Nawalan ng Trabaho ang OFW na Ito at Kinailangang Bumalik na ng ‘Pinas; Magugulat Siya sa Gagawin ng mga Kaanak na Tinulungan Niya Noon
Umiiyak si Elise habang nag-eempake ng kaniyang mga gamit. Kanina kasi ay ibinigay na sa kaniya ng kaniyang pinapasukang amo, doon sa Riyadh, ang natitira niyang suweldo, pati na rin ang ticket niya pabalik sa ‘Pinas. Kasama kasi siya sa mga kasambahay na tatanggalin ng mga ito. Nagsimula na kasi silang bawasan ang kanilang mga empleyado lalo pa at naghihigpit daw sila ng sinturon ngayong panahon ng pand*mya.
Sa isang araw na agad ang kaniyang flight pauwi sa ‘Pinas. Sinubukan niyang magmakaawa sa kaniyang mga amo ngunit ayon sa mga ito ay hindi nila siya kayang piliing manatili lalo pa at may mga nauna pang kasambahay kaysa sa kaniya. Iyon lamang ang kanilang ititira.
Limang taong naging OFW si Elise, ngunit wala siyang naipong pera para sa kaniyang sarili. Bagama’t siya’y ulilang lubos na, mas pinili na lamang niyang ilaan ang lahat ng kaniyang kinikita sa pagtulong sa pamilya ng kaniyang mga tiyahin na siyang tumulong at kumupkop sa kaniya noong siya ay bata pa. Sa mga ito niya ibinuhos ang kaniyang pagod, pagmamahal at pagsasakripisyo kahit pa alam ni Elise na may posibilidad na hindi nila ibalik sa kaniya ang mga ’yon. Ngayon ay uuwi siyang luhaan sa kanila, na ang tanging dala lamang ay ang natitira niyang sweldo.
Malungkot siyang naglakad palabas ng airport. Sa wakas ay nakabalik na siya sa bayang sinilangan, bagama’t may lungkot at panghihinayang pa rin sa kaniyang puso. Natatakot siyang magpakita sa kaniyang mga kaanak. Ngayon ay wala na naman siyang silbi katulad nang kupkupin siya ng mga ito. Magiging pabigat na naman siya sa kanila, at iyon ang labis niyang inaalala.
“Ate Elise, dito!” hiyaw ng kaniyang nakababatang pinsang si Louis na agad namang nilingon ni Elise. Kasama nito ang iba pang pinsan niya, pati na rin ang kaniyang mga tiyo at tiya na nang tingnan niya ay masaya ring kumakaway sa kaniya.
“Naku, bakit naman sinundo n’yo pa ho ako? Baka nagastusan pa kayo,” nahihiyang tanong ni Elise sa mga ito na agad namang kinontra ng kaniyang tiya.
“Naku, ano ka ba namang bata ka. Gastos pa ang iniintindi mo’y alam mo namang hindi kami papayag na walang sasalubong sa ’yo sa pag-uwi mo.” Naantig naman ang puso ni Elise sa sinabi ng kaniyang tiyahin.
Nang makauwi sila sa bahay ng mga ito ay marami silang kwento para sa kaniya. Ibinalita nila na si Louis pala ay nakatapos na ng kolehiyo at ngayon ay nag-uumpisa nang magtrabaho dahil sa mga tulong niya noon. Natutuwa naman siyang malamang may napuntahan pala ang kaniyang paghihirap.
“Mabuti pa itong si Louis, makakatulong na sa inyo, tiya. Ako, heto ay balik na naman sa wala. Wala na naman akong pera. Wala na naman akong silbi dahil wala na akong trabaho. Ang hirap pa namang mag-apply muli ngayon dahil sa pandemiyang ’yan,” malungkot namang sagot niya sa kanila.
Nakita niyang nagkatinginan ang kaniyang mga tiyahin at tiyuhing itinuring niya na ring mga magulang magmula nang mawala ang kaniyang ama at ina. Samantalang si Louis naman na siyang panganay niyang pinsan ay tumawa.
“Ate Elise, sino’ng nagsabi sa ’yong wala ka nang pera? Naku, ang dami-dami kaya!” pabiro pang sabi nito sabay abot sa kaniya ng isang maliit na booklet…
Takang kinuha naman iyon ni Elise. “Ano ito?”
“Buksan mo, ate,” sagot naman ng dalaga sa kaniyang pinsan na agad naman niyang sinunod.
Ganoon na lang ang gulat ni Elise nang malaman kung ano ang laman ng naturang booklet! Hindi siya makapaniwala! Iyon pala ay datos kung magkano na ang pera niya sa bangko sa loob ng halos limang taon!
“Nang mag-abroad ka, ate, ay naisipan namin nina mama na magbukas ng family bank account kung saan namin balak ilagay ang lahat ng sosobra sa mga ipinadadala mong pera buwan-buwan. Hindi rin naman tumigil sa pagtatrabaho si tatay, si nanay at nag-apply din ako ng part-time job para naman hindi lahat ng gastos dito sa bahay ay iaasa sa padala mo. Iyon nga lang, doon kami kumukuha ng pambayad namin sa matrikula at pampaayos nitong bahay,” paliwanag pa sa kaniya ni Louis na halos ikahagulhol ni Elise.
Talagang napakasuwerte niya sa kaniyang mga kaanak. Napakasarap sa pakiramdam na ang hangad nila ay pakikipagtulungan, hindi katulad ng ibang umaasa at puro kabig lamang. Ngayon ay may pera pa siyang maaaring ipag-umpisa ng negosyong magdadala sa kanila sa kaunlaran, lalo pa at nariyan ang kaniyang mga kaanak na handa siyang suportahan.