Iwas ang Magkakaibigan sa Dating Kaklase sa Takot na Mautangan; Isang Kaibigan ang Magmamagandang Loob at Ito ang Naging Kapalit
Dalawang taon matapos na makapagtapos ng kolehiyo ay nagkayayaan ang magkakaibigan na magkita-kita. Malaki na rin ang kanilang pinagbago kahit sa maikling panahon na iyon. Halos lahat sila ay may kani-kaniya nang mga trabaho.
“Mukhang bigatin ka na ngayon, Peter. Ganyan ba talaga kapag nakapagtrabaho na sa isang kilalang kompanya?” tanong ni Joseph.
“Ikaw nga itong bigatin, Joseph, at parang kanang kamay ka na ata ng gobernador sa lugar ninyo! Balita ko’y maganda na ang posisyon mo sa city hall,” kantiyaw rin ng ginoo.
“Alam n’yo dapat ay madalas nating gawin ang bagay na ito. Lalo na ngayon na wala pa tayong mga pamilya,” saad naman ng isa pang kaibigang si Matias.
“Oo nga, matagal-tagal na rin tayong hindi nagkasama nang ganito. Puro trabaho na lang ang inatupag natin pagkatapos ng pag-aaral natin,” wika muli ni Joseph.
Umayon naman ang lahat.
Napansin ni Peter na nagsi-order na ang kaniyang mga kaibigan.
“Sandali, hindi ba natin hihintayin si Cesar na makarating bago tayo kumain?” pagtataka ni Peter.
Si Cesar ay isa sa mga kagrupo nila noon sa kolehiyo. Ngunit hindi naman ito talaga tinuturing nina Joseph at Matias na kaibigan. Madalas lang nila ito kasama dahil nga mabilis itong utusan.
“Naku, wala namang maiaambag ‘yang si Cesar. Malamang ay magpalibre pa iyon sa atin. Noong nakaraan nga ay nagtext sa akin at nangungutang. Nagtitinda kasi sila ng nanay niya ng prutas at nawalan daw sila. Tatlong libo na puhunan ay wala pa siya!” wika ni Joseph.
“Madalas nga ring tumawag sa akin para manghiram ng pera. Akala ata ay wala rin akong pinagkakagastusan. Hayaan mo nang wala siya para hindi na natin siya iniintindi pa,” susog naman ni Matias.
“Pero, mga pare, niyaya ko kasi siya. At ang sabi niya nga ay malapit na siya. Namasahe lang kasi siya papunta rito. Marahil ay naabutan ng matinding bigat ng trapiko,” saad naman ni Peter.
Nanlumo sina Joseph at Matias nang malamang darating din pala si Cesar. Hangga’t maaari nga ay hindi na nila ito sinabihan dahil ayaw nila itong makasama.
Ilang saglit pa ay dumating na si Cesar. Bungad nito ang paghingi ng paumanhin dahil sa pagkahuli.
“Pasensya na kayo at mahirap ring hanapin ang lugar na ito. Hindi pa kasi ako nakarating dito,” saad ni Cesar sa mga kaibigan.
“Kumain ka na ba? Umorder ka na at nakaorder na kami kanina pa,” wika ni Matias.
Nang makita ni Cesar ang menu ay napalunok na lang siya. Mahal kasi ang mga pagkain sa naturang restawran.
“K-kumain na ako. Kayo lang naman talaga ang pinunta ko rito,” saad ni Cesar.
Naawa si Peter sa kaibigan kaya naman nag magandang loob siyang ilibre ito.
“Sige na, Cesar, at pumili ka na ng pagkain. Ako na ang magbabayad. Tutal ay bagong sweldo naman ako. May binigay na bonus ang boss ko,” saad pa ng binata.
Nahihiya man ay pinaunlakan ni Cesar ang alok ng kaibigan.
Ilang oras ring nag-usap ang apat. Maya-maya ay nagpaalam na rin itong si Cesar dahil kailangan na raw niyang tulungan ang ina sa pagsasara ng tindahan.
“Mabuti at umuwi na ‘yang si Cesar. Ayaw ko talagang narito siya. Para kasing kasalanan natin kung bakit siya mahirap at tayo’y nakakariwasa sa buhay. May tinapos naman kasi siya sa pag-aaral. Dapat ay magtrabaho siya. Kuntento na siya sa kinikita nila sa prutasan,” wika pa ni Matias.
Isang linggo ang nakalipas at nakatanggap na naman ng mensahe itong si Peter na magkikita muli silang magkakaibigan.
“Parang awa mo na, Peter, huwag mo nang sabihan si Cesar. Lakad lang natin itong tatlo dahil tatlong tiket lang ang mayroon ako! Isa pa, hindi rin naman siya makakapunta dahil sigurado akong walang pera ‘yun at nagbabantay ng prutasan,” saad naman ni Joseph.
Naaawa si Peter ay Cesar. Ang buong akala kasi nito’y solido silang magkakaibigan. Ngunit ang totoo’y pinaplastik lamang ito ng dalawa.
Habang nasa bar ang tatlo ay nakatanggap ng mensahe itong si Joseph mula kay Cesar.
“Ibang klase talaga itong si Cesar, nangungutang na naman at malaking halaga na ngayon. Umuutang ng sampung libong piso!” tanong ni Joseph.
“Nagpadala nga rin sa akin ng mensahe. Hindi ko na lang papansinin at nakakasawa na ang ginagawa niya. Utang nang utang. Paulit-ulit na lang!” saad naman ni Matias.
“Pinautang n’yo ba? Nangutang ba siya sa inyo na hindi n’ya nabayaran?” tanong naman ni Peter.
“Umpisa pa lang ay hindi ko na siya pauutangin dahil halata namang wala siyang kakayahang magbayad. Saka baka sabihin niya na porke’t magkakaibigan tayo’y ilista na lang sa tubig! Mahirap nang magtiwala lalo na sa kagaya niya!” wika muli ni Matias.
Hindi nagsalita pa itong si Peter. Agad na siyang nagpaalam sa dalawa upang makipagkita kay Cesar para pautangin ito.
“Maraming salamat, Peter, a. Hindi na nga kita inuutangan dahil alam kong kakapasok mo lang sa trabaho mo at marami ka ring pinagkakagastusan. Hayaan mo at ibabalik ko rin ito kaagad sa iyo,” nahihiyang wika ni Cesar.
“Walang anuman. Bayaran mo na lang ako kapag kaya mo na. Para saan pa at naging magkaibigan tayo,” wika naman ni Peter.
Nang malaman ng dalawang kaibigan ang ginawang pagpaputang ni Peter ay kinantyawan nila ito.
“Tingnan natin kung mabayaran ka pa! Bakit kasi pinautang mo pa, e. Sayang rin ang perang ‘yun!” saad ni Matias.
“Pupusta akong hindi ka babayaran niyan! Magsisimula na ‘yang magdahilan kapag singilan na!” saad naman ni Joseph.
Lumipas ang ilang buwan at naging madalang na ang pagpaparamdam nitong si Cesar.
“Sabi sa iyo, e! Hindi ka na niya babayaran!” wika ni Joseph kay Peter.
“Inanyayahan ko si Cesar na pumunta ngayon. Tingnan natin kung pupunta nga siya,” saad naman ni Matias.
Buong akala nina Joseph at Matias ay hindi magpapakita si Cesar. Kaya nagulat ang mga ito nang dumating ito sa restawran. Malaki na ang pinagbago ito. Sakay ito ng isang kotse at nakasuot ng magarang damit.
“Ang laki ng pinagbago mo, Cesar, a! Anong nangyari sa iyo? Ikaw ba talaga ‘yan?” laking pagtataka ng tatlo.
“Ako nga ito. Pasensya na kayo kung hindi ako nakakatawag sa inyo. Abala kasi ako sa negosyo. Ngayon lang talaga ako nakahanap ng panahon. Saka kinuha ko na rin ang oportunidad na ito para makabayad naman sa’yo, Peter,” saad ni Cesar.
“Pasensya na, Peter, kung ngayon ko lang ibibigay ang bayad ko. Talagang sinikap ko pang palaguin ang inutang ko sa iyo nang sa gayon ay maibalik ko sa iyo nang may tubo!”
Kinuha ni Cesar ang tseke at inabot niya ito sa kaibigan. Nanlaki ang mga mata nito.
“Limang daang libong piso? Sobra-sobra ang halagang ito, Cesar! H-hindi ko matatanggap ang ganito kalaking pera. Sampung libong piso lang ang utang mo sa akin!” wika pa ni Peter.
“Kunin mo na ang perang iyan, Peter. Alam kong nangangailangan ka rin ngayon. Malaki ang maitutulong ng perang iyan sa iyo. Para sa’yo talaga ang halagang iyan!” muling sambit ni Cesar.
“Ngunit bakit? Bakit ganitong kalaki naman ang ibinabalik mo?” wika ulit ng kaibigan.
“Noong pinautang mo kasi ako’y nag-aagaw buhay ang nanay ko sa ospital. Walang-wala talaga ako nang mga panahon na iyon. Pero nang dahil sa perang pinautang mo sa akin ay naipagamot ko ang nanay ko. Tapos man kasi ako sa pag-aaral ay hindi ko magawang iwan ang nanay kong nag-iisa sa bahay dahil may iniinda nga siyang sakit. Pagkatapos ay sumugal ako muli sa negosyong mga frozen goods tulad ng tocino, longganisa at ham. Sinong mag-aakala na narito pala ang swerte ko? May isang malaking kompanyang nagtiwala sa akin at mula noon ay sunud-sunod na ang biyayang natatanggap ko. Kaya naman heto, tuluyan ko nang napaopera ang nanay ko, naipaayos ko na ang bahay namin, nakabili na ako ng mga sasakyan at higit sa lahat ay mababayaran ko na ang pagkakautang ko sa iyo na merong pang interes. Maraming salamat, kaibigan, dahil nariyan ka noong mahigit akong nangangailangan. Hindi ka nagdalawang isip na pautangin ako,” pahayag pa ni Cesar.
“Ginawa ko naman ang bagay na iyon dahil alam kong kung ako rin ang nangangailangan ay tutulungan mo rin ako,” saad naman ni Peter.
“Oo naman, Peter, dahil ganoon ang tunay na magkakaibigan. Nagdadamayan at nagtutulungan sa oras ng pangangailangan,” dagdag pa ni Cesar.
Nanlaki ang mga mata nila Matias at Joseph sa laki ng perang ibinalik nito kay Peter. Nanghihinayang sila sapagkat kung pinautang din nila ang kaibiga’y maaaring ganito rin ang balik nito sa kaniya.
Bilog talaga ang mundo. Hindi mo alam kung kailan dadapo sa iyo ang swerte. Ang mahalaga ay maging mabuti kang tao dahil tiyak na ibabalik ito sa’yo ng tadhana.