Maling Akala ni Rosa

“Rosa! Rosa!” hinihingal na tawag sa kaniya ni Jasmine.

“Ano ba iyon, Jasmine?” salubong ang kilay namang wika ni Rosa.

“Nakita ko ang asawa mong si Leroy, may kasamang babae!” wika ni Jasmine.

“Ano? Saan?” hindi makapaniwalang wika ni Rosa.

Sino ba naman ang matutuwa kapag may nabalitaan kang may kasamang ibang babae ang asawa mo, siyempre wala! Agad na nainis si Rosa sa dalang balita ng kaibigan.

“Kanina sa may Farmers nakasalubong ko siya, pero hindi niya ako napansin kasi nakatuon ang buong atensyon niya sa kasamang babae. Nakatagilid sila sa’kin,” paliwanag ni Jasmine sa kaniya.

Sa galit na naramdaman ay pabalyang inihagis ni Rosa ang hawak na walis. “Sigurado kang ang asawa ko iyon, Jasmine?” naniningkit ang mga matang wika ni Rosa.

“Oo Rosa, kahit nakatagilid sila sa gawi ko’y sigurado akong si Leroy iyon. Kilalang-kilala ko ang asawa mo e,” muling wika ni Jasmine.

Advertisement

“Sabihin mo sa’kin ang mismong address kung saan mo sila nakita at pupuntahan ko!” gigil na gigil na wika ni Rosa.

“Sasamahan kita Rosa,” pursigidong tugon ni Jasmine.

Isang oras lamang ang lumipas ay agad nilang narating ang lugar kung saan nakita ni Jasmine ang asawa niyang si Leroy at ang babae nito.

“Huwag na huwag lang silang magpapahuli sa’kin sa akto dahil sisiguraduhin kong mga mata lang talaga nila ang walang latay!” galit na wika ni Rosa.

Naiisip na niya kung ano-ano ang gagawin niya sa dalawa. Ibinigay niya sa asawa ang lahat-lahat: pagmamahal, pag-aalaga at kung ano-ano pa tapos ito lang ang isusukli nito sa kaniya, ang saktan siya! Malilintikan talaga ang asawa niya pati na ang kabit nito!

“Ayon sila Rosa,” turo ni Jasmine sa lalaking nakatalikod sa gawi nila.

Kahit likod pa lang nito ay alam na niyang hindi nga nagkakamali si Jasmine, dahil ito nga ang asawa niya. Mula sa gupit ng buhok nito, may ganitong damit din si Leroy ang bagsak ng balikat nito ay walang kaduda-duda. Dumapo naman ang tingin niya sa babaeng kaharap nito. Maganda ang babae at ngiting-ngiti ito habang kausap ang asawa.

Dali-daling naglakad si Rosa upang ibigay sa babae ang sampal na kanina pa niya pinaghandaan. Ipapatikim niya ang bagsik ng asawang hindi papayag na maapakan.

Advertisement

“Walang hiya ka!” sugod ni Rosa, sabay hampas ng kamay sa pagmumukha ng babaeng kasama ng asawa. “Ang kapal ng mukha mong sirain ang pamilya ko!” dugtong niya sabay sabunot sa buhok ng babae.

“Sige pa Rosa, kalbuhin mo ang malanding babaeng ‘yan!” udyok pa ni Jasmine.

Habang umaaray sa sakit ang babae ay mas lalong nanggigil si Rosa sa pagsabunot rito. Maya-maya pa ay narinig niyang nagsalita ang lalaki.

“Hoy! Sino ba kayo?” sigaw ng lalaki.

Isang baritonong boses ang nagpatigil sa nanggigigil na diwa ni Rosa. Kilalang-kilala niya ang kaniyang asawa at nasisiguro niyang hindi gano’n ang boses ni Leroy. Dahan-dahan niyang nilingon ang pinanggalingan ng boses. Nang makaharap niya ang lalaki ay punong-puno ng pagtataka ang nakaguhit sa pagmumukha nito. Agad niyang na hiling sa sarili na sana ay lamunin na siya ng lupang kinatatayuan niya ngayon.

“H-hindi ikaw ang a-asawa ko?” nauutal na wika ni Rosa.

“Asawa? Hindi nga kita kilala miss, kaya paano mo ako magiging asawa?!” salubong ang kilay na wika ng lalaking buong akala niya’y si Leroy.

Sa padalos-dalos na desisyon ay magkasama silang nasa kulungan ngayon ni Jasmine. Sa salang pambabastos at pananakit sa babaeng hindi nila kilala.

Advertisement

“Kasalanan mo ito Jasmine,” paninisi ni Rosa sa kaibigan.

“Kasalanan ko lang ba? Sino ba ang nanabunot?” agad namang sagot ni Jasmine.

Isang araw at isang gabi lang naman silang tumagal sa kulungan at agad ding pinalaya.

“Oh! Misis next time siguraduhin niyo munang mabuti kung tama ba ang sasabunutan ninyo ah. Pasalamat kayo at mabait si Ma’am Grace, mas inunawa niya kayo kaya hindi na niya itinuloy ang kaso,” natatawang wika ng pulis na humahawak sa kaso nila.

“Opo sir,” nayukong sabay na wika ni Rosa at Jasmine.

Tama! Walang mabuting maidudulot ang padalos-dalos na desisyon lalo na kapag galit ka. Mabuti nga’t hindi seniryoso ng babaeng nasabunutan niya ang kaso. Mas maiging pag-isipang mabuti ang mga dapat gawin dahil hindi lahat ng hinala ay tama. Madalas mas marami pang nagkakamali dahil sa hinala na iyan.

Isang malaking leksyon ang naranasan ni Rosa, huwag basta-basta maniniwala sa sinasabi ng ibang tao at ganun din si Jasmine, huwag magpapakalat ng maling balita.