Inday TrendingInday Trending
Madalas Pagtawanan Noon ang Dalagang Nagtitinda ng Kakanin sa Eskuwela; Ngayon ay Mapapanganga naman Sila sa Naabot Niya

Madalas Pagtawanan Noon ang Dalagang Nagtitinda ng Kakanin sa Eskuwela; Ngayon ay Mapapanganga naman Sila sa Naabot Niya

“Kakanin! Kakanin! Baka gusto n’yo ng kakanin?” masiglang pag-aalok ni Patricia sa kaniyang mga nadadaanang kaeskuwela habang break time nila. May ilan namang bumili sa kaniya, ngunit hindi nakaligtas sa pandinig ni Patricia ang ilang mga pahaging ng iba.

“Tingnan mo ’yang si Patring. Nagtitinda na naman. Ginawa na namang palengke ’tong university natin,” umiikot ang mga matang anang isa sa mga kaeskuwela niya sa mga kabarkada nito na agad namang naghagalpakan.

“Sinabi mo pa. Kaya nga sa tuwing dadaan ’yan dito, nangangamoy palengke rin, e!” pagpaparinig naman ng isa pa

Halos araw-araw ay ganoon ang sinasabi sa kaniya ng mga ito sa tuwing makikita siyang nagtitinda ng kakanin. Ganoon pa man ay mas pinipili na lamang ni Patricia na huwag silang pansinin, upang makaiwas sa gulo.

“Nagpaparinig na naman ’yong mga babagsaking puro lang naman pagpapaganda ang laman ng utak. Hindi na nahiya sa grades nilang singko!” maya-maya’y ganting parinig naman ng isa sa mga kostumer at kaibigan na rin ni Patricia, si Alyssa, na simula noon ay lagi siyang ipinagtatanggol. Kung mayroong mga estidyanteng nagtatawa sa kaniya ay mayroon pa rin namang katulad nito na nagtatanggol kaya naman kahit papaano ay gumagaan ang loob ni Patricia.

“Naku, hayaan mo na sila, Alyssa. Hindi ko naman masisisi ang mga ’yan. Baka ngayon lang sila nakakita ng estudyanteng nagtitinda sa loob ng eskuwelahan. Sa public schools lang naman kasi uso ito,” ngunit pigil naman ni Patricia rito na ikinabuntong-hininga na lamang nito.

Iskolar kasi si Patricia sa naturang unibersidad. Pribado ito kaya naman karamihan ng mga pumapasok dito ay talagang may mga kaya sa buhay, at hindi kabilang sa kanila si Patricia. Nakarating siya sa eskuwelahang iyon dahil sa angkin niyang talino, at ngayon ay nagsisikap siya upang may maibili ng mga gamit sa eskuwela, ganoon din ng pang-araw-araw niyang pamasahe. Ayaw niya kasing iasa pa iyon sa kaniyang mga magulang dahil alam niyang hirap din ang mga ito. Hindi lang naman kasi siya ang anak na pinag-aaral nila kaya naman nagsisikap siyang mabuti.

“Alam mo, iyon lang naman ang lamang ng mga ’yan sa ’yo, e. Pera! Bukod pa sa hindi naman talaga sa kanila ’yon kundi sa mga magulang nila. Mga hindi nahiya. Mabuti pa nga ikaw, e. May sarili ka nang diskarte. Bukod sa tumutulong ka na sa mga magulang mo, hindi pa sila nahihirapan sa ’yo! Kaya kung mayroon mang dapat mahiya rito, sila ’yon at hindi ikaw!”

Matapos sabihin iyon ni Alyssa ay padabog na umalis na lamang sa harapan nila ang mga estudyanteng kanina ay pinagtatawanan siya. Tila tinamaan ang mga ito at hindi na alam pa kung paano sasagot.

Ganoon pa man ay nagpatuloy pa rin sa ganoong ugali ang mga ito hanggang sa sila ay magtapos na ng pag-aaral. Ginawa nila siyang tampulan ng tukso, pinagtatawanan at iniinsulto ngunit nanatiling tikom ang bibig ni Patricia. Nanatili siyang bingi sa masasamang sinasabi nila at nanatili siyang matibay at hindi nagpapaapekto roon. Dahil doon ay nakatapos siya ng pag-aaral na may nakamit na parangal, kaya naman mabilis na umangat sa buhay si Patricia.

Nag-apply siya ng magandang trabaho. Nang makaipon siya’y nagsimula siyang magtayo ng maliit na negosyo. Ginamit niya ang lahat ng kaniyang natutunan sa eskuwela, pati na rin sa mga karanasan niya sa buhay upang mapalago ito hanggang sa nagawa niya ngang palakihin ang kaniyang negosyo!

Ngayon ay isa nang kilalang mayamang negosyante si Patricia, habang ang mga kaeskuwela niyang noon ay nagtatawa sa kaniya ay halos hirap namang makahanap ng trabahong kaya nilang tagalan, lalo pa at hindi naman sila sanay magtrabaho.

Iyon ang lamang ni Patricia. Dahil maaga siyang namulat sa hirap ng buhay ay maaga niyang natutunan kung paano iyon tagalan. Kaya naman sa kanilang muling pagkikita, nang magkaroon ng reunion ang kanilang unibersidad, ay napalitan ng labis na paghanga ang dati ay pangungutyang natatanggap ni Patricia mula sa kanila. Ngayon nila napagtanto na hindi pala kasingdali ng inaakala nila ang paghahanapbuhay.

“Alam mo, Patricia, mula nang magtapos tayo ng college at nagsimula kaming magtrabaho, doon namin naisip na dapat pala, imbes na kinutya ka namin noon ay natuto na lang kami sa ’yo. Labis kaming nagsisisi sa lahat ng nagawa namin sa ’yo noon kaya sana ay mapatawad mo kami. Totoo nga ang kasabihang ang buhay ay parang gulong. Minsan, nasa ibabaw ka, pero darating ang araw na mapupunta ka sa ilalim.”

Sa sinabing iyon ng dating kaeskuwela ay napangiti si Patricia. Taos puso niyang tinanggap ang paghingi nito ng paumanhin, at ipinaalala sa kanila na hindi pa huli ang lahat upang magbago.

Advertisement