Inday TrendingInday Trending
Pinili Niyang Mambabae Kaysa Mapanatiling Buo ang Kanilang Pamilya; Pagsisisi Pala ang Magiging Kapalit Nito

Pinili Niyang Mambabae Kaysa Mapanatiling Buo ang Kanilang Pamilya; Pagsisisi Pala ang Magiging Kapalit Nito

Habang lumalaki ang anak ng ginoong si Ted sa asawa niyang unang nagpatibok ng puso niya noon pa lamang siya’y nasa hayskul, unti-unti namang nawawala ang pagmamahal niya rito.

Kahit alam na niyang sila ay patanda na nang patanda, patuloy niya pa ring hinihiling na magpaganda ang kaniyang asawa na ginagawa naman nito ngunit hindi nito mapigilan na magkaroon ng puting buhok, kulubot na balat, at laylay na dibdib na lingid sa kagustuhan niya na labis nitong pinoproblema.

Sa pagpupumilit niyang huwag tumanda ang asawa niyang ito upang masaya niya itong makasama sa kama na hindi naman nito magawa, isang gabi ay napagdesisyunan niyang sumama sa mga katrabaho niya na mag-inuman sa isang kilalang bar sa Maynila na may mga naggagandahan babae.

Alam man niyang tiyak na magagalit at masasaktan ang kaniyang asawa sa gagawin niyang ito, tinuloy niya pa rin ang pagpunta rito. Sabi niya pa, “Hindi ko na kasalanan kung hindi mo maibigay kung ano’ng gusto ko!”

Doon na siya nagsimulang magpapalit-palit ng babae. Minsan pa nga’y nag-aabang siya ng mga dalaga sa iba’t ibang unibersidad upang kaniyang magamit. Ibibili niya pa ng mamahaling gamit ang mga ito upang talagang ibigay ang kaniyang gusto.

Nang malaman ito ng kaniyang asawa at nais na makipaghiwalay sa kaniya, ni hindi siya nagdalawang-isip na sumang-ayon sa kagustuhan nito. Labis mang nagmakaawa ang dalawa nilang anak na pawang menor de edad pa, hindi niya pinansin ang mga ito at mas pinili ang sarili niyang kagustuhan.

“Wala, eh, ito talaga ang gusto ng nanay niyo. Kaya kung ano mang mangyari sa buhay niyo, siya ang sisihin niyo,” patawa-tawa niya pang sabi sa mga ito.

“Daddy, kayang-kaya mo namang hadlangan ang kagustuhan niya, eh. Lalo na’t ikaw naman ang may kasalanan! Pakiusap, daddy, huwag kang papayag na masira ang pamilya natin,” pagmamakaawa ng panganay niyang anak na nagawa pang lumuhod sa harapan niya.

“Anak, wala na akong magagawa. Ito ang gusto ng nanay niyo. Hindi ako t*nga para magmakaawa sa isang taong hindi na ako mahal,” wika niya pa sa mga ito.

“T*nga ka, daddy, dahil hinayaang masira ang pamilya natin para lang sa mga babae mo! Pagsisisihan mo ang lahat ng ito!” sigaw ng bunso nilang anak saka siya inirapan at iniwan.

Hahabulin niya sana ito upang mabigyan ng leksyon para sa pangbabastos na ginawa niya, bigla naman siyang nakakita ng isang magandang dalaga dahilan para rito mabaling ang atensyon niya at gawin niya ang lahat upang mayaya itong mag-inom.

Halos araw-araw, ganoon na lang ang ginagawa niya. Kung hindi siya maghahanap ng bagong babae, uubusin niya ang pera sa mall at magagarbong hotel para makuha ang loob ng mga natitipuhan niya.

Tumagal ang kagawian niyang ito hanggang sa lumipas ang isang dekada kung kailan lahat ng pera at trabaho niya ay nawala na.

Doon niya pinilit hanapin ang kaniyang mag-iina at sa kabutihang palad, natagpuan niya ang mga ito sa bahay kung saan siya lumisan.

Una niyang nakita ang kaniyang asawa sa tapat nito. Bakas man na ang katandaan sa mukha nito, hindi niya alam kung bakit biglang bumalik ang paghanga niya sa kagandahan nito. Lalo pa tuwing ito’y ngumingiti habang dinidiligan ang mga halamang paborito nito.

Kaya lang, paglapit niya, siya’y nagulat nang tanungin siya nito, “Sino po sila?” sasagot pa lang sana siya nang biglang lumabas sa kanilang bahay ang dalawa nilang anak at agad na pinasok ang kaniyang asawa sa loob.

“Teka, mga anak ko, nandito ako para humingi ng tawad sa inyo!” sigaw niya sa mga ito.

“Huli na ang lahat! Wala nang naaalala si mama kaya wala ka na rin sa buhay namin! Umalis ka na rito kagaya ng ginawa mo sa amin noon!” sigaw ng bunso niyang anak na galit na galit sa kaniya saka siya pinagsarhan ng pintuan.

“Hindi ako lalabas dito hangga’t hindi niyo sinasabi kung anong nangyari sa mommy niyo!” mangiyakngiyak niyang sabi habang tinitingnan ang asawa niyang walang muwang na nakasilip sa bintana.

Maya maya, lumabas na ang panganay niyang anak. Kinausap siya nito nang masinsinan at kinuwento sa kaniya na naaksidente pala ang kaniyang asawa. Nabagok ang ulo nito dahilan para mawalan ito ng memorya.

“Kahit na hindi na niya ramdam ang sakit ng ginawa mo sa amin noon, hindi pa rin kami papayag na muli mo siyang saktan. Pasensya ka na, hindi mo na maibabalik ang panahon,” sabi pa nito sa kaniya saka na siya tuluyang pinaalis sa tapat ng bahay.

Doon niya labis na napagtanto ang pagkakamali niya na nagbigay nang malaking epekto sa kaniyang mag-iina. Gusto man niya sanang bumawi, wala na siyang magawa dahil sabi nga ng kaniyang anak, “Hindi na niya mababalik pa ang panahon.”

Kahit pa ganoon, patuloy siyang gumawa ng paraan upang makuha muli ang loob ng kaniyang asawa. Patago niya itong dinadalaw at binibigyan ng bulaklak hanggang sa hilingin nito sa kanilang mga anak na siya’y patuluyin sa kanilang bahay.

Nang muli siyang pagbigyan ng mga anak dahil sa kahilingan ng kaniyang asawa, wala na siyang sinayang na pagkakataon at labis nang bumawi sa mga ito. Hindi man sa materyal na aspeto, sa pagmamahal at pag-aalaga naman niya pinakita ang pagbabawi niya sa kaniyang mga kasalanan.

Hindi man niya kaagad nakuha ang loob ng kaniyang mga anak na ngayo’y pawang may mga trabaho na, pinagtiyagaan niya ang mga ito hanggang sa muli silang mabuo.

Laking pasasalamat niya sa pangalawang pagkakataong ipinagkaloob sa kaniya. Pangako niya’y hinding hindi na niya ipagpapalit sa kung anuman ang pamilya niya – ang tanging tunay na kayamanan niya.

Advertisement