Inday TrendingInday Trending
Labag Man sa Kalooban, Sumunod ang Batang Ito sa Utos ng Kaniyang Nanay na Pinturahan ang Kanilang Bakod; May Naisip Siyang Paraan Upang Malusutan Ito

Labag Man sa Kalooban, Sumunod ang Batang Ito sa Utos ng Kaniyang Nanay na Pinturahan ang Kanilang Bakod; May Naisip Siyang Paraan Upang Malusutan Ito

Masama ang loob ni Adrian habang pinagmamasdan niya ang kahabaan ng bakuran nila. Bitbit niya sa kanang kamay ang isang lata ng pinturang puti at sa kaliwang kamay ang brotsang gagamitin sa pagpipintura.

Nag-aalmusal pa siya nang sabihin sa kanya ng nanay niya na, “Huwag kang aalis, Adrian, dahil may ipagagawa ako sa iyo. Baka naman makikipaglaro ka na naman sa mga kaibigan mo. Sinasayang mo lang ang oras mo.”

“Ano po iyon, ‘Nay?” usisa ni Adrian. Maglalaro pa naman sila ng patintero ng mga kaibigan niya.

“Pinturahan mo na ang bakuran natin. Kupas at marumi na kasi ang kulay. Magsimula ka na pagkatapos mong kumain diyan ng almusal.”

Mabait ang nanay ni Adrian subalit kapag nagbitiw na ito ng utos, hindi ito puwedeng suwayin.

Pagkatapos mag-almusal, kinuha na ni Adrian ang lata ng pintura at brotsa. Para siyang tinatamad nang makita niya kung gaano kahaba ang bakod na kaniyang pipinturahan.

Lalo siyang nakaramdaman ng katamaran nang maisip niya na baka masaya nang naglalaro ang kaniyang mga kaibigan.

Isinawsaw niya ang brotsa sa lata ng pintura at dahan-dahang idinampi sa isang sulok ng mahabang bakuran.

Nang walang kagana-ganang isasawsaw na ulit ang brotsa sa lata ng pintura, natanaw niyang dumarating ang kapwa bata ring si Vincent.

“Hoy, Adrian!”

Hindi siya lumingon at kunwari ay walang narinig. Binilisan niya ang paghahaplos ng pintura sa bakod.

“Anong ginagawa mo, Adrian?”

Gusto sana niyang ibuhos sa mukha ni Vincent ang pintura. Malamang, nagpipintura?

Wala pa rin siyang narinig. Humakbang siya sa likod at sinipat ang napinturahan na.

“Kawawa ka naman, Adrian. Nagpipintura ka.”

“Bakit naman kawawa? Ayos nga eh!”

Isinawsaw na ulit ni Adrian sa lata ng pintura ang brotsa at ganadong-ganadong itinuloy ang pagpipintura. Sisipol-sipol pa siya kunwari na para bang tuwang-tuwa siya sa kaniyang ginagawa.

Para namang nainggit si Vincent sa ginagawa ni Adrian.

“Pasubok nga rin! Tingnan ko lang kung masarap ba sa pakiramdam magpintura.”

“Ay, huwag! Baka hindi mo kaya. At saka, magagalit ang nanay ko. Kailangang maayos ang pintura nito.”

“Sige na, pasubok lang. Aayusin ko. Oh, ibibigay ko sa iyo ang laruang yoyo ko, pagpintahin mo lang ako.”

“Oh, sige na nga.” Naupo si Adrian sa isang tabi at hinayaang magpintura si Vincent. Habang pinapanood niya ito, nabuo sa isipan niya ang isang balak para mapadali ang trabaho niya, makaalis kaagad, at makaipon pa siya ng mga laruan.

Nang umalis na ang napagod nang si Vincent, sumunod namang naisahan ni Adrian ang nagdaang mga kapitbahay na sina Wally, James, Krimson, Alex, at Tinoy. Bawat isa ay nagbigay sa kaniya ng kanilang sanlang laruan hanggang sa makarami na siya.

Agad ding natapos ang pagpipintura subalit hindi maganda ang kinalabasan nito. Iba-iba kasing paghagod ang ginawa ng mga napakiusapang sumubok na magpintura. Nagalit ang nanay ni Adrian nang makita ito.

“Ano ba yan, Adrian! Bakit ganyan ang nangyari? Napakasimple na nga lang ng pagpipintura, hindi pa magawa nang maayos?”

“Patawad po, Nanay. Ang totoo po niyan, hindi po ako ang nagpintura niyan,” pag-amin ni Adrian.

“Eh sino?”

At isinalaysay na ni Adrian ang kaniyang ginawa. Sa pagnanais na matapos na ang gawain upang makapaglaro na, umisip siya nang paraan upang mas mapabilis ito kahit hindi maganda ang kinalabasan.

“Alam mo anak, hindi kita bibigyan ng isang gawain na alam kong hindi mo kakayanin. Simpleng pagpipintura lamang iyan ng bakuran. Gusto ko kasing matuto ka, para kapag dumating ang panahon na ikaw na lamang mag-isa at mag-aasawa ka na, alam mo na ang gagawin mo bilang padre de pamilya. Isa pa, hindi maganda na inaapura ang mga bagay-bagay; mas mainam na yung mabagal pero tama at pulido naman,” sabi ng kaniyang nanay.

“Opo, nanay. Pasensya na po at hindi na mauulit,” paghingi ng paumanhin ni Adrian.

“Tatandaan mo anak, ayos lang naman na humingi ng tulong sa ibang tao kung hindi kaya ang isang gawain. Pero may mga bagay na ikaw lang din ang makagagawa nang mag-isa, at kapag natapos mo, masisiyahan kang pagmasdan ito. Hala, sige ulitin mo ‘yan, tingnan natin ang magiging resulta.”

At matiyaga na ngang inulit ni Adrian ang pagpipintura—sa pagkakataong ito ay mas maingat at mas masinsin na.

Maging siya ay humanga sa sarili niyang gawa nang mapagmasdan na ito. Mas nalibang pa siya rito sa totoo lang, kaysa sa pakikipaglaro ng patintero!

“Oh kita mo na, anak? Masarap tingnan ang resulta ng isang bagay kapag alam mong pinaghirapan mo, ‘di ba?”

“Opo, nanay. Salamat po sa tiwala,” pasasalamat ni Adrian sa kaniyang nanay.

Simula noon ay naging balanse na ang mga ginagawa ni Adrian. Naglalaro pa rin naman siya subalit hindi na siya kagaya ng dati na kinakatamaran ang mga gawaing-bahay; sa katunayan, nagkusa na rin siya na pinturahan na rin ang mga cabinet nila na nangungupas na ang kulay. Sabi nga, kapag gusto ay maraming paraan!

Advertisement