Isang Batang Nagbabalik Eskuwela, Matiyagang Nag-aaral Habang Kasama ang Kapatid Niya; Naantig ang Puso ng Guro sa Unang Araw ng Klase Nila
Masaya na naman ang karamihan sa mga bata, bagama’t ang iba ay medyo nag-aalangan pa. Ngayon kasi ang unang araw ng kanilang pagbabalik-eskuwela, kaya naman bakas sa hitsura nila ang kanilang kasabikan. Ngunit bukod doon, isa sa mga estudyante sa klase ng gurong si Sir Delfin ang umaagaw ngayon sa atensyon ng kaniyang mga kapwa mag-aaral…si Marco, isang batang lalaking nasa edad siyam na taong gulang, sa ikaapat na baitang.
Tulad ng ibang bata ay pumasok itong dala ang pag-asang matuto siya at makapag-aral sa paaralang ’yon, ngunit bukod doon ay hindi niya pa rin nakalimutan ang responsibilidad niya sa kaniyang bunsong kapatid na si Chuchay, dalawang taong gulang. Isinama niya ito sa kanilang eskuwelahan, dahil walang magbabantay dito sa kanilang bahay. Ang kaniya kasing ama ay nagtatrabaho bilang construction worker sa ibang lugar, habang ang kanila namang ina, sa kasamaang palad, ay sumakabilang buhay na noon lamang isang buwan.
Si Marco ang naiwan sa kaniyang kapatid, bagama’t sa totoo lang, maging siya ay musmos pa ring maituturing. Ganoon pa man ay namulat na si Marco sa katotohanang kailangan niyang maging matalino at alagaan ang kaniyang kapatid kahit pa mahirap iyong isabay sa kaniyang pangarap na makapagtapos. Ang tagpong iyon ang inabutan ng gurong si Sir Delfin sa kaniyang silid eskuwelahan, at katulad ng naging reaksyon ng karamihan ay ikinagulat nito iyon at kalaunan ay hinangaan.
“Marco, anak, hindi ka ba nahihirapang mag-aral n’yan? Kinakailangan mong kargahin buong maghapon ang kapatid mo habang nagkaklase tayo?” bakas ang awang tanong ni Sir Delfin sa kaniyang estudyante dahil sa nakikita niyang sitwasyon nito. Ngunit mariing umiling sa kaniya si Marco.
“Hindi naman po pasaway itong kapatid ko. Mabait po ito, sir, at nakikinig sa akin,” sagot pa nito pagkatapos ay binalingan ang kapatid. “Hindi ba, bebe? Mabait ka, ’di ba? Nakikinig ka kay kuya?” nakangiti pang pakikipag-usap nito sa kapatid na tila naintindihan naman ng bata at tinanguan.
Doon ay naantig pang lalo ang puso ni Sir Delfin, lalo na nang mapagtanto niyang isa si Marco sa pinakamagagaling niyang mag-aaral! Matalino ito, matiyaga at mabait na bata at dahil doon ay labis pa siyang humanga rito. Hindi inaasahan ni Sir Delfin na ganitong inspirasyon ang aabutan niya sa kaniyang unang araw ng pagbabalik sa pagtuturo. Bahagya tuloy siyang nahiya sa kaniyang sarili, dahil kanina’y parang nagdadalawang isip pa siyang pumasok.
Doon niya napagtanto, na habang ang karamihan sa atin ay tinatamad at nagdadalawang isip na gawin ang ating mga trabaho ay mayroong isang katulad ni Marco na handang gawin ang lahat mapagsabay lang ang pagiging magaling na estudyante at mapagmahal nakapatid. Iyon ang motibasyong nais ibahagi ni Sir Delfin sa lahat kaya naman naisipan niyang ipamalita ang tungkol kay Marco at sa kapatid nito sa pamamagitan ng pagpo-post nito sa kaniyang mga social media accounts.
Ngunit hindi lang doon natapos ang pagpapakita ni Sir Delfin ng awa sa magkapatid, dahil matapos ang araw na ’yon ay nagsimula rin siyang gumawa ng hakbang upang makakalap ng tulong sa mga batang ito, lalong-lalo na kay Marco, na hindi naman nagtagal ay kaniyang naisakatuparan.
Maraming nagpaabot ng tulong sa magkapatid, na ipinadaan nila kay Sir Delfin. Kanila ring sinundo mula sa pinagtatrabahuhan nito ang ama ng dalawang bata upang bigyan na lamang ito ng ibang pagkakakitaan sa pamamagitan ng mga tulong na nakalap nila na maaari nitong gawing kapital para makapag-umpisa sila ng negosyo.
“Maraming-maraming salamat po, sir! Hinding-hindi ko po makakalimutan ang tulong na ibinigay n’yo sa amin!” maluha-luhang pasasalamat ni Marco sa kaniyang guro.
“Walang anuman, anak. Ang gusto ko lang ay makapagtapos ka ng pag-aaral upang balang araw ay mabigyan mo ng magandang buhay ang ’yong sarili, pati na rin ang ’yong pamilya. Naniniwala akong dahil sa sipag at pagmamahal mo ay makakamtan mo ang lahat ng gusto mong makamit sa buhay,” sagot naman ni Sir Delfin.
Hindi nga nagkamali ang guro sa mga sinabi niya, dahil makalipas lamang ang ilang taon ay bumalik sa kaniya si Marco, bilang isang ganap na ring guro at negosyante. Ngayon ay maganda na ang buhay nito at nagagawa na rin nitong pag-aralin ang kaniyang kapatid. Bukod doon ay ibinabalik na rin nito sa iba ang kabutihang ipinakita at ipinaranas niya rito noong ito ay bata pa. Labis na tuwa ang inihatid n’on kay Sir Delfin, at maituturing na pinakamalaking kabayarang natanggap niya sa pamamagitan ng pagiging guro.