Parating Handang Tumulong sa mga Residente ang Mabait na Matanda; Isang Regalong Walang Kapantay ang Nakuha Niya
Kasalukuyang tinutulak ni Mang Boy ang kariton ng gulay na siyang inilalako niya sa lugar nang may isang babaeng tumawag sa kaniya.
“Mang Boy!”
Nalingunan niya si Tessa, isa sa mga kabaranggay niya.
“Mabuti po at napadaan kayo! Baka ho pwede naman magpatulong. Nasira po kasi ang bubong namin. Tumatagas ang tubig na naipon sa alulod dahil sa magdamag na ulan!” ani Tessa.
Nang tumango siya ay agad siya nitong pinapasok sa loob ng bahay.
Nakita niya agad ang problema. Sa sobrang laki ng butas sa bubong, pinasok na ng tubig ang bahay. Kahit mga balde ay hindi kinaya.
“Ano po kayang gagawin riyan? Wala po kasing makakaakyat sa bubong,” problemadong tanong nito.
“’Wag ka nang mag-alala. Kayang-kaya ko na ‘to,” aniya, habang may isang tipid na ngiti sa labi.
Halos dalawang oras din ang itinagal bago niya napahinto ang tagas.
“Salamat po!” tuwang-tuwang bulalas ni Tessa, bago siya inabutan ng limang daan.
Noong una ay mariin ang pagtanggi niya, ngunit mapilit ito. Sa huli ay wala siyang nagawa kundi ang tanggapin iyon. Kailangan niya rin kasi ng panggastos.
Binigyan niya na lang ng gulay si Tessa kapalit ng malaki-laking halaga na ibinigay nito.
“Sa susunod na may kailangan ulit kumpunihin, ‘wag kayong mahihiyang tawagin ako,” nakangiting bilin niya bago umalis.
Pagkukumpuni ng bahay at kung anu-ano pa ang naging pangunahing hanapbuhay niya noong bata-bata pa siya. Noong kaya niya pa ang mabibigat na trabaho.
Ngunit nang tumanda na siya, wala nang gusto pang tumanggap sa kaniya kaya nagpasya na lang siyang magtinda ng gulay para buhayin ang sarili. Nang madiskubre ng mga residente na magaling siyang magkumpuni at mag-karpintero ay isa-isang lumapit ang mga ito para hingin ang kaniyang tulong na kahit kailan, hindi niya naman tinanggihan.
“Kung may kailangan kayo, ‘wag kayong magdalawang-isip na puntahan ako.” Iyon kasi ang madalas niyang sabihin sa mga humihingi ng tulong sa kaniya.
Hapon na nang makauwi siya sa maliit niyang barong-barong. Agad siyang nagsindi ng kandila para lumiwanag naman sa loob kahit kaunti. Naupo siya sa papag at pinagmasdan niya ang kabuuan ng lugar na tinitirhan.
Gawa lang ito sa pinagtagpi-tagping yero, kahoy at iba pang materyales na nakita niya lang sa paligid. Pinagsama-sama para kahit papaano ay magkaroon ng bubong at dingding. Kapag may bagyo ay halos hindi siya makatulog magdamag. Abala siya sa pagbabantay ng bahay na anumang oras ay pwedeng tangayin ng hangin.
“Mang Boy, ito po ba talaga ang bahay niyo? Hindi po ba delikado?” tanong ng isa sa mga residente na si Ken.
Kilala niya ang binata dahil madalas humingi ng tulong sa kaniya ang ama nito noon. Isa nang arkitekto ang binata ngayon.
“Delikado kung minsan pero ano naman ang magagawa ko? Gustuhin ko mang kumpunihin, wala na rin naman akong magagawa,” sagot niya habang napapakamot sa ulo.
“Naku, bakit hindi na lang po kayo magrenta ng ibang bahay? Meron naman ho siguro kayong makukuha na mura,” suhestiyon nito.
“Hindi na, gastos lang iyon. Matanda na naman ako at sanay na sa hirap,” aniya.
Nakakatawang isipin kung minsan na kilala siya ng mga tao bilang magaling na karpintero pero siya itong walang maayos na bahay at matutulugan.
Lumipas ang mga buwan. Naging abala siya sa paglalako ng gulay.
Samantala ay nakita niya na sinimulan na pala ang pagbuo sa bahay sa bakanteng lote sa tapat niya. Kung minsan ay kumikita siya dahil sa pag-esktra ekstra niya sa ginagawang bahay.
Dumating ang kaarawan ni Mang Boy. Agad siyang naghanda, nakaugalian na kasi niya na magdiwang kasama ang mga residente na halos pamilya na ang turing niya. Kahit tuloy matanda na siya, hindi niya mapigilan ang masabik sa tuwing sasapit ang kaniyang kaarawan, pakiramdam niya kasi ay espesyal siya at hindi nag-iisa sa araw na iyon.
“Mang Boy, happy birthday po! Pasok po kayo dito. Naghanda po ako ng pagkain para sa inyo,” paanyaya ni Tessa.
Hindi nga siya nabigo dahil hindi nakalimutan ng mga ito ang kaarawan niya. Dumoble pa ang saya nang isa-isang nagsidatingan ang ibang residente. Bawat isa ay may dalang pagkain para sa kanilang salu-salo.
Masayang-masaya si Mang Boy habang pinapanood na nagkakantahan, sawayan, at tawanan ang lahat.
May iilang hindi nakarating, ngunit hindi iyon nakabawas sa saya.
Nang matapos ang kasiyahan ay may isang lumapit sa kaniya. Si Ken.
“Happy birthday po, Mang Boy!” anito bago iniabot sa kaniya ang kung ano.
Nagtaka siya nang iabot nito sa kaniya ang isang susi.
“Ano ito?” takang bulalas niya.
Isang misteryosong ngiti lang ang pinakawalan nito bago siya nito hinila papunta kung saan—papunta sa direksyon ng bahay niya.
Ngunit imbes na sa bahay niya ay dinala siya nito sa katapat na bahay, na katatapos lang gawin. Maliit man ang bahay ay maganda iyon at alam niyang matibay, dahil isa siya sa mga bumuo noon.
“Bakit ho hindi n’yo subukan ang susi?” maya-maya ay wika ni Ken bago nito itinuro ang pinto ng bahay.
Kabadong sinunod niya ito. Gumana nga ang susi!
Nang itulak niya ang pinto ay nagulat siya nang bumukas ang ilaw sa loob.
“Happy birthday, Mang Boy!” sigaw ng mga tao sa loob, na namukhaan niyang ang mga residente na hindi niya nakita kanina.
“Ito ho ang regalo namin sa inyo, Mang Boy. Nakipag-ugnayan ako sa munisipyo para humingi ng tulong na makuha ang lupa. Sa panggawa ng bahay, nagpatak-patak kaming mga residente. Ako ho ang nagdisenyo ng bahay niyo,” paliwanag ni Ken.
Tumulo ang luha ni Mang Boy.
“P-pero bakit? Ang laki-laking bagay nito…” hindi makapaniwalang bulalas niya.
Si Tessa ang sumagot.
“Ang laki-laki ho ng tulong n’yo sa amin sa pag-aayos ng mga bahay namin. S’yempre ho ay gusto namin na komprotable rin kayo. Ayaw namin na naroon kayo sa barong-barong niyo…”
Napaghagulhol na lang siya. Hindi siya makabuo ng pahayag na sasapat para sa kaniyang pasasalamat sa lahat.
Maaaring malaking bagay ang ibinigay sa kaniyang regalo, ngunit sa bagay na iyon, alam ni Mang Boy na may pinagkaloob sa kaniya ang mga ito na hindi mabibili ng pera—malasakit.