Pinili Niyang Ipamigay ang Bunsong Kapatid sa Mayamang Pamilya Para sa Maganda Nitong Kinabukasan; Totoo nga Kayang Ibinenta Niya Ito?
“Oliver, may naghahanap sa’yo,” ani John, ang kaniyang kasama sa trabaho.
“Sino raw, p’re?” takang tanong ni Oliver.
Nagkibit-balikat ito saka umismid. “Hindi ko na rin natanong, p’re.”
Kaysa magtanong pa ay pinili na lamang ni Oliver na bitawan ang hawak na vacuum at itinabi. Sino kaya ang taong naghahanap sa kaniya? Wala siyang maisip na taong dadalaw sa kaniyang trabaho, dahil wala namang nakakaalam kung saan talaga siya nagtatrabaho.
“May naghahanap daw sa’kin, Erika?” tanong ni Oliver sa kasamang babae.
“Oo mayroon nga,” sagot nito.
Tumayo ito upang hanapin kung sino man ang kaniyang hindi inaasahang bisita at dagling hinanap ito. Nang makita’y agad itong itinuro sa kaniya. Nakatalikod ang lalaki kaya hindi niya makita kung ano ang itsura nito. Naglakad siya papalapit sa pwesto nito at nang sa wakas ay humarap ang lalaki sa gawi nya’y parang saglit na tumigil ang kaniyang mundo.
“T-Thomas?” nauutal niyang sambit.
Hindi siya pwedeng magkamali! Lumipas man ang maraming taon at nagbago man ag itsura nito’y alam niyang ito si Thomas, ang nag-iisa niyang kapatid na lalaki.
“Kilala mo pa pala ako… kuya,” tabingi itong ngumiti habang nanlilisik ang mga mata.
Galit… iyon ang nakikita niyang nakarehistro sa mata ni Thomas. Alam niya kung bakit ito galit sa kaniya at nauunawaan niya ang dahilan nito.
“Kumusta?” tanong niya. Pambabalewala niya sa galit nitong nais iparating.
“Ito, buhay pa naman sa awa ng Diyos,” pabalang nitong sagot.
Pasimple siyang ngumiti at tinitigan ito nang diretso. “Masaya ako at sa mga oras na ito’y kaharap na kita, Thomas,” aniya, iyon ang totoo. Ni sa panaginip ay hindi niya kailanman naisip na darating pa ang araw na ito.
“Dapat lang kuya, dahil pinilit kong mabuhay mula noong inabandona mo ako!” mahina lamang ang boses nito ngunit may riin ang bawat kataga.
Tuwid na tumingin si Oliver sa mga mata ng kapatid. Iyon ang itinanim ni Thomas sa isipan, iniwan niya ito at inabandona. Ngunit hindi nito alam ang totoong dahilan kung bakit napilitan siyang gawin ang bagay na iyon.
“Wala akong pinagsisisihan sa naging desisyon ko noon, Thomas,” ani Oliver. “Kung babalik tayo sa panahong iyon ay pipiliin ko pa rin ang iwanan ka, dahil alam kong mas makakabuti iyon para sa’yo,” dugtong niya.
Hindi sumagot si Thomas, nanatili lamang itong nakatitig sa kaniya at nanlilisik ang mga mata sa galit. Labing apat na taon na rin ang nakakalipas mula noong naipit si Oliver sa isang mabigat na desisyon. Nang gawin niya ang desisyong iyon, alam niyang hinding-hindi na siya kailanman mapapatawad ng nag-iisang kapatid, ngunit mas matatanggap niya iyon kaysa ang mawala ito nang tuluyan sa mundo.
“Bakit mas pinili mong ipamigay ako, kuya?” puno ng hinanakit na tanong ni Thomas sa kapatid. “Dahil ba pabigat ako? Nagsawa ka sa’kin kaya nagdesisyon kang idispatsa ako at ipamigay? Magkano ang perang nakuha mo sa pamilyang Martin? Kinakarma ka ba kaya hanggang ngayon ay gumagapang ka pa rin sa lupa?!” sunod-sunod nitong tanong.
Manipis na ngumiti si Oliver at matamang tinitigan ang bunsong kapatid.
“Sumagot ka!” inis na sigaw ni Thomas sa kapatid. “Lahat ay ginawa ko upang pakibagayan ka noon, kuya,” maluha-luha nitong sambit. “Kumakain ka ng panis na pagkain, kahit nakakadiri ay pinipilit kong nguyain ang pagkaing isinusubo mo kasi ayaw kong isipin mo na pabigat ako sa’yo. Pinakibagayan kita, kuya, lahat ginawa ko huwag mo lang akong iwanan gaya ng ginawa ni mama at papa sa’tin, pero iniwan mo pa rin ako! Pinamigay at ibinenta sa mayamang pamilya! Pero bakit hanggang ngayon ay ganyan ka pa rin?! Mahirap at kayod-kalabaw para lang makakain?!” umiiyak na singhal ni Thomas sa kaniya.
Ang ngiting nakaukit sa mukha ni Oliver ay hindi man lang napapalis kahit na sinigaw-sigawan na siya ni Thomas. Imbes na patulan ang kapatid ay marahan niyang inangat ang braso at hinawakan ang buhok nito at bahagyang ginulo ang pagkakaayos niyon.
“Patawarin mo ako, Thomas, kung may mga desisyon akong hindi mo nagustuhan at nahihirapan kang intindihin. Pero gaya ng sinabi ko kanina, mangyari man ulit ang nangyari noon ay wala akong babaguhin,” aniya. “Hindi kita ibinenta, oo siguro ipinamigay kita, dahil iyon na lang ang alam kong bagay upang mailigtas ka. Bata lang rin ako noon at walang trabaho, kaya noong nagkasakit ka ng sobra’y hindi ko alam kung ano ang gagawin ko, kaya noong may mayamang pamilya ang gustong tulungan ka’y hindi ako nagdalawang isip na tanggapin ang tulong na iyon,” ani Oliver.
Ayaw man niyang maging emosyunal ay hindi niya napigilan ang sarili. kusang pumiyok ang kaniyang boses at hindi niya napigilang maiyak sa alaalang kusang lumukob sa kaniyang isipan.
“Tinulungan nila ako, ngunit huli na nilang sinabi ang kanilang kondisyon, at ang kondisyong iyon ay ang kunin ka’t ampunin. Wala akong kalaban-laban, Thomas, para akong sundalong sumama sa giyera at ipinain ang sarili sa kalaban. Wala akong nagawa noong kunin ka nila, dahil hindi ko kayang bayaran ang perang nagastos nila sa pagpapagamot mo.” Tumikhim si Oliver upang pigilan ang pag-iyak.
“Hindi iyan ang kwentong narinig ko sa kanila,” ani Thomas, matalim pa rin ang mga matang nakatingin sa kapatid.
“Hindi ko pipiliting maniwala ka sa’kin, Thomas. Pero gusto kong malaman mo na masaya akong makita kang muli,” aniya saka tumayo. “Babalik na ako sa trabaho. Dalawin mo ulit ako kapag may libre kang oras. Kaya kong harapin ang galit mo, ibuhos mong lahat, malay mo kapag naubos ang galit mo sa’kin, mapatawad mo rin ako,” ani Oliver saka muling hinawakan ang ulo ng kapatid at bahagyang ginulo ang buhok nito.
Mabigat na tinalikuran ni Oliver ang kapatid. Masaya siya na malungkot. Masaya dahil sa muli nilang pagkikita na magkapatid, malungkot dahil alam niyang namumuhi ito sa kaniya. Ngunit walang kapatawaran ang nangyayari nang isang araw lamang.
Alam niyang darating ang araw na mauunawaan din ni Thomas ang kaniyang naging dahilan, wala siyang ibang hinihiling kundi sana’y dumating ang araw na mapatawad siya ng kapatid. Ngayong nabigyan siya ulit ng pagkakataon na makasama ito’y wala siyang palalampasing oras. Babawi siya, hanggang sa mahanap nito sa puso ang kapatawaran.