Inday TrendingInday Trending
Nalulugi na ang Tindahan ng Isang Matandang Sapatero; Dahil sa Isang Magandang Gawain ay Bubuhos ang Biyaya

Nalulugi na ang Tindahan ng Isang Matandang Sapatero; Dahil sa Isang Magandang Gawain ay Bubuhos ang Biyaya

May matinding kurot sa puso ni Jessica habang nakikita niyang nalulumbay ang amang si Mang Cardo dahil malaki ang tyansa na mapasara na ang negosyo nito. Isang sapatero ang kaniyang ama. Noon ay malakas naman ang kita nito ngunit sa paglipas ng panahon ay nalipasan na rin ang mga sapatos na likha nito. Marami na kasing mumurahing sapatos na naglipana. Hindi na tumitingin ang mga tao sa kalidad ng sapin sa paa kung hindi sa mura ng presyo kahit na masira ito nang mabilis.

“‘Tay, tara na po at umuwi na tayo. Mukhang wala naman na pong bibili o magpapagawa ng sapatos,” saad ng dalaga sa ama.

“Wala pa namang alas sais, anak. Maghintay pa tayo ng sandali. Maraming uuwi ng opisina ng alas singko kaya darating din ang mga mamimili,” saad naman ni Mang Cardo.

Sa palagay ni Jessica ay binibigyan na lang ng ama ng lakas ng loob ang kaniyang sarili. Lalo tuloy siyang naawa dito.

“Sige po, ‘tay. Mag-aayos na lang po muna ako para maya-maya ay handa na tayong umuwi,” malumanay na wika ni Jessica.

Habang nagliligpit ng mga sapatos ang dalaga ay hindi niya maiwasan ang malungkot. Inaalikabok na ang mga sapatos ngunit wala pa ring bumibili. Alam niyang lubhang malulungkot ang ama niya kapag tuluyan nang naipasara ang kanilang tindahan. Matinding sakripisyo kasi ang ibinigay ni Mang Cardo dito. Malaking bahagi ito ng kaniyang buhay.

Alas otso na ngunit naghihintay pa rin si Mang Cardo ng mamimili. Ngunit wala ni isang dumating. Kaya naman napilitan na rin siyang magsara ng tindahan.

Kinabukasan ay madaling araw pa lang ay ginising na ng matanda ang kaniyang anak upang ayaing magbukas ng tindahan.

“Napakaaga pa po, ‘tay. Wala pa pong mamimili ng sapatos,” saad ni Jessica sa ama.

“Malay mo naman, anak. Baka mamaya ay may masiraan ng sapatos habang papasok ng kanilang opisina o ng paaralan. Bumangon ka na riyan at pumunta na tayo sa tindahan,” giit ni Mang Cardo.

Dahil sa habag ay gumayak na rin si Jessica.

Tanghali na ngunit wala pa ring benta ang kanilang tindahan.

Maya-maya ay nariyan na ang may ari ng inuupahan nilang pwesto.

“Cardo, isuko mo na itong tindahan. Ilang buwan ka nang hindi nakakabayad. Hindi ko na hahayaan na hindi ka na naman makabayad ngayong buwan! Ipapaupa ko na ito sa iba!” saad ng kahera.

“Madam, baka naman p’wedeng kahit isang buwan na lang. Naniniwala ako na gaganda rin ang benta ko at makakabayad ako sa lahat ng pagkakautang ko sa’yo,” pakiusap pa ng matanda.

“Hindi na, Cardo! Ilang beses na kitang pinagbigyan. Aba’y kailangan ko ring kumita, ano! Sukuan mo na ‘tong tindahan mo ng sapatos. Tanggapin mo na lang na laos ka na at hindi na mabenta ang mga gawa mo!” dagdag pa ng ginang.

Labis na nasaktan si Mang Cardo. Napabuntong hininga na lang siya.

“Cardo, kapag hindi ka pa nakabayad sa susunod na Linggo ay balutin mo na ang lahat ng sapatos na ‘yan! Lisanin mo na itong paupahan ko at nang swertehin naman ako!”

Mula nang araw na iyon ay todo kung mag-alok si Mang Cardo ng sapatos. Hindi naman niya ito dating ginagawa ngunit ngayon ay desperado na siya. Awang-awa naman si Jessica na makita ang ama sa ganoong kalagayan.

“‘Tay, humanap na lang po tayo ng ibang negosyo. O kung gusto n’yo pa rin ng paggawa ng sapatos ay ilako na lang muna natin. Isuko n’yo na po ang pwestong ito,” saad ng dalaga.

“Hindi maaari, anak, nangako ako sa nanay mo na palalaguin ko ang negosyong sinimulan naming dalawa. Naniniwala akong isang araw ay dadami ulit ang mga kliyente natin!” wika pa ni Mang Cardo.

Ngunit kitang-kita naman ni Jessica na nalulugi na talaga ang kanilang negosyo.

Kinabukasan ay unti-unti nang nililigpit ng dalaga ang mga sapatos para sa kanilang pag-alis. Hindi niya ito ipinahahalata sa ama dahil ayaw niyang masaktan ito.

Ilang sandali lang ay nakita niya ang ama na nasa labas ng tindahan at may kausap na isang batang lansangan.

“Halika at kumuha ka ng sapatos na gusto mo. Nang sa gayon ay mapalitan naman ang luma mong sapatos,” paanyaya ng matanda.

“Ngunit wala po akong pambayad, ginoo,” saad naman ng bata.

“Ayos lang, hijo. Pumili ka na ng gusto mo,” dagdag pa ni Mang Cardo.

Masayang namili ng sapatos ang bata. Nilapitan naman ni Jessica ang ama.

“‘Tay, ano po ba ang ginagawa n’yo? Alam n’yo na nga pong nalulugi na tayo bakit pa kayo namigay ng sapatos. Baka mamaya ay magtawag pa ‘yan at marami pa silang manghingi rito!” sambit ng dalaga.

“Hayaan mo na, anak. Tanggap ko naman nang wala nang patutunguhan ang negosyo natin. Hayaan mo nang mapakinabangan ito ng katulad ng batang iyan na nagsusumikap sa pag-aaral,” saad pa ng matanda.

Nang makapili ang bata ay masayang-masaya itong umalis sa tindahan ng sapatos. Kinahapunan ay may mga batang lansangan siyang kasama na nanghihingi rin ng mga sapatos.

“Sige at kumuha na kayo. Isa lang ang hihilingin ko sa inyo, a! Pagbutihan ninyo ang inyong pag-aaral,” wika ni Mang Cardo.

Dahil maraming bata na ang nagtungo sa tindahan ng sapatos ay marami ang nakiusyoso.

Nang gabing iyon, nalugi man ay masayang nagsara ng tindahan ang mag-ama.

Bago sila umuwi ay may isang babae ang lumapit sa kanila.

“Ginoo, nakita ko po ang ginawa ninyo sa mga batang lansangan. Isa po akong reporter at nais ko po sanang interbyuhin kayo. Kanina pa po ako kumukuha ng tyempo para kausapin kayo,” saad pa ng dalaga.

“Naku, pinamigay lang namin ang mga sapatos dahil magsasara na rin naman kami. Kaysa hindi pakinabangan ay magamit na lang ng mga batang lansangan na tunay na nangangailangan,” saad ni Mang Cardo.

“Maganda ang kalidad ng mga sapatos ninyo, ginoo. Hindi po basta-basta. Bukod po sana sa pag-feature sa inyo sa aming programa ay nais ko ring bumili ng marami. May organisasyon din kasi akong hinahawakan. May proyekto kami na nagbibigay ng sapin sa paa sa mga bata. Naisipan kong ipamigay na lang ang mga sapatos na gawa ninyo. Matagal pa nila itong mapapakinabangan,” saad muli ng reporter.

Ikinagulat ng mag-ama ang dami ng sapatos na inorder ng reporter. At dahil nga naipakita sa programa ang magandang ginawa ni Mang Cardo at Jessica ay maraming naantig din ang damdamin sa kanilang kwento. Mula nang araw na iyon ay bumuhos ang mga nais na bumili ng kanilang sapatos.

Dahil doon ay naubos na ang mga sapatos at kailangan pang gumawa ng bago. Humanap ng mga tao ang matanda upang siya ay matulungan. Tinuruan niya ang mga ito na gumawa ng kalidad na sapatos.

Hindi naglaon ay bumalik ang dating sigla sa tindahan ni Mang Cardo. Unti-unting lumago ang kaniyang negosyo. Sa katunayan ay nilisan na rin nila ang paupahang pwesto dahil nakabili na sila ng sariling warehouse.

Hindi akalain ng mag-ama na mabilis na magbabago ang kanilang buhay nang dahil lang sa isang magandang gawain. Ngayon ay patuloy pa rin sa paggawa ng sapatos ang mag-ama. Taon-taon ay namimigay sila ng mga sapatos sa mga nangangailangan. Ginagawa nila ito upang ibahagi sa iba ang biyayang kanilang tinatamasa.

Advertisement