Inday TrendingInday Trending
Inaruga at Itinuring na Tunay na Anak ng Babae ang Sanggol na Napulot sa Tambakan ng mga Basura; Biyaya Pala ang Kapalit ng Kaniyang Ginawa

Inaruga at Itinuring na Tunay na Anak ng Babae ang Sanggol na Napulot sa Tambakan ng mga Basura; Biyaya Pala ang Kapalit ng Kaniyang Ginawa

“Mag-i-isang oras na ako na narito sa tambakan ng mga basura pero kaunti pa lang ang nakakalakal ko,” bulong ni Cirila sa sarili.

Alas sais pa lamang nang umaga ay umalis na siya sa kaniyang bahay para manguha ng mga basura. Ang pangangalakal ang ikinabubuhay niya. Habang namumulot ng mga pwede niyang ibenta ay may narinig siyang umiiyak.

“May umiiyak na sanggol!” gulat niyang sambit sa isip.

Sa ‘di kalayuan ay nakita niya ang isang malaking basket na naglalaman ng isang sanggol na babae. Agad niya itong nilapitan.

“Diyos ko, sanggol nga! P-paanong napadpad ang sanggol na ito rito sa tambakan ng basura?”

Kitang-kita niya ang sanggol na himbing na himbing na natutulog.

Nakaramdam ng pagkagiliw ang babae nang masulyapan ang natutulog na munting anghel.

“Ang cute naman ng sanggol na ito. Sino kayang walang puso ang umabandona sa kawawang batang ito?”

Dahil sa wala siyang asawa at anak ay kinupkop na lamang niya ang sanggol na babae at itinuring na tunay na anak.

“Mary, Mary, anak! Nasaan ka bang bata ka?” hiyaw niya.

“Narito lang po ako inay sa tambakan ng mga basura. Nangunguha po ng mga maaari nating ibenta,” sagot ng bata.

Walong taon ang mabilis na lumipas. Malaki na ang sanggol na napulot ni Cirila at pinangalanan niya itong Mary.

“Halika na sa bahay at kakain na tayo!”

“Opo inay!”

Lumaking mabait, masunurin at matalino si Mary. Kahit kailan ay hindi ito nagbigay ng sakit ng ulo kay Cirila. Puro karangalan pa nga ang ibinigay nito hanggang sa tumuntong ito sa kolehiyo. Puro medalya ang hatid ng anak-anakan sa kaniya. Kumukuha ito ng kursong Arkitektura.

Nang sumapit ang araw ng pagtatapos…

“Summa Cum Laude po ako, inay!” masaya nitong balita kay Cirila.

“Wow, congratulations, anak! Ang talino at ang galing mo talaga!” tuwang-tuwang sagot ni Cirila sabay yakap nang mahigpit sa anak-anakan.

Nang makapagtapos sa pag-aaral at nakapagtrabaho sa isang kilalang kumpanya ang dalaga. Palihim din nitong hinahanap ang totoong mga magulang. Hindi inilihim ni Cirila kay Mary ang katotohanan na hindi siya nito tunay na anak at nakuha lang siya nito sa tambakan ng basura noong siya’y sanggol pa kaya ipinangako niya sa sarili na sa oras na makapagtapos siya sa pag-aaral at magkaroon ng trabaho ay hahanapin niya ang mga tunay niyang magulang, hindi para magpakilala sa mga ito kundi nais lang niyang malaman kung sino mga ito at kung bakit siya itinapon na parang basura.

Hindi na muna niya ipinalam sa ina-inahan ang ginagawa niyang paghahanap para hindi sumama ang loob nito, ngunit isang araw ang katotohanan ay kusa nang lumapit sa kaniya. May matandang lalaki na pumunta sa opisina kung saan siya nagtatrabaho. Nabasa raw nito ang post niya sa peysbuk tungkol sa paghahanap niya sa totoong mga magulang. Walang kaalam-alam ang kaniyang ina na dalawa ang peysbuk account ang ginagamit niya, isang personal account na alam ni Cirila at isang account na siya lang ang nakakaalam.

“Magandang araw, ikaw ba si Mary Lagdameo?” tanong ng matandang lalaki.

“Ako nga po. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?”

“Ako si Tasyo. Nabasa ko ang post mo sa peysbuk tungkol sa paghahanap mo sa tunay mong mga magulang. Ang sabi mo sa post, napulot ka ng umampon sa iyo sa tambakan ng basura sa Payatas? Doon kasi iniwan ng mga amo ko ang kanilang anak ilang taon na ang nakakaraan,” bunyag ng matanda.

Nagulat si Mary sa nalaman at mas lalo niyang ikinagulat ang sumunod na ibinunyag nito.

Makalipas ang ilang araw

Naisip ni Mary na dalawin si Cirila. Mula nang madestino ang dalaga sa Davao ay sa selpon na lang sila nagkakausap na mag-ina.

Nang puntahan niya ito ay sinabi niyang magsimula na itong mag-impake ng mga damit at may pupuntahan sila. Bigla naman ang pagtataka ni Cirila.

“Bakit, anak? Saan tayo pupunta?” tanong nito.

“Basta, inay. May sorpresa po ako sa inyo,” sagot ni Mary.

Pumunta sila sa Negros Occidental. Nang makarating doon ay agad na dinala ni Mary ang ina sa isang maganda at napakalaking bahay. Sa labas niyon ay isang napakalawak ding lupain.

“Teka, kaninong bahay ito, anak? Ang lawak ng lupain dito!” nagtatakang tanong ni Cirila.

“Simula ngayon dito na tayo titira, inay,” sagot ni Mary.

“B-bakit, kanino ba ang napakagandang bahay at malawak na lupaing ito?” mangha pa ring tanong ng ina-inahan.

“Ang lahat ng iyan ay sa akin po, inay. Ito po ang isa sa mga ari-ariang naiwan sa akin ng mga totoo kong magulang. Aaminin ko po ang totoo, hinanap ko po ang tunay kong mga magulang ngunit nalaman kong matagal na pala silang pumanaw. Natuklasan ko rin po na hinanap din pala nila ako, iyon nga lang ay huli na. Hindi ko na sila naabutan. Sumakabilang buhay sa sakit na le*kemia ang aking tunay na ama at namayapa naman sa sakit na k*nser sa buto ang aking tunay na ina ilang taon na rin ang nakalilipas ngunit kahit ganoon ang nangyari ay may iniwan pa rin silang mga ari-arian at pamana sa akin bilang kanilang anak. Nakausap ko po si Mang Tasyo, pinakapinagkakatiwalaang trabahador ng aking ama dito sa hacienda. Inabandona raw ako ng aking mga magulang dahil hindi raw ako tanggap ng aking lolo at lola. Mahirap lang ang aking tunay na ina samantalang tagapagmana naman ang aking ama. Tinakot lang ng aking lolo at lola ang aking ama na mawawalan ng mana at pahihirapan naman ang pamilya ng aking ina kapag hindi ako ipinatapon o idispatsa pero pinagsisihan naman daw nila ang ginawa sa akin. Sabi ng kanilang abogado ay dapat akong sumailalim sa DNA test para makumpirma na ako nga talaga ang anak nila at positibo nga po ang naging resulta. Ako po ang nag-iisang tagapagmana ng pamilya Del Mundo, inay. Patawarin niyo po ako sa aking ginawa at sa hindi pagtatapat sa inyo. Ayoko pong isipin niyo na hindi kayo sapat sa akin. Gusto ko lang pong malaman ang tunay kong pinagmulan,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Mary.

Natulala at hindi makapaniwala si Cirila sa ibinunyag ng anak-anakan..

“Mula ngayon ay dito na tayo titira at hindi na tayo maghihirap pa, inay. Hayaan niyong ipalasap ko sa inyo ang magandang buhay gaya nang pagpapalasap niyo sa akin ng tunay na pagmamahal kahit hindi niyo ako kadugo,” hayag pa ni Mary sabay yakap nang mahigit kay Cirila.

Biglang umagos ang masaganang luha sa mga mata ni Cirila.

“Ano man ang iyong pagkatao o saan ka man nagmula, kahit kailan ay walang magbabago. Para sa akin, ikaw ang anak kong si Mary. Hindi man tayo magkadugo ay ako pa rin ang iyong ina,” sambit ni Cirila.

At mahigpit na nagyakap ang mag-ina. Binigyan ng maayos at masaganang buhay ni Mary ang ina na nagmahal at itinuring siyang tunay na anak.

Advertisement