Inday TrendingInday Trending
Maganda na Sana ang Bungad ng Araw Niya Nang may Lalaking Nag-Aamok na Kumatok sa Bintana ng Sasakyan; Ano Bang Problema Nito?

Maganda na Sana ang Bungad ng Araw Niya Nang may Lalaking Nag-Aamok na Kumatok sa Bintana ng Sasakyan; Ano Bang Problema Nito?

Masaya ang simula ng araw ni Wilmar, maganda ang kaniyang bangon at walang bigat kaya sana naman ay magtuloy-tuloy ito hanggang mamayang gabi. Bawat pasaherong sumasakay sa kaniya’y kaniyang sinasalubong ng matamis na ngiti habang binabati ng magandang araw, ganoon kaganda ang araw niya.

Habang maayos na nagmamaneho ay kinakausap niya ang kaniyang mga pasahero nang kung ano-ano, nang bigla-bigla niyang inapakan ang preno dahil sa biglaang paghinto ng sasakyan sa kaniyang harapan. Halos masubsob sa unahan ang kaniyang mga pasahero, pati na rin siya dahil sa biglaang paghinto.

Nang makabawi ay agad siyang humingi ng pasensya sa mga ito. Nakakaunawang tumawa lang ang mga ito, dahil alam naman ng mga itong hindi niya kasalanan ang nangyari. Akmang bubuhayin na sana niya ulit ang makina nang may lalaki sa labas ang kumatok sa kaniyang bintana. Bilang pagrespeto ay binuksan niya iyon upang harapin ang nag-aamok na lalaki.

“Wala ka bang utak?!” galit na bungad ng lalaki. “Bakit bigla-bigla ka na lang tumitigil! Hindi mo ba alam na kamuntikan na kaming mabangga sa likod mo! Paano kung nabangga ako, e ‘di disgrasya tayong pareho! Kulang ka sa seminar p*t@ng ina mo! Kaya ba ng kinikita mong bayaran ang pagpapalibing sa’min? T*ng ina mo, mag-iingat ka sa pamamaneho dahil kulang pa ang kinikita mong bayaran ang buhay ng tao! Mas kaya ko pang bayaran ang buhay mo kaysa sa mabayaran mo ang buhay ng pamilya ko!” gigil na gigil na kausap sa kaniya ng lalaki.

Sa galit nito’y naglabasan na ang ugat nito sa leeg. Naiintindihan niya ang nais iparating sa kaniya ng lalaking nag-aamok, ang hindi niya maintindihan ay bakit kailangan siya nitong murahin nang ganoon kalutong? Kung tutuusin ay pareho silang biktima ng sasakyang nasa unahan. Bukod sa sinabi nitong wala siyang utak, ipinamukha pa nito ang estado niya sa buhay, tapos ay pinagmumura pa siya nito at iyon ang mahirap na tanggapin sa kaniyang parte.

Ngunit imbes na patulan ang init ng ulo nito’y mas pinili na lamang niyang huwag itong patulan at palipasin ang masasakit na salita ng lalaki.

“Pasensya ka na, pare, hindi ko rin talaga sinasadyang biglaang mapahinto,” pakumbaba niya.

“Sa susunod huwag kang t@t@nga-t@nga! Makakadisgrasya ka ng buhay kung ganyan ka!” galit pa rin nitong wika.

“Pasensya na talaga, p’re,” muli niyang hinging paumanhin.

Kaya naman niyang palampasin ang masasakit na sinabi ng lalaki. Aakuin na lamang niya ang kasalanang hindi naman sa kaniya, matapos lamang ang usapan dahil nakakaabala na rin sa kaniyang mga pasahero.

“Teka lang naman, sir,” anang babae, isa sa kaniyang pasahero.

Hindi namalayan ni Wilmar na nakababa na pala ang bintana sa tapat nito at kanina pa ito nakikinig sa usapan nila.

“Pasensya na po ah, pero sobra-sobra naman yata ang insultong natanggap ni manong galing sa’yo. Sana bago ka mag-amok d’yan, inalam mo muna kung bakit bigla-bigla na lang niyang inapakan ang preno,” anang babae. “Kung hindi siya nakapag-preno kanina malamang ay bumangga na rin kami sa sasakyang nasa unahan namin na siyang may totoong dahilan kung bakit bigla na lang kaming nagpreno. Ayos lang naman na isisi mo sa kaniya ang kasalanan, dahil siya ang nasa unahan mo at ikaw ang nasa likuran, pero hindi naman tama ang labis mong pang-iinsulto sa kaniya!” anito.

Sa pagkakataong ito ay nakaharap na sa babae ang nag-aamok na lalaki sa labas. Nakikita pa rin sa mukha nito ang labis na galit, mas lalo lamang nagalit ang mukha nito sa insultong natanggap mula sa babae.

“Kahit propesyonal ka pa, sir, ay wala kang karapatang mang-insulto at magmura sa kapwa mo. Masyado mong inuuna ang init ng ulo mo. Hindi mo na lang naisip na wala namang nasaktan sa nangyari. Iyang tindig mo mukha kang mayaman at propesyonal, pero iyang utak mo kakapiranggot lang!” asik ng babae.

Inis na inis at nagsasalubong na ang kilay nito habang nakatingin sa babaeng pasahero. Kung hindi lamang siguro ito babae ay malamang hinamon na ito ng lalaki ng suntukan.

“Hindi ba’t masakit makatanggap ng insulto mula sa taong hindi mo kilala? Sana naisip mo rin na iyang naramdaman mo ngayon, iyan din ang naramdaman ni manong,” anito, tukoy kay Wilmar.

Hindi na hinintay ng dalaga ang sagot ng lalaking galit. Agad-agad na niyang isinara ang bintana at inutusan si Wilmar na umalis na.

Bahagya namang napangiti si Wilmar sa ginawa ng babaeng pasahero. Hindi niya ito kilala pero handa itong makipagsapakan sa lalaki kanina upang maipagtanggol lamang siya.

“Salamat, ‘neng,” aniya sa pasaherong babae na nakaupo sa may likuran.

“Walang anuman po, manong, sumosobra na kasi siya kaya hindi na ako nakapagtimpi. May mga tao talagang mayayabang kaya nararapat lamang iyon sa kaniya. Mas maigi na iyong kami na lang na pasahero ang makipagsagutan kaysa ikaw ang pumatol doon, baka kasi humaba pa ang usapan at mas lalo lamang tayong maantala,” anito.

Marahang tumango si Wilmar bilang pagtugon. Kahit ganoon ang nangyari’y magpapatuloy ang magandang umaga niya.

Huwag pairalin ang init ng ulo sa daan. Marami kang makasasalamuha, maraming pangyayari ang hahamon ng iyong pasensya, ngunit palaging mas piliin ang malawak na pang-unawa, dahil walang mangyayaring maganda kung maliit na bagay lamang ay palalakihin mo pa.

Advertisement