Natatakot Sumubok ng Bagong Trabaho ang Dalagang Ito; Malaking Oportunidad pala ang Naghihintay sa Kaniya
Kahit ramdam na ni Kathlyn na walang nangyayari sa pagtatrabaho niya sa kumpanyang kinabibilangan niya ngayon, wala pa rin sa isip niya na umalis doon at maghanap ng panibagong kumpanya makakatulong sa paglago ng kaniyang kakayahan at pagkatao. Natatakot kasi siyang umalis sa kumpanyang iyon dahil sa napakaraming “baka” sa isip niya.
“Baka walang tumanggap na kumpanya sa isang katulad kong hindi gaanong magaling sa pagsasalita ng Ingles.”
“Baka matengga ako ng ilang buwan kakahanap ng trabaho. Paano na ang mga bayarin ko?”
“Baka insultuhin naman ako ng mga bago kong katrabaho kapag nalaman nilang hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral at nakatira lang ako sa tabing dagat.”
Hindi pa man nangyayari ang mga “baka” na ito na patuloy na tumatakbo sa isip niya, ito ang nagbibigay ng malaking takot sa kaniya.
Sa totoo lang, halos kalahati na sa kaniyang mga katrabaho ang umalis sa kumpanyang kinabibilangan niya ngayon dahil sa maraming dahilan. Unang-una na rito ang pagsahod nilang wala sa tamang oras. Kung ang araw ng sahuran nila ay kinsenas at katapusan, madalas isang linggo pa ang lilipas bago sila magkasweldo na para sa mga katulad niyang nagbabayad ng mga bills sa bahay ay malaking sakit sa ulo talaga.
Idagdag pa rito ang magulong sistema roon sa pagtatrabaho na nakapagbibigay talaga sa kaniya ng matinding stress ngunit kahit pa ganoon, ayaw niya pa ring umalis sa trabaho niyang iyon.
Kaya lang, isang araw, habang naghahanda siya sa pagpasok sa trabaho, may narinig siyang malakas na galabog sa labas ng kanilang bahay at nang tingnan niya ito, nakita niyang nakabulagta na roon ang kaniyang ina na labis niyang ikinataranta.
Pinilit niya itong gisingin ngunit kahit anong gawin niya, ayaw talaga nitong magising dahilan para siya’y magpatulong na sa kanilang mga kapitbahay para ito’y dalhin sa ospital.
Doon niya lang nalaman na may sakit pala sa puso ang kaniyang ina at kailangan na itong agad na operahan. Sa estado ng buhay nila ngayon na siya lang ang siyang kumikita, malabong-malabo na makaya niya ang gastusin sa operasyong iyon.
Habang nag-iisip ng paraan kung ano ang dapat niyang gawin sa problemang kinahaharap niya ngayon, hindi na niya naiwasang hindi umiyak lalo na’t kalagayan ng kaniyang ina ang nakasalalay sa anumang desisyon o solusyong maiisip niya.
“Paano ko ba madodoble o matitriple ang sahod ko para makalikom ng perang sasapat sa operasyon mo, mama?” sigaw niya sa hangin habang siya’y naglalakad-lakad sa parke ng ospital.
“Kung maliit ang kinikita mo sa trabaho mo, edi maghanap ka ng bagong kumpanyang sasagot sa lahat ng problema mo. Umaksyon ka agad kaysa magsisisigaw ka rito, naaabala mo ang mga nagpapagaling na katulad ko,” sabat ng isang ginang na naka-wheelchair.
“Tingin niyo po dapat na akong umalis sa trabaho ko? Paano po kung wala akong mahanap na trabaho? Paano kung lalo akong mahirapang makahanap ng pera kapag nag-resign ako?” tuloy-tuloy niyang tanong dito habang nangingilid pa ang mga luha.
“Paano mo malalaman ang sagot kung hindi mo susubukan? Iyan ang problema sa inyong mga kabataan, eh, takot na takot kayong sumubok! Paano kayo uunlad niyan?” sermon nito sa kaniya sabay tuktok sa ulo niya, “Oras na para kumilos ka!” sigaw pa nito saka abot sa kaniya ng isang maliit papel na may nakasulat na isang pangalan ng kumpanya. “Ano pong gagawin ko rito?” tanong niya rito.
“Mag-apply ka riyan. Balita ko kailangan ng may-ari ng kumpanya ng isang sekretarya,” sagot nito.
“Paano po kung…” agad na nitong pinutol ang pag-aalinlangan niya.
“Subukan mo nga nang malaman mo ang resulta!” inis nitong sigaw saka na siya iniwan.
At dahil nga desperada na siyang makahanap ng perang magagamit sa pampaopera ng kaniyang ina, sinubukan niyang hanapin ang naturang kumpanya sa internet. Nang makita niyang totoo nga ang sabi ng ginang at malaki pa ang sahod na ibibigay, dali-dali siyang nagpasa ng resignation letter sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya at nagtungo sa bagong kumpanyang ito kinabukasan. Isinantabi niya muna ang kaniyang pag-aalinlangan at saka siya nagdasal na sana’y ito na ang sagot sa mga problema niya.
Pagdating niya sa opisina ng may-ari ng naturang kumpanya, bumungad sa kaniya ang ginang na nakausap niya kagabi na labis niyang ikinagulat. “Para ka namang nakakita ng multo, Ms. Kathlyn, hindi ka ba uupo para mainterbyu na kita?” sambit nito dahilan para gisingin niya ang sarili at maupo sa harap nito.
Nang simulan nito ang pag-iinterbyu sa kaniya, ginawa niya ang lahat para makumbinsi itong siya na ang kuhaning sekretarya at hindi nga siya nabigo dahil pagkatapos ng usapan nila, hiniling nito na magsimula na rin siya kinabukasan.
“Kahit ngayon na po ako magsimula, ma’am, ayos na ayos lang sa akin!” masaya niyang sabi rito habang hawak-hawak ang dalawang kamay nito.
“Hindi pupwede dahil ngayon, pupunta ka sa ospital at ipapaopera ang nanay mo. Nanggaling din ako sa sitwasyon mo ngayon at mayroong din tumulong sa akin noon. Ituring mo na lang itong regalo ko sa’yo bilang bagong sekretarya ko. Maging masipag ka, ha!” sigaw nito saka inabutan siya ng isang bag na punong-puno ng pera na labis niyang ikinaiyak sa sobrang pagpapasalamat at tuwa.
Doon na nagsimulang umasenso ang buhay niya. Marami man siyang hamong kinaharap sa bagong trabahong mayroon siya, ramdam na ramdam naman niya ang paglago hindi lang ng kaniyang bulsa pati na rin ang kaniyang pagkatao na talagang ikinatuwa niya.
“Ngayon, hindi na ako matatakot na sumubok! Kapag may oportunidad, agad ko iyong tatanggapin para sa inyong lahat!” sabi niya sa kaniyang buong pamilya habang sila’y sabay-sabay na kumakain matapos nila ipagdiwang ang matagumpay na operasyon ng kaniyang ina.