngunit nagbanta akong isusumbong siya sa inyo. Nakita ko po kung gaano niyo siya kamahal kaya’t nag-alangan po ako dahil baka magalit kayo sa akin. Ilang beses niya po akong p-pinilit ngunit nagmatigas ako. Nagulat na lamang ako nang pagbintangan niya ako na nagnakaw ng singsing niya para mapatalsik ako sa bahay. Pero hindi ko ho talaga alam kung paano iyon napunta sa damitan ko.”
Halos mabingi si Sandra sa isiniwalat ng dating kasamabahay. Noon pa man pala ay niloloko na siya ng mister! At talagang pati inosente ay dinamay pa nito sa kahayupan nito. Ngayon nagdidilim ang kaniyang paningin sa galit ngunit luminaw sa kaniya ang mga pangyayari. Kaya pala palaging ilag ang kaniyang mga kasambahay sa asawa ay minamanyak nito ang mga iyon.
Umuwi siya ng bahay at sinalubong ng sampal ang manlolokong mister.
“Ang kapal ng mukha mo! Minahal kita ng buo ngunit panloloko lang ang isusukli mo sa akin? Para saan pang ikinasal tayo?! Kahit asawa pa kita ay hindi ko masisikmura ang kamany*kan mo!
Mahirap mang gawin dahil sa tali ng kasal, pinili ni Sandra na gawin ang tama na kasuhan ang asawa. Nagsilabasan ang mga babaeng pinagsamantalahan nito. Sinuportahan niya ang kaso laban dito kaya tuluyan ngang nakulong si Lito. Galit pa ito noong una ngunit sa huli ay pinagsisihan naman nito ang mga nagawang kasalanan sa selda at nangakong magbabago para sa asawa. Habang patuloy na pinagagaling ni Sandra ang sugatang puso dahil sa sinapit ng kaniyang buhay, patuloy siyang nananalangin sa Diyos na sana dumating din ang araw na magiging maayos ang lahat sa pagitan nilang mag-asawa.