Nagtitiyaga Siya sa Nobyang Walang Pakialam sa Kaniya, Magigising pa kaya Siya sa Kahibangang Ito?
Totoo ang pagmamahal na nararamdaman ng binatang si Venjo para sa kaniyang nobya na pinapakita at pinaparamdam niya rito sa maraming paraan. Bukod sa mga matatamis na salita at gawang sinasabi at ginagawa niya para lalo itong mahulog sa kaniya, hindi rin siya nagtitipid o nagdadamot dito kahit minsan.
Kapag alam niyang gusto nito ng isang bagay, mahal man ‘yon o mura, agad niya iyong bibilhin kahit na madalas, nauubusan na siya ng pera sa dami ng gusto nitong ipabili.
May pagkakataon pa ngang bigla itong nainggit sa isa sa mga hinahangaang nitong artista na nasa Boracay dahilan para agad-agad niya rin itong dalhin doon kahit alam niyang magagalaw niya ang perang iniipon niya pampaopera sa nanlalabo niyang mga mata.
Ngunit kahit anong gawin niyang pagpapakita rito ng pagmamahal, ni minsan, hindi niya naramdamang mahal siya nito. Oo, nagpapasalamat ito at natutuwa kapag binibigay niya ang mga gusto nito ngunit hanggang doon lang iyon. Kapag nagdaan na ang mga araw, hindi na siya nito muling papansin o kakausapin at tuwing siya’y nagrereklamo, palaging sabi nito, “Pasensya ka na, busy ako,” saka lang ito magdedesisyong makipagkita sa kaniya na malimit niyang maramdaman na ito’y napipilitan lamang.
Katulad na lang noong kaarawan niya, imbis na ito ang unang bumati sa kaniya. Pinaalala niya pa ritong kaarawan niya kaya siya nito pinuntahan sa kaniyang bahay ngunit pagdating nito roon, tila galit at nakasimangot pa ito.
“Para ka namang napipilitang makipagkita sa akin, mahal, eh,” biro niya rito.
“Pagod lang ako. Alam mo namang nakakapagod ang trabaho ko. Dapat nga magpasalamat ka pa na rito ako dumiretso pagkatapos ng trabaho ko kaysa magpahinga ako!” seryosong sagot nito.
“Utang na loob ko pa pala. Mahal mo ba talaga ako?” tanong niya na ikinakunot maigi ng noo nito.
“Oo, sadyang hindi mo lang napapansin ang mga ginagawa ko kaya akala mo, lagi kang dehado!” sigaw pa nito sa kaniya at bago pa dumating sa hiwalayan ang pag-uusap nilang iyon, nilambing na niya ito at dinala niya na lang ito sa isang restawran.
Kahit pa ganoon na ang trato ng nobya niya sa kaniya, hindi pa rin niya ito maiwan-iwan dahil naniniwala pa rin siyang mahal siya nito. Kahit na madalas itong hindi nagpapadala ng mensahe sa kaniya at nagsasabi kung nasaan ito o kung anong ginagawa nito, matiyaga niya pa rin itong hinihintay na magmensahe at inuunawa.
Kaya lang, isang araw, habang namimili ng bagong damit ang nobya niyang ito, nakita niyang naroon din ang matalik niyang kaibigan at ang kasintahan nito dahilan para lapitan niya ito at sila’y magbatian.
“Uuwi na ba kayo? Kain muna tayo roon sa bagong bukas na restawran! Huwag na nating sayangin ang pagkakataon, mag-double date na tayo!” yaya nito na agad naman nilang sinang-ayunan dalawa.
Kabado man siya dahil nga baka hindi magustuhan ng kaniyang kaibigan ang ugali ng nobya niyang walang pakialam sa kaniya, sumama pa rin sila sa mga ito.
Ngunit habang sila’y nagkukwentuhan, napansin niyang walang ibang lumalabas sa bibig ng nobya niya kung hindi mga panlalait sa kaniya. Napapansin man niyang medyo nadidismaya na ang kaibigan niya, nakikitawa na lang siya upang hindi ito mapahiya at masabi sa mga kaibigang ayos lamang siya.
Buong akala niya’y iyon lang ang gagawin ng nobya niyang ito, kaya lang, nang hindi niya sadyang matapon ang sabaw sa lamesa at lahat sila ay nabasa, ibang-iba ang ginawa nito sa ginawa ng kasintahan ng kaniyang kaibigan. Habang pilit na pinupunasan ng dalaga ang damit ng kaniyang kaibigan at tinitiis ang init ng sabaw sa kaniyang sariling damit, nagwala ang kaniyang kasintahan habang binubungangaan siya.
“Kahit kailan, napakat*nga mo talaga! Para kang bata! Sabaw lang, hindi ka pa makasandok nang maayos?!” sigaw nito sa kaniya saka agad na umalis sa kanilang lamesa.
Hahabulin niya na sana ito nang bigla siyang pigilan ng kaniyang kaibigan at sinabing, “Pare, mali na ‘yang ginagawa niya sa’yo. Alam kong ramdam mo na kaya magising ka na sana. Hindi porque ikaw ‘yong lalaki, ikaw palagi ang may kasalanan at dapat manuyo, mag-alaga, at magmahal. Sa isang relasyon, dapat pareho kayong nagbibigay ng pagmamahal, hindi ‘yong puro ikaw lang,” na talagang tumagos sa kaniyang puso dahilan para siya’y mapaupo ulit doon at tahimik na kumain kasama ang mga ito.
Habang tumatagal ang minuto na kasama niya ang dalawa, roon niya nakita kung paano alagaan ng dalaga ang kaniyang kaibigan na ni minsan, hindi niya naramdaman dahilan para siya’y magdesisyong tigilan na ang pagpapakat*nga sa nobya niyang iyon.
Muli itong bumalik sa restawran at lalo pa siyang pinahiya. Imbes na awatin at suyuin niya ito, nang umalis ang kaniyang kaibigan dahil sa kahihiyang nararamdaman, sumunod na rin siya at iniwan ang dalaga roon nang mag-isa.
“Oo, t*nga talaga ako, pinagtiyagaan ko ang isang katulad mo,” bulong niya pa rito bago tuluyang lumabas ng restawran na lalong ikinagalit nito.
Hirap man siyang tanggapin na wala na ang minamahal niyang babae, para sa kaniya’y mas ayos na ito kaysa ipagsiksikan niya ang kaniyang sarili sa isang dalagang walang pakialam sa kaniya.