Inday TrendingInday Trending
Hindi Napigilan ng Binatilyo na Kupitan ang Kaniyang Lolo; Napaiyak Siya nang Mabisto Nito

Hindi Napigilan ng Binatilyo na Kupitan ang Kaniyang Lolo; Napaiyak Siya nang Mabisto Nito

“Heto, apo, dagdag pambaon mo sa school,” anang kaniyang Lolo Nardo bago siya inabutan ng isandaang piso.

Agad na nagliwanag ang mukha ni Karl. Sa wakas, makakapaglaro na siya ulit sa computer shop ni Aling Rosa.

Sakto lang kasi sa pambili ng pagkain ang pabaon sa kaniya sa eskwelahan, kaya naman bibihira talaga kung makapaglaro siya.

Mabuti na lang at sa t’wing nagkakapera ang Lolo Nardo niya ay hindi nito nakakalimutan na abutan siya.

“‘Tay, binigyan mo na naman ng pera. Ipanglalaro niya lang ‘yan. Sana ho itinabi n’yo na lang ‘yang pera n’yo,” marahang sita ng kaniyang ama.

Ngumiti ang matanda.

“Aba’y hayaan mo na. Minsan nga lang makalaro ang apo ko dahil abala siya sa eskwela. Saka nakuha ko naman ang pensyon ko, kaya may pang-abot ako sa inyo kahit paano,” anito.

Napangiti na lang si Karl. Kahit kailan talaga ay maasahan ang Lolo niya. Ito ang kahit na kailan ay maaasahan niya na papanig sa kaniya.

Matapos kumain ay agad na hinarap ni Karl ang kaniyang mga takdang aralin. Halos mag-aalas onse na nang matapos siya.

Tahimik na ang bahay at mukhang tulog na ang mga tao sa bahay nila.

Papunta siya sa kusina upang kumuha ng tubig, ngunit nang mapadaan siya sa silid ng kaniyang lolo ay nakarinig siya ng kaluskos.

Sumilip siya nakaawang ng pinto at nagulat siya sa nakita—sa kama nito ay nakabilot ang sandamakmak na perang papel. May benta, singkweta, isandaan, at iba pa. Hindi basta-basta ang halaga noon!

Alam niya na matipid ang lolo niya, pero hindi niya alam na ganoon na pala kalaki ang pera nito!

Ilang sandali siyang nanatili roon upang obserbahan ang matanda. Umalis lamang siya nang makita niyang itinago nito ang malaking lata sa ilalim.

Kumakabog ang dibdib ni Karl habang pabalik sa kaniyang maliit na silid. Pakiramdam niya kasi ay nakatuklas siya ng sikretong hindi niya dapat matuklasan.

“Para saan niya naman gagamitin ang pera?” takang tanong niya, kausap ang sarili.

Pinilit makatulog ni Karl nang gabing iyon. Paulit-ulit kasing umuukilkil sa isipan niya ang pera ng kaniyang Lolo Nardo.

Kinabukasan, gaya ng plano nilang magkakaibigan, imbes na umuwi ay dumiretso siya sa computer shop ni Aling Rosa.

Ilang oras din ang ginugol niya sa pakikipaglaro sa mga kaibigan. Nang maubos ang dala niyang pera ay tumayo na siya. Nang sulyapan niya ang orasan sa dingding ng maliit na computer shop ay nakita niyang alas nuwebe na.

“Karl, ang aga mo naman umuwi, laro pa tayo!” agad na angal na kaibigan niyang si Edward.

“Anong maaga? Alas nuwebe na, malamang hinahanap na ako sa amin. Saka wala na akong pera,” katwiran niya.

“Anong walang pera? Kala ko ba maraming pera Lolo mo? Bawasan mo muna, hindi naman makakahalata ‘yun,” suhestyon naman ni Larry, isa rin sa mga kaibigan niya.

Matigas siyang umiling.

“Ano ba kayo! Hindi, hindi ko nanakawan si Lolo!” agad na kontra niya.

Nagkibit balikat lang ang dalawa.

“Hindi naman niya malalaman, Karl,” hirit pa ni Edward.

Naiiling na nilisan niya na lang ang computer shop.

Kinaumagahan, papasok na siya sa eskwelahan nang makita niya ang nakaawang na pinto ng kwarto ng kaniyang lolo. Agad na dumapo ang tingin niya sa lata na nasa ilalim ng kama.

Siya lang ang tao sa bahay.

“‘Lo?” tawag niya pa, upang makasiguro na wala ngang tao sa bahay maliban sa kaniya.

Tila may sariling isip ang kaniyang mga paa. Kumakabog ang dibdib na kinuha niya ang mabigat na lata ay inusisa ang laman noon.

Halos puno na iyon ng pera!

Nanginginig na kumuha siya ng dilaw na perang papel at ibinulsa iyon.

“Limang daan lang. Marami namang pera si Lolo. Ngayon lang ‘to, hindi ko na ulit gagawin,” pangungumbinsi niya sa sarili.

Ngunit hindi niya natupad ang pangako sa sarili. Ang isang beses na pangungupit niya sa matanda ay naging dalawa, tatlo, hanggang sa hindi na niya mabilang.

Natauhan lang siya nang isang araw ay humahangos ang matanda na lumabas ng kwarto, bitbit ang alkansya nitong lata.

“Nanakawan tayo, nanakawan tayo!” paulit-ulit na sigaw nito.

“‘Tay, ano hong sinasabi niyo? Wala namang nawala rito sa bahay?” takang tanong ng kaniyang ina matapos itong luminga sa paligid.

Itinaas nito ang hawak na lata.

“Ang pera na inipon ko! Halos naubos!” nanlulumong kwento ng matanda.

Tila natulos si Karl sa kaniyang kinauupuan. Hindi niya magawang mag-angat ng tingin, sa takot na baka mabuking ang kalokohan niya.

“‘Tay, imposible ‘yan. Sino naman ang kukuha niyan, eh tayo-tayo lang naman dito sa bahay?” sabi naman ng kaniyang ama.

Hindi na nagsalita ang kaniyang Lolo Nardo. Ngunit umupo ito, yakap-yakap ang alkansya nitong lata.

Maya-maya ay narinig nila ang mahina nitong paghikbi na nauwi sa malakas na iyak.

Agad naman na nataranta ang kaniyang mga magulang sa pagpapatahan sa matanda, sa takot na baka atakihin ito sa puso.

“‘Tay, ‘wag ka nang umiyak… kapag nagkapera ako, bibigyan kita ng pera,” pangako ng kaniyang ama.

Umiling lang ang matanda.

“Hindi… hindi n’yo naiintindihan. Inipon ko ang pera na ‘yun para sa matrikula ni Karl. Sa susunod na taon ay kolehiyo na siya. Ano na lang ang ipapambayad natin sa eskwelahan?” nanggigipuspos na bulalas ng matanda.

Napatuwid sa pagkakaupo si Karl dahil sa gulat. Hindi niya alam na iyon pala ang pinaglalaanan ng pera ng kaniyang lolo.

Unti-unting namuo ang luha sa kaniyang mga mata, hanggang sa tuluyan na siyang napabuhanglit ng iyak. Hiyang-hiya siya sa ginawa niyang pangungupit sa kaniyang lolo!

“Sorry, Lolo! Ako po ang may kasalanan! Sorry, Lolo!” paulit-ulit niyang paghingi ng tawad sa matanda, habang patuloy ang pagbuhos ng kaniyang luha.

Hinintay niya na magalit ito, ngunit hindi iyon dumating. Bagkus ay naramdaman niya ang pagdantay ng kamay nito sa balikat niya.

“Tumahan ka na, Karl. Para sa’yo naman ang pera na ‘yun. Mas maganda lang sana kung napunta iyon sa pag-aaral mo.”

Ramdam na ramdam niya ang pagkadismaya ng matanda.

“‘Wag mo nang uulitin iyon, hijo. Alam mo naman siguro na pangungupit ang ginawa mo…” maya-maya ay malumanay na sermon nito.

Mas matinding sermon ang inabot ni Karl sa kaniyang mga magulang. Hiyang-hiya ang mga ito sa inasta niya.

Sa huli ay wala silang ibang nagawa kundi ang kalimutan na lang ang pangyayari, sa kagustuhan na rin ng lolo niya.

Ngunit isang malaking aral ang naiwan kay Karl—ang anumang uri ng pagnanakaw ay masama at nakasisira ng tiwala!

Advertisement