Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng mga Kaklase Niya ang Binatang Basurero; Isang Pangyayari ang Magiging Dahilan upang Kainggitan Nila Ito

Pinagtawanan ng mga Kaklase Niya ang Binatang Basurero; Isang Pangyayari ang Magiging Dahilan upang Kainggitan Nila Ito

Tanghaling tapat nang Sabadong iyon. Walang pasok sa eskuwela ang binatang si Mikoy, kaya naman umaga pa lang ay iginugol na niya ang kaniyang oras sa pangangalakal ng basura. Tuwing Sabado’t Linggo ito ginagawa ni Mikoy, upang may maibaon siya at ang kaniyang mga kapatid sa eskuwela. Mahirap lamang kasi ang kanilang pamilya at gusto niyang tulungan ang kaniyang mga magulang. Kahit papaano kasi ay kabawasan na rin sa kanilang mga gastusin kung siya na ang sasagot sa baon nilang magkakapatid sa pang-araw-araw.

Ngunit ang hindi inaasahan ni Mikoy nang mga sandaling ’yon ay nang madaanan siya ng kaniyang mga kaklaseng kapwa niya labing pitong taong gulang. Nasa huling baitang na sila ng senior high school kaya naman karamihan sa mga kaklase niya ay malalakas mang-asar. Napagdiskitahan siya ng mga ito nang makitang nangangalakal siya ng basura!

“Kaya pala lagi kang mabaho sa tuwing papasok ka sa school. Iyon pala’y basurero ka!” tumatawang pang-aalaska sa kaniya ng kaklaseng si Jun. Malakas namang tumawa ang mga kabarkada nito na nakipag-high five pa sa binata.

“Oo nga! Amoy bulok!” sulsol naman ng isa pa.

Wala nang nagawa si Mikoy kundi ang mapailing sa inaasta ng kaniyang mga kaklase. Talagang wala silang masabing maganda sa kaniya. Noon pa man ay madalas na siyang pagdiskitahan ng mga ito dahil hindi naman siya lumalaban. Ang totoo ay ayaw niya lamang naman ng gulo dahil iniiwasan niyang madismaya sa kaniya ang mga magulang. Ayaw niyang bigyan pa sila ng problema kaya hangga’t maaari ay tinitiis niya ang ganitong pag-uugali ng ibang kaedad niya. Iniisip na lamang niya na masuwerte pa rin siya dahil naturuan siya ng kaniyang mga magulang ng magandang asal, hindi tulad ng mga ito na animo mga hindi rin nag-aaral.

Nagpatuloy sa paghalukay ng basura si Mikoy. Bagama’t bahagya nang kumakalam ang kaniyang sikmura ay tiniis na muna niya iyon, lalo na nang isang bagay ang makuha niya sa basurahan…isang kumikinang na bato, bagama’t nababalutan ito ng putik.

Napakunot ang noo ni Mikoy. Ngayon lamang siya nakakita ng ganoong kagandang klase ng animo kulay asul na batong kumikinang. Kaya naman nilinis niya ang palibot nito, at doon ay lumabas na animo ito isang diyamante!

Biglang kumalabog ang dibdib ni Mikoy. Minsan na kasi nilang napag-aralan ang tungkol sa ganitong uri ng mahahalagang bato, kaya naman para siyang nahihibang nang takbuhin niya ang pauwi sa kanila upang alamin ang tungkol dito.

May-ari ng isang naluging jewelry shop noon ang kaniyang ninong, kaya naman dito siya unang lumapit. Bukod kasi sa may alam ito ay malaki ang tiwala niya rito dahil ito ang palaging tumutulong sa kaniya. Ganoon na lang ang gulat at tuwa ni Mikoy nang makumpirma ng kaniyang ninong na ang napulot niya pala ay isa sa pinakamahal na diyamante sa mundo!

“Saan mo ito nakuha, Mikoy? Napakahalaga ng ganitong klaseng bato!” sabi sa kaniya ng kaniyang ninong na agad namang sinegundahan ng kaniyang ama.

“Sa basurahan po,” sagot naman niya.

Nabigla sila at bahagyang nagduda, bagama’t wala rin naman silang makitang dahilan upang magsinungaling siya tungkol doon. Kilala naman kasi nilang mabait na binata si Mikoy.

“Hindi ko po alam kung papaanong napunta sa basurahan ang bagay na ’to, pero sigurado akong hulog ito ng langit para sa atin! Inay, Itay, ito po ang magsasalba sa atin sa hirap!” umiiyak na ani Mikoy sa kaniyang mga magulang habang pinakukumpirma nila sa isang eksperto, sa tulong ng kaniyang ninong, kung totoo nga ang bagay na ’yon.

Maraming proseso ang dinaanan nina Mikoy upang maibenta ang nasabing diyamanteng nagkakahalaga pala ng tatlong milong dolyar! Naging instant bilyonaryo ang kanilang pamilya dahil sa himalang natanggap ni Mikoy, na bunga pa rin naman ng kaniyang kasipagan!

Nang mabalitaan ng kaniyang mga kaeskuwela ang nangyari ay labis ang pagsisisi nila. Napagtanto nilang hindi mo talaga masasabi ang buhay ng tao. Minsan, kung sino pa iyong mga inaapi ay sila pa iyong sinusuwerte sa buhay.

Ngayon ay napakayaman na nina Mikoy. Ang perang nakuha nila mula sa pagbebenta ng nasabing bato ay ginamit nila upang gumanda ang kanilang buhay at makatulong sa mga kapwa nila mahihirap. Ibinalik ni Mikoy ang kabutihang ipinaranas sa kaniya ng Maykapal at dahil doon ay patuloy pang gumanda at mas naging masaya ang buhay ng kanilang buong pamilya.

Advertisement