Malaki ang Paniniwala ng Lalaki na Palagi Nilang Kasama ng Kaniyang Pamilya ang Duwendeng Puti; Suwerte Nga Kaya ang Hatid Nito sa Kanila?
Bata pa lang si Juno at malimit nang mawala ang kaniyang mga laruan.
“Nanay, tinago na naman ni Jelo ang kotse-kotsehan ko,” sumbong niya sa ina.
“Hindi ko naman po kinuha ‘yung laruan niya, eh,” sagot naman ng kapatid niya.
Dali-daling iniwan ng kanilang ina ang paglalaba at pumasok sa loob ng bahay para hanapin ang laruan ngunit nang tingnan nito ay naroon naman ang laruan niya at hindi naman pala nawawala.
“Kuu, bata ka, puro ka kalokohan! Kita niyong marami akong labahan, iniistorbo niyo ako, um!” inis na sabi ng kanilang ina sabay pingot sa mga tainga nila.
“Aray ko, nanay! Wala naman kasi iyan kanina, eh!” tugon ni Juno.
May paliwanag naman ang kanilang Lola Sepa tungkol sa kakatwang pangyayaring iyon.
“Alam mo ba, apo, kung bakit malimit kang nawawalan ng mga gamit pero bumabalik naman agad? Iyon ay dahil may kasalamuha tayong nilikhang hindi natin nakikita. May alaga tayong isang duwendeng puti. Mabait ang mga ganoong uri ng duwende at mahilig makipaglaro sa mga bata,” wika ng matanda.
“Talaga po, lola? Totoo pong may mga duwende?” manghang taong ni Juno.
Tumango si Lola Sepa.
“Oo, apo. Kaya kapag may pagkain ka, bigyan mo siya. Huwag mo siyang sisigawan o kagagalitan upang ‘di siya umalis,” saad pa ng matanda.
“Wow, may kaibigan pala akong duwendeng puti! Sige po, susundin ko po ang ang mga payo mo, lola,” tugon ni Juno.
Subalit may pahabol pa siyang tanong.
“Pero lola, bakit hindi siya nagpapakita sa akin kung gusto niya akong kalaro?”
“Talagang ganoon sila, apo. Hindi sila nagpapakita subalit nararamdaman natin ang kanilang presensya. Ang mga duwendeng puti ang nagsisilbing suwerte sa tinatahak na kapalaran ng bawat nilalang na kinakaibigan ng mga ito,” sagot ni Lola Sepa.
Nalaman din ni Juno na suwerte raw ang tahahang pinamamahayan ng mga duwendeng puti dahil pinagpapala raw ang mga ito.
Mula noon ay nakasanayan na niya na kapag mayroon siyang ‘di makitang gamit niya ay…
“Naku, niloloko na naman ako ng alaga kong duwende. Ilabas mo na ang nawawala kong gamit, saka na lamang tayo maglaro dahil abala ako ngayon eh,” wika niya.
Sa paglaki niya ay tumatak na isip niya ang tungkol sa mga duwendeng puti na palaging nakikipaglaro at suwerte sa kaniya. Kahit hindi niya nakikita ang mga ito ay naniniwala siya na totoo nga ang mga duwendeng puti na ikukuwento noon ng namayapa na niyang Lola Sepa.
Matuling lumipas ang panahon, si Juno ay nagkaroon na ng sarili niyang pamilya. May asawa na siya at isang anak. Masaya silang namumuhay sa Maynila. Palagi pa rin niyang ikinukuwento sa kaniyang mag-ina ang tungkol sa pinaniniwalaang duwendeng puti.
“Alam mo, anak, dito sa atin ay may kasama tayong duwendeng puti. Mahilig siyang makipaglaro sa mga batang gaya mo at naghahatid din siya ng suwerte. Kaya kapag napansin mo na nawawalan ka ng mga gamit tapos ay makikita mo rin ibig sabihin ay nakikipaglaro siya sa iyo,” sabi niya sa anak na babae.
“Talaga, papa?” mangha nitong tanong.
“Kuu, kung anu-anong ipinapasok mo sa utak ng anak mo. Hindi totoo ang mga duwende, kathang isip lang ang mga iyon. Huwag ka nga maniwala sa mga kalokohang iyan,” sabad naman ng kaniyang asawang si Mildred.
Ngunit hindi pinansin ni Juno ang misis at patuloy na pinaniwala ang kanilang anak na mayroon ngang duwendeng puti subalit ‘di niya inasahan na pagkatakot ang ibinunga niyon sa isipan ng kanilang anak.
“Nawawala ang manyika ko, kinuha ng duwendeng puti, eeee!” hiyaw ng batang si Juliet.
Narinig iyon ni Mildred at nagulantang nang makitang sa sobrang takot ng anak ay nadulas ito sa hagdanan at nahulog.
“Mama, eeee!”
“Diyos ko! Juliet, anak ko!” sigaw ng babae.
At isang trahedya ang naganap. Ang pagkahulog ng kanilang anak sa hagdanan ay agad nitong ikinas*wi. Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan si Juliet. Ang pagkawala ng bata ay labis na isinisi ni Mildred sa asawang si Juno.
“Kung hindi dahil sa mga kalokohang duwendeng ikinukuwento mo sa anak natin sana’y buhay pa siya hanggang ngayon,” sumbat ni Mildred habang ‘di mapigil ang sarili sa pagtangis.
“Aksidente ang nangyari, Mildred. Hindi natin kagustuhan ito kaya huwag mong idamay pati duwende,” tugon ni Juno sa asawa.
Ngunit hindi pa rin matanggap ng kaniyang misis ang maagang pagpanaw ng kanilang anak kaya hindi niya ito naawat nang magwala ito.
“Lumabas kayong mga duwende kayo! Tatagp*sin ko kayo isa-isa!” galit na galit na sabi ni Mildred habang iwinawasiwas ang hawak na gulok.
Sa pagdaan ng mga araw, binalot ng labis na kalungkutan ang tahanan nina Juno. Wala na ang dating kislap ng kasiyahan. Hindi nakayanan ni Mildred ang pagdadalamhati sa namayapa nilang anak hanggang pati ang buhay nito’y binawi na rin ng Maykapal. Sa sobrang lungkot ay nagkasakit ng malubha si Mildred na ikinas*wi rin nito.
Sa paniniwala ni Juno ay pinarusahan sila sa paglapastangan ng kaniyang asawa sa mga duwende. Unti-unti niyang nararamdaman na iba na ang mga duwendeng kasama niya sa tahimik at malungkot nilang bahay, hindi na puting duwende kundi mga duwendeng itim na ang nakapaligid sa kaniya na ang hatid ay walang katapusang kalungkutan at kamalasan.
Ang hindi alam ni Juno ay masyado siyang dumepende sa lumang paniniwala at nakalimutan na niya ang reyalidad kaya ang naging kapalit ay ang buhay ng kaniyang mag-ina.