Nasasabik na Siya sa Surpresang Gagawin ng mga Pamangkin sa Kaarawan Niya; Mangyari Naman Kaya Iyon?
Inimbita ng isa niyang pamangkin ang ginang na si Hermosa para dumalo sa surpresa nito sa nakakatanda niyang kapatid. Ika-animnapung kaarawan na kasi nito at napagdesisyunan ng kaniyang mga pamangkin na mag-ambagan upang maiparamdam kung gaano ito kaespesyal para sa kanilang lahat.
Lahat silang magkakapatid ay imbitado rito at sila’y inaasahang lahat na dumalo. Talagang kitang-kita niya kung paano masinsing pinaghandaan ng bawat isa ang darating na surpresa mula sa pamimili ng magandang lugar na pagdarausan nito hanggang sa pagluluto ng iba’t iba at sandamakmak na masasarap na pagkain.
Dito na siya labis na nasiyahan. Hindi dahil alam niyang masusurpresa at sasaya ang nakatatanda niyang kapatid kung hindi dahil, sigurado siya na sa susunod na taon, siya naman ang paghahandaan ng mga pamangkin niyang ito.
Ito ang dahilan para habang abala ang lahat sa pag-aasikaso ng mga kailangang gamit, pagkain, at kung ano pang bagay doon, siya naman ay abala sa pagpaparinig sa mga ito.
“O, sa susunod na taon, ako naman ang mag-aanimnapung taong gulang, ha? Dapat, mas maganda rito ang magiging selebrasyon ng kaarawan ko!” parinig niya sa mga pamangkin.
“Naku, tita, huwag po kayong mag-aalala! Basta’t may pera naman kaming magpipinsan, hindi mo na kailangang magsabi pa!” sagot ni Zei ang punong abala niyang pamangkin habang inaayos ang mga inumin sa cooler na dala nito.
“Aasahan ko ‘yan, ha! Dapat nakahanda lahat ng paborito kong pagkain doon, naiintindihan niyo ba?” sambit niya pa ikinatawa na lang ng lahat.
“Oo na, tita! Halika rito, magbalot ka muna ng lumpia!” tugon ng isa niya pang pamangkin dahilan para lalo silang magtawanan.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga nilang isinakatuparan ang surpresang para sa kaniyang kapatid. Hindi niya napigilang hindi mapaiyak nang makita niyang maiyak sa saya ang kapatid niyang ito habang inaabutan ng mga regalo, bulaklak, at regalong pera ng kaniyang mga pamangkin.
“Sa susunod na taon, ako naman! Huwag niyo akong bibiguin, ha!” sigaw niya habang nagpapasalamat ang kaniyang kapatid na ikinatawa ng lahat pero sa loob-loob niya, inggit na inggit na talaga siya.
Pagkatapos ng selebrasyong iyon, muli niyang kinausap ang pamangking namuno sa surpresang iyon upang masiguro ritong mararanasan niya rin ang ganoong klaseng selebrasyon.
“Tita, wala po kayong dapat ikapag-alala. Sabi ko naman po sa inyo, hangga’t may pera kaming magpipinsan, walang mawawalan sa inyong magkakapatid,” nakangiting paliwanag nito sa kaniya.
“Mabuti naman kung ganoon, dahil kung hindi, magtatampo talaga ako sa inyong lahat,” sabi niya pa rito.
Ngunit, paglipas ng halos anim na buwan, bigla namang umingay ang balita tungkol sa kumakalat na sakit. Lahat ng kaniyang mga pamangkin ay naaapektuhan. Nawalan ng trabaho ang ilan habang nalugi naman sa negosyo ang iba.
Noon pa man, sinabihan na siya ng pamangkin niyang si Zei na baka hindi nila magawang engrande katulad ng nais niya ang nalalapit niyang kaarawan dahil lahat ay nakakaranas ng krisis sa pera at bukod pa roon, pinagbabawalan ng gobyerno ang mga pagtitipon.
Kahit pa ganoon, um-oo lang siya rito sa pagbabakasaling niloloko lang siya nito para masurpresa siya.”Ako pa ang lolokohin ng mga pamangkin ko? Alam ko namang lahat sila ay mayaman na! Nasasabik na tuloy ako sa kaarawan ko!” sambit niya pa sa sarili.
Kaya lang, natapos na ang araw ng kaniyang kaarawan ni isang bulaklak walang dumating sa kaniyang bahay. Doon na siya labis na nakaramdam nang matinding pagtatampo at galit sa kaniyang mga pamangkin.
Hindi na niya napigilan ang sarili at kaniya na itong tinawagan.
“Ano, Zei, wala ka man lang bang ipapadalang pagkain dito sa bahay? Kahit bulaklak o maliit na regalo, wala! Akala ko ba makakaasa ako sa inyo? May pinipili lang pala kayong tiyahin na bibigyan ng surpresa!” agad niyang sigaw dito.
“Tita, hindi po ba’t sabi ko naman sa inyo, makakaasa po kayo kapag may pera kami? Kaso po, tita, alam mo namang lahat kami ay naaapektuhan ng pand*mya. Ngayon nga po ay namomroblema ako kung paano ko iaangat muli ang negosyo ko. Sana naman po maintindihan niyo,” mahinanong paliwanag nito.
“Kung gusto niyo talaga, may magagawa kayong paraan!” malakas niyang bulyaw dito.
“Teka lang, tita! Bakit ba parang obligado kaming pagandahin ang kaarawan mo? Sisenta anyos ka na, hindi ka pa rin makaintindi!” sigaw din nito sa kaniya na ikinagulantang niya.
“Aba! Kayo ang may…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil napansin niyang may nagbaba ng cake sa lamesang nasa tapat niya.
“Akala namin maiintindihan mo kami, tita, hindi pala. Inaaway mo pa si Zei,” sabi ng isa sa mga pamangkin niya saka agad na umalis ng kaniyang bahay.
Nakita niyang may kalakip ding sobre ang naturang cake dahilan para agad niya itong buksan. Una niyang nakita ang isang mahabang sulat na naglalaman ng pahingi ng tawad ng mga ito sa surpresang hindi natuloy dahil sa pand*mya at sunod niyang nakita ang sampung libong pisong kasama nito.
Dito na siya labis na nakaramdam ng pangongonsenya at muling tinawagan ang kaniyang mga pamangkin upang humingi ng tawad.
Sa kabutihang palad, sadyang mababait ang mga ito at siya’y agad na pinatawad. Nangako pa ang mga ito na kapag maayos na ulit ang lahat, ipagdidiwang nila ang kaniyang kaarawan.
“Ngayon ko napagtantong kayo ang pinakamagandang regalong matatanggap ko sa buong buhay ko. Salamat sa inyong lahat,” mangiyakngiyak niyang sabi sa harap ng kamera.
Simula noon, hindi na siya nabigay ng ekspektasyon sa mga pamangkin. Bagkus, siya pa ang gumawa ng paraan upang muling umarangkada ang negosyo ng mga ito sa tulong ng iba pa niyang mga kapatid.