Inday TrendingInday Trending
Iniwan Niya ang Nobyo Niya para Magpakasal sa Iba; Matutuhan Niya Kayang Mahalin ang Bagong Asawa?

Iniwan Niya ang Nobyo Niya para Magpakasal sa Iba; Matutuhan Niya Kayang Mahalin ang Bagong Asawa?

“Anong sinasabi mo, Liz? Maghihiwalay na tayo, at magpapakasal ka sa ibang lalaki?”

Tila may kumurot sa puso ni Liz nang makita ang mukha ng nobyo na tigmak sa luha.

“Migo, kailangan kong gawin ‘to para sa kinabukasan natin. Mahal kita, pero ayoko na matulad sa akin ang mga anak ko. Ayoko na lumaki silang mahirap at salat sa buhay. Ganoon ang mangyayari kapag ikaw ang pinili ko. Sana maunawaan mo, Migo…” pagsusumamo niya sa nobyo.

Hindi ito umimik, ngunit alam niya na nauunawaan nito ang sinasabi niya. Mabait ang nobyo nito at nakakaunawa ito ng katuwiran. Alam niya na gugustuhin din nito na mapabuti siya.

“P-pero magsisikap ako, Liz. ‘Wag naman ganito…” halos maglumuhod na pakiusap pa nito.

Tuluyan nang tumulo ang luha na pinipigilan ni Liz.

“Sorry, Migo. Hindi ko na kaya pang hintayin ang panahon na umasenso ka. Aminin na natin, suntok sa buwan ang yumaman ang mahihirap sa panahon ngayon. Mabuti kang lalaki, at sigurado ako na mahahanap mo ang para sa’yo…”

Bago pa magbago ang isip ni Liz ay iniwan niya na si Migo. Alam niya kasi sa sarili na kapag nagtagal pa siya roon ay maaawa siya rito.

Hindi na siya maaring umatras sa kasal nila ni Nestor, na isang mayamang negosyante. Kilala ito ng kapatid niya. Mabuting lalaki rin ito, at alam niya na hindi niya dapat itong pakawalan. Mahirap makahanap ng lalaking tulad nito sa panahon ngayon.

“Mabuti naman anak at sinunod mo ang payo ko. ‘Wag kang mag-alala. Mabait na bata si Nestor, kaya sigurado ako na matututuhan mo siyang mahalin,” anang kaniyang ina.

Hindi na lang siya umimik. Ang totoo ay hindi siya sigurado kung tama ba ang ginawa niyang pagpili kay Nestor.

Pero mabuti na rin iyon. Hindi rin naman siya sanay sa hirap. Alam niya na hindi kayang ibigay ni Migo iyon.

Nang magsimula silang magsama ni Nestor ay isang pagsubok kaagad ang dumating sa kanilang mag-asawa.

Isang linggo matapos silang ikasal ay natuklasan niya na buntis siya. Ngunit hindi ang asawa niya ang ama, kundi ang ex niya na si Migo.

Masaya man siya na nagbunga ang pagmamahalan nila ni Migo, hindi niya pa rin maiwasan na kabahan. Natatakot kasi siya sa magiging reaksyon ng asawa niya. Baka hiwalayan siya nito. O hindi kaya ay hindi nito mahalin ang anak nila ni Migo.

Ngunit wala sa mga kinatatakutan niya ang nangyari. Inako nito ang anak niya, at wala siyang anumang sumbat na narinig mula sa lalaki.

Noon niya napatunayan na tama nga ang naging desisyon niya na iwan si Migo at pakasalan si Nestor.

Nang makapanganak siya ay mas lalo lang niyang nakita ang kabutihang loob ni Nestor. Itinuring nito na tunay na anak ang batang isinilang niya. Mahal na mahal nito ang anak niya, bagay na labis niyang ikinatutuwa.

Subalit hindi naman kayang turuan ang puso.

Sa kabila ng kabutihang loob ni Nestor ay iba pa rin ang itinitibok ng puso niya. Ngunit hindi niya magawang sabihin iyon sa asawa niya dahil masasaktan ito. Napakabuti nito sa kanilang mag-ina.

Limang taon ang matuling lumipas. Maayos ang pagsasama nila ni Nestor, kahit na wala siyang pagmamahal para rito. Isa rin itong napakabuting ama para sa anak niya na si Giselle.

Kaya naman gulat na gulat siya sa sinabi nito isang araw.

“Maghiwalay na tayo, Liz. Gusto ko na sumaya ka, at alam kong hindi ako ang tunay na magpapasaya sa’yo…” malungkot na sabi nito bago nito inalis sa daliri nito ang singsing na simbolo ng pag-iisang dibdib nila.

“N-Nestor, ano bang sinasabi mo?” pagkakaila niya.

“Hindi mo man sabihin, alam ko na ang ama ni Giselle pa rin ang mahal mo. Sa limang taon nating pagsasama, hindi ko man lang nakita ang tunay mong ngiti. Peke ang mga ngiti mo.”

Hindi siya nakaimik. Hindi siya makapagkaila dahil totoo ang sinasabi nito.

“Alam ko na hindi ka makaalis dahil sa anak mo… Pero dapat malaman ni Giselle ang tungkol sa ama niya, Liz,” anito.

Tumulo ang luha sa mga mata ni Liz. Labis ang pasasalamat niya kay Nestor. Hindi siya magkakaroon ng lakas ng loob kung hindi dahil dito.

“Sundin mo ang puso mo, Liz,” sabi pa nito bago malungkot siyang iniwan.

Hindi na siya nag-atubili pa. Bitbit ang isang isang bag at ang kaniyang anak ay tinungo niya ang bahay ng dating kasintahan.

Wala pa ring pinagbago iyon. Luma pa rin ang bahay. Malayong-malayo iyon sa bahay ni Nestor, ngunit alam niya na ngayon na hindi mahalaga ang pera o yaman. Ang mahalaga ay kasama niya ang taong nagpapatibok ng puso niya.

Matiyaga niyang hinintay ang pagdating ni Migo. Alam niya na matutuwa ito sa pagbabalik niya. Lalo na kapag nalaman nito na may anak sila.

Nang makita niya ang pagparada ng traysikel na pinapampasada nito ay dumoble ang kaba niya. Agad na tumahip ang dibdib niya nang mamasdan ang gwapong mukha ng dating nobyo.

Akma niyang lalapitan ito nang kasabay nitong bumaba sa traysikel ay isang babae na may karga na batang sa tantiya niya ay wala pang isang taong gulang.

Natigagal siya nang magkahawak kamay na pumasok ang dalawa sa loob ng bahay.

“Salamat sa sorpresa mong date natin, mahal. Nag-enjoy kami ng anak natin,” naulinigan niya pang wika ng babae.

“Sorry sa nakayanan ko, ha. Hayaan mo’t makakaraos din tayo,” ani Migo bago nito hinalikan ang noo ng babaeng sa hinuha niya ay asawa nito.

Sa mukha ng dalawa ay bakas ang dalawang bagay na matagal niya nang hindi nararamdaman. Saya at kakontentuhan.

Napaluha na lang si Liz sa labis na pagdaramdam. Huli na pala siya. May iba nang mahal si Migo.

At kilala niya si Migo. Kapag nagmahal ito ay matindi. Sagad. Nag-uumapaw. Alam niya na nakalimutan na siya nito, dahil nagawa na nitong magmahal ng iba.

Sa huli ay wala siyang ibang maisip kundi ang balikan ang taong nakasama niya sa loob ng limang taon, si Nestor.

Nang makauwi siya ay madilim ang kabahayan. Bubuksan niya na sana ang ilaw nang makarinig siya ng tinig mula sa dilim, tila iyon tinig ng isang babae.

“Wala na ba talaga kayo ng asawa mo, Nestor? Magiging malaya na tayo?” tanong ng babae.

“Oo, wala na. Itinaboy ko na papunta sa first love niya. Para naman hindi ako magmukhang masama,” sagot ng lalaki.

“Grabe. Ang tagal niyo rin nagsama, buti hindi siya nakahalata,” komento ng babae.

“S’yempre. Magaling akong magtago. Madali lang din siya utuin, kasi baliw na baliw pa rin sa ex niya.”

Hindi man niya nakikita si Nestor ay alam niyang nakangisi ito.

Natutop ni Liz ang bibig niya sa labis na gulat. Ang inakala niyang mabuting lalaki na pinili niya, nagbabalat-kayo lamang pala.

Lumuluhang nilisan niya ang bahay na nagsilbing tahanan niya sa loob ng limang taon. Habang naglalakad siya kasama niya ang kaniyang anak ay binalot siya ng pagsisisi.

Nanghihinayang siya sa lahat ng itinapon niya noon para sa maling lalaki—ang lalaking minahal niya, kasiyahan niya sa loob ng limang tao, at higit sa lahat, ang tiyansa na magkaroon ng masaya at buong pamilya.

Advertisement