Inday TrendingInday Trending
Nagtanim Siya ng Sama ng Loob sa Kaniyang Biyenan Dahilan Kaya Ayaw Niyang Makisalamuha sa mga Ito; Darating pa Kaya ang Araw na Magkakabati Sila?

Nagtanim Siya ng Sama ng Loob sa Kaniyang Biyenan Dahilan Kaya Ayaw Niyang Makisalamuha sa mga Ito; Darating pa Kaya ang Araw na Magkakabati Sila?

“Kaarawan ngayon ni mama, Lauren, gusto mo bang pumunta?” tanong ni Jack sa asawa.

Nilingon siya nito at bahagyang lumungkot. “Ikaw na lang ang pumunta, hon. Maiiwan na lang muna ako rito, kasama ang mga bata,” aniya.

Nakakaunawang tumango si Jack at humakbang upang yakapin ang asawa. Nauunawaan ni Jack kung bakit malayo ang loob ni Lauren sa kaniyang mga magulang, ngunit ganoon pa man ay wala siyang ibang hinihiling na sana’y dumating ang araw na magkabati na ang mga ito at dumating ang araw na makakasama na ang asawa sa anumang okasyon kasama ang kaniyang pamilya.

Hindi rin naman niya masisisi ang asawa, kung nagkataon rin sigurong gawin iyon ng magulang nito ang ginawa ng kaniyang magulang kay Lauren ay kagaya nito’y magtatampo rin siya. Mabait naman ang kaniyang mga magulang, sadyang ayaw lang ng mga ito kay Lauren, dahil sa pagiging dalagang ina nito.

May isang anak na ito noong naging sila. Sa labis na pagmamahal niya sa dalaga’y hindi alintana sa kaniya ang pagkakaroon nito ng anak sa ibang lalaki. Buong-buo niya iyong tinanggap at itinuring na rin niyang anak ang unang anak ni Lauren, ngunit hindi nang kaniyang mga magulang.

Ayaw ng mga ito sa asawa at ilang beses siyang kinuwestyon ng mga ito kung ano ang kaniyang nakita sa babae at bakit ito ang kaniyang minahal. Minsan nga’y pinagbintangan ng mga ito si Lauren na ginayuma lamang siya nito dahilan upang mabaliw siya nang sobra rito. At lahat ng masasakit na salita’y ibinato ng mga magulang sa asawa, dahilan kaya ayaw ni Lauren na makihalubilo sa mga magulang.

“Pasensya ka na talaga, hon ah. Ikaw na lang muna ang pumunta sa kaarawan ni mama mo, balitaan mo na lang ako,” ani Lauren at matamis na ngumiti.

“Sige, mag-iingat ka rito.”

Tumango si Lauren at ginawaran ng magaan na halik sa labi ang asawa. Akmang tatalikod na si Jack upang umalis nang tumunog ang doorbell. Sabay silang napalingon sa isa’t-isa at parehong nagtataka kung sinuman ang hindi nila inaasahang bisita.

Pagbukas ng pintuan ay sabay silang nagulat sa kanilang napagbuksan. Ang Mama at Papa ni Jack ay parehong nasa labas, nakangiting bumungad sa kanila. Ano ang ginagawa ng mga ito sa bahay nila? Sa apat na taon nilang mag-asawa ay ito ang unang beses na dumalaw ang mga ito sa bahay nila.

“Magandang araw, anak,” matamis na bati ni Jaqueline, ang ina ni Jack.

“M-Mama, happy birthday,” ani Jack. Niyakap ang ina at ginawaran ito ng magaan na halik sa pisngi.

“M-Magandang araw, Lauren,” nakangiting bati naman nito kay Lauren.

Kung nakikipagplastikan lamang ito sa kaniya’y ayos lang. Ayaw niyang sirain ang kaarawan ng biyenan. “Happy birthday, mama,” bati niya at gaya ni Jack ay niyakap niya ito at hinalikan sa pisngi.

Kahit anong mangyari ay mga magulang pa rin ito ng kaniyang asawa kaya nararapat lamang na pakiharapan niya ito nang maayos.

“Anak, napagkasunduan namin ng papa mo’t mga kapatid na dito na lamang sa bahay niyo idaos ang aking kaarawan para naman maging kumpleto tayong pamilya,” anang ina ni Jack.

Bahagyang natameme si Jack sa sinabi ng sariling ina. Naguguluhan na may kasamang pag-aalala itong lumingon sa gawi ni Lauren. Isang marahang tango lang naman ang itinugon ni Lauren sa asawa. Wala namang problema sa kaniya kung iyon ang nais ng mga biyenan.

“Naisip kasi namin ng mama mo, anak, na panahon na rin siguro upang magkabati-bati tayong lahat at kalimutan na ang masamang nangyari noon, kaya nakapagdesisyon kami na dito na lang sa inyo gawin ang selebrasyon para makasama natin si Lauren,” anang biyenan na lalaki sabay lingon sa gawi ni Lauren.

“Oo nga naman, anak, Lauren,” anang ina ng asawa. Lumapit ito sa gawi ni Lauren at maingat na inabot ang kaniyang mga kamay. “Patawarin mo sana kami ng papa mo. Alam ko anak na mahirap gawin ang bagay na iyon, ngunit sana sa araw na ito’y mapagbigyan mo ako. Kalimutan na muna natin kung anomang samaan ng loob ang nangyari at maging buong pamilya. Sana naman ay mapagbigyan mo ako, kahit regalo mo na lang iyon sa’kin,” nakikiusap na dugtong ng ina nito.

Hindi napigilan ni Lauren ang maluha sa sinabi ng biyenan. Marahan siyang tumango at niyakap ito. Sa puso niya’y alam niyang matagal na niyang napatawad ang mga ito, siguro’y sa kaibuturan ng kaniyang puso ay ito na lamang ang kaniyang hinihintay. Hindi na kailangan ng mga itong makiusap sa kaniya dahil handa siya at bukal sa kaniyang loob na kalimutan ang lahat ng masamang nangyari noon.

“Salamat ma, pa, patawarin niyo rin sana ako,” ani Lauren. Hindi napigilan ang pag-agos ng luha.

“Salamat din, anak. Mahal ka namin ng mama mo, gaya ng pagmamahal ng anak namin sa’yo,” anang papa ni Jack.

Hindi napigilan ni Jack ang maiyak sa tuwa, ganoon rin si Lauren.

Salamat sa Diyos at natupad na rin ang matagal ng hinihiling ni Jack, ang magkabati-bati ang kaniyang pinakamamahal na magulang at asawa. Matapos nilang magyakapan na apat ay sabay-sabay na silang pumunta sa kusina upang ihanda ang pagkaing dala ng kaniyang mga magulang at hinintay na rin nila ang pagdating ng kaniyang mga kapatid.

Sa lahat ng okasyong nangyari sa kanilang buhay, ito ang pinakamasaya sa lahat dahil kasama niya ang kaniyang asawa at mga anak, pati na ang kaniyang mga magulang at mga kapatid. Salamat sa Diyos, matagal mang nangyari ang inaasam-asam niya, kahit papano naman ay hindi siya nabigo sa paghihintay.

Minsan ay hindi mo talaga pwedeng ipilit sa isang tao na tanggapin ang buo mong pagkatao. Marami kang matatanggap na masasakit na salita, makakaramdam ka ng pagkasuklam at mas pipiliing iwasan ang mga ito kaysa pilitin ang pakikisama na mahirap mangyari, ngunit pakatatandaan na naghihilom ang lahat ng sugat sa tamang oras.

Advertisement