Inday TrendingInday Trending
Ayon sa Kuwento ng Matanda ay Pinabayaan daw Siya ng Kaniyang mga Pamangkin; Ngunit Iba naman ang Sinasabi ng mga Nakakakilala sa Kaniya

Ayon sa Kuwento ng Matanda ay Pinabayaan daw Siya ng Kaniyang mga Pamangkin; Ngunit Iba naman ang Sinasabi ng mga Nakakakilala sa Kaniya

Humakot ng napakaraming simpatya mula sa mga tao ang kuwento ng matandang ito, na natagpuang nanlilimos sa daan, tungkol sa ginawa raw ’di umanong pag-aabandona sa kaniya ng kaniyang mga kaanak, lalong-lalo na ng kaniyang pamangkin. Palaging iyon ang ikinukuwento niya sa mga tao upang maawa ang mga ito sa kaniya at bigyan siya ng perang ginagamit niya sa pang-araw-araw na gastusin.

Hanggang sa isang araw ay may nakausap siyang tao na naghahanap ng kuwentong maaari nitong ilathala sa isang article at nais nitong ilagay ang kaniyang kuwento roon upang makahakot pa raw lalo ng mga taong tutulong sa kaniya. Agad namang pumayag si Aling Frederica, nang marinig na maraming tao ang magbibigay sa kaniya ng tulong at maaari siyang kumita ng pera dahil doon.

“Pinabayaan ako ng mga pamangkin ko. Ni hindi nila ako matulungan kahit ng kakarampot lang na pambili ng pagkain o kahit pang-maintenance ko man lang,” umiiyak na sabi ni Aling Frederica sa nag-i-interview sa kaniya.

Mabilis na kumalat sa mga social media ang kwento ni Aling Frederica, kaya naman mabilis ding natukoy ng mga tao kung sino ang mga kaanak na tinutukoy niya sa nasabing interview. Iyon ay walang iba kundi ang mga pamangkin niya sa pinsan, na siya niyang natitirang mga kaanak!

Kung tutuusin ay malalayong kamag-anak na niya ang mga ito. Nag-iisang anak kasi ng mga magulang niya si Aling Frederica at hindi rin siya nakapag-asawa noon kaya naman ngayon ay umaasa na lamang talaga siya sa kaniyang mga malalayong kaanak. Dahil doon ay nasabi ng mga netizens na hindi rin naman obligasyon ng mga nasabi niyang pamangkin na alagaan siya. Muntik pa tuloy mahusgahan ng mga tao ang naturang mga kaanak, kaya naman ang sumunod na nangyari ay panig naman ng mga ito ang kanilang pinakinggan.

Ang totoo ay tinutulungan naman ng mga pamangkin niya sa pinsan si Aling Frederica. Iyon nga lang ay hindi siya masaya sa kayang ibigay ng mga ito sa kaniya. Ang gusto niya kasi ay susubuan na lang siya ng pagkain ng mga ito at hindi na kailan man pagtatrabahuhin pa. Gusto rin niya na huwag siyang pakialaman ng mga ito sa tuwing siya ay magsusugal, lalo pa at nalululong siya sa paglalaro ng baraha, gayong pera naman ng mga ito ang ginagasta niya! Kaya naman nang limitahan ng mga ito ang pagbibigay sa kaniya ay sumama ang loob ni Aling Frederica at nagsimula niyang gawan sila ng kwentong ikasisira nila.

Lalo pang tumibay ang mga ebidensiya nila sa kaniya nang magsalita rin ang ilan sa mga dating naging kapitbahay ni Aling Frederica tungkol sa kaniyang ugali. Sabi ng mga ito, mabuti nga raw at tinutulungan pa siya ng kaniyang mga pamangkin, lalo pa at hindi naman maganda ang trato niya sa kanila noong mga panahong malakas pa siya!

Dahil doon, imbes na awa ang makuha niya mula sa mga tao ay nagalit sa kaniya ang mga ito. Sa kaniya na ngayon nabaling ang panghuhusgang ibinala niya sana sa mga pamangkin niya! Ni singkong duling ay wala nang gustong magbigay sa kaniya ngayon, kahit sa kaniyang pamamalimos sa daan! Karma ang inabit ni Aling Frederica, kaya naman sa huli ay wala siyang ibang naging patutunguhan kundi ang pabalik sa mga pamangking kaniyang ginagawan ng hindi magandang kwento noon.

“Grabe naman pala ang matandang ’yan! Siya na nga ang tinutulungan ng mga pamangkin niya, siya pa ang may ganang siraan sila sa iba!”

“Dapat ay hindi tinutulungan ang mga ganiyang klase ng tao!”

“Kung ako ang pamangkin n’yan ay pababayaan ko ring talaga ’yan!”

Ilan lamang ang mga ’yon sa masasamang komento ng mga tao tungkol kay Aling Frederica, maski sa personal, kapag nadaraanan siya ng mga ito. Labis na nagsisisi ngayon si Aling Frederica. Halos wala na siyang mukhang maiharap sa kanila. Ngayon niya napagtatanto kung gaano kahalaga ang pamilya, at kung gaano kahalagang tratuhin natin nang tama ang iba.

Nagsilbing matinding leksyon kay Aling Frederica ang mga nangyari kaya naman nagsimula siyang magbago at humingi ng paumanhin sa kaniyang mga pamangkin, na bagama’t nakatanggap ng hindi magandang trato mula sa kaniya ay mas pinili na lamang siyang intindihin at patawarin. Nagsilbi rin itong leksyon sa mga tao, na hindi lahat ng nababasa nila sa social media o naririnig na kuwento mula sa iba ay dapat nilang paniwalaan.

Advertisement