Laging Sinasabotahe ng Lalaki ang Katunggaling Kusinero; Ito ang Naging Balik ng Masama Niyang Ginagawa
Limang taon nang kusinero sa isang sikat na restawran itong si Lando. Noon pa man kasi ay pangarap na niyang maging isang head chef at magkaroon ng sariling restawran. Ngunit sa tingin niya ay marami pa ang panahong kanyang bubunuin bago niya ito makamit. Marami pa kasi siyang dapat matutunan at mapag-aralan.
Isa sa mga matinding katunggali ni Lando sa restawran ay ang kapwa rin niya kusinero na si Ben. Mas matagal na itong nagtatrabaho doon at kabisado na nito ang lahat ng tungkol sa restawran. Malapit rin ito sa may-ari na si Chef Mario. Kaya naman labis itong magmayabang dahil alam niyang malaki ang tyansa niyang mapromote sa pagiging head chef.
“Kumusta ka naman, Lando? Bitbit mo na ba ang utak mo ngayon? Mabuti at mas pinili mong pumasok ng mas maaga dahil marami pa tayong kailangang gawin. Aralin mo na ang lahat at baka magkalat ka na naman dito sa kusina. Madadamay na naman kami sa init ng ulo sa iyo ni chef!” saad ni Ben.
“Pasensya na kayo sa akin kung nagkaroon ng problema kahapon. Talagang masama lang ang pakiramdam ko,” sagot naman ni Lando.
“Ang dami mo pang dahilan, Lando. Ang sabihin mo ay hindi ka talaga magaling sa kusina. Hindi ko nga alam kung bakit nagtagal ka pa ng limang taon dito? Halata namang ayaw na sa iyo ni Chef Mario! Marahil ay naaawa lang siya sa iyo dahil ulila ka na!” dagdag pa ng kasamahan.
Napayuko naman ni Lando. Alam niya kasing maaaring tama ang sinabi ni Ben tungkol sa kaniya. Magaling man siyang kusinero ay ‘di hamak na mas magaling pa rin ito sa kaniya.
Ilang sandali pa ay dumating na si Chef Mario at binuksan na ang restawran.
“Ipakita ninyong lahat sa akin ang galing n’yo dahil malapit na akong mamili ng magiging head chef ng restawran na ito,” saad ng amo.
Habang sinasabi ito ni Chef Mario ay nagkalampagan ang mga kaserola dahil natabig ni Lando. Hindi naman naiwasan ni Ben na matawa.
“Ngayon pa lamang ay alam na natin kung sino ang karapat-dapat. Walang head chef na lampang kumilos,” natatawang pagmamayabang nito.
Abala na nangluluto ang lahat dahil marami ang mga panauhin ng araw na iyon. Walang puwang ang pagkakamali lalo na at nakamasid ang istriktong may-ari.
Para naman kay Ben ay wala siyang palalampasing sandali para maungusan siya ni Lando. Gagawa at gagawa siya ng paraan para siya ang itanghal na head chef sa naturang restawran.
“Lando, ang sabi ni Chef Mario ay ikaw raw mismo ang magdala ng pagkain na ito sa mga panauhin. Kaibigan ata ‘yun ni chef,” wika ni Ben.
Agad naman itong sinunod ni Lando.
Ang hindi niya alam ay sinabotahe ni Ben ang pagkain. Dinagdagan nito ng sangkatutak na asin ang sabaw para mapagalitan siya.
Nang tikman ng panauhin ang naturang sabaw ay napaubo ito at nagreklamo na ubod ng alat ng kaniyang sabaw. Dahil dito ay labis na humingi ng paumanhin si Chef Mario.
“Sino ang gumawa ng sabaw na ito? Ilang taon na kayong nagtatrabaho dito, nagkakamali pa kayo?” galit na wika ng chef.
“Si Lando po ang nakatoka sa sabaw, chef. Baka mamaya ay lumilipad na naman ang isip niya at hindi na naman niya alam ang kaniyang ginagawa,” saad naman ni Ben.
“Isa pa, bakit ikaw mismo ang naghatid ng sabaw na ito sa panauhin? Kailangan ka rito sa kusina dahil maraming gawain! Hindi mo trabaho ito!” sigaw muli ng may-ari.
Sinusubukan ni Lando na magpaliwanag ngunit hindi na siya pinakinggan pa ni Chef Mario. Doon ay napagtanto niyang sinadya ito ni Ben upang ipahiya siya. Kaya naman kinompronta niya kaagad ang kasamahan.
“Kaya mo bang patunayan sa akin ang lahat ng alegasyon mo, Lando? Kung hindi naman ay baka gawa lang ‘yan ng matindi mong imahinasyon. Saka tanggapin mo na lang kasi na wala kang laban talaga sa akin. Kaya ngayon pa lang ay sumuko ka na. Hindi ko hahayaan na maging balakid ka sa posisyong matagal ko nang inaasam,” wika pa ni Ben.
Walang kalaban-laban itong si Lando dahil alam niyang malapit talaga si Ben sa kanilang amo.
Nagpatuloy ang pananabotaheng ito kay Lando. Lahat ng sisi ay bumabagsak sa kaniya nang dahil kay Ben. Naging dahilan ito para pag-initan siya ng may-ari.
“Lando, gusto mo pa ba itong trabaho mo? Kung ayaw mong tanggalin kita ay pagbutihin mo ang ginagawa mo! Konting pasensya ko na lang ang natitira para sa iyo. Malapit ka nang mapatalsik sa kusinang ito!” dagdag pa ng chef.
Isang araw ay naatasan ang lahat na maghanda ng putahe para sa espesyal na bisita ng restawran.
“Kampante akong mas magugustuhan ng mga bisita ang lulutin ko kaysa sa iyo, Lando. Galingan mo nang sa gayon ay makahabol ka naman sa akin. Kapag ako na ang head chef sa lugar na ito’y ikaw ang una kong tatanggalin! Tandaan mo ‘yan!” wika ni Ben.
Hindi na nakipagtalo pa si Lando. Bagkus ay ginawa na lang niya ang kaniyang makakaya para patunayan rin ang kaniyang galing.
Sa umpisa ng pagluluto ay malakas ang loob nitong si Ben. Ngunit habang tumatagal ay nagiging aligaga na siya lalo na kapag nakikita niyang kalmado lang si Lando. Panay tuloy ang tingin niya sa niluluto nito.
“Pritong salmon lang ang iyong ihahain? Sa lahat ng panahon ay ngayon mo pa napiling magprito ng isda! Talagang wala kang binatbat sa akin!” wika muli Ben.
Kahit anong mga patutsada pa ang sabihin ng katunggali ay hindi na ito pinapakinggan ni Lando. Sadyang nakatuon lang siya sa kaniyang ginagawa. Ang nais lang niya ay magluto ng putaheng maiibigan ng mga bisita.
Dahil nga panay ang tingin ni Ben sa mga niluluto ni Lando ay hindi niya namamalayang nasusunog na ang ibang niluluto niya. Hindi na rin niya natatandaan kung natimpalahan na niya ito kaya naman paulit-ulit ang paglalagay niya ng asin.
Nauubusan na ng oras itong si Ben dahil nariyan na ang mga bisita at kailangan nang ihanda ang mga pagkain. Habang patuloy pa rin siya sa pagluluto ay tapos na itong si Lando.
Nang ihain na ang mga pagkain sa bisita ay laking gulat ni Chef Mario sa magandang presentasyon ni Lando. Ayon din sa mga ito ay naibigan nila iyon dahil ubod ng sarap. Samantalang wala man lamang gumalaw ng pagkain na niluto ni Ben. Sunog kasi ito at ubod naman ng alat.
Nang matapos ang kasiyahan ay kinausap ni Chef Mario ang dalawang kusinero.
“Ngayong araw ay ipinakita ninyo sa akin ang tunay na kakayahan ninyo sa kusina. Pinahanga mo ako, Lando. At dahil diyan, ikaw ang napili kong maging head chef ng restawran na ito,” saad ni Chef Mario.
“N-ngunit hindi maaari, chef, noong mga nakaraang araw ay lagi naman siyang nagkakamali. Ngayon lang siya nakapagluto ng tama. Hindi mo kami maaaring husgahan nang dahil lang sa mga niluto namin ngayong araw. Marahil ay pumalpak ako ngayon pero mas kabisado ko ang kusinang ito at ang paraan natin ng pagluluto. Matagal na ako dito at kaya kong pamunuan ang buong kusina!” depensa si Ben.
“Matagal ko nang alam ang ginagawa mo kay Lando, Ben, kaya hindi ka na makakapagkaila sa akin. Pinalagyan ko ng CCTV camera ang buong kusina nang sa gayon ay maging patas ang desisyon ko. Alam kong noon mo pa sinasabotahe itong si Lando. Sinadya kong pagalitan siya nang pagalitan para ilabas niya lalo ang kaniyang galing at patunayan ang kaniyang sarili. Binigyan naman din kita ng pagkakataong patunayan ang iyong sarili ngayon. Pero ano ang ginawa mo? Imbes na tumutok ka sa pagluluto ay palagi mong inihahambing ang iyong sarili. Lagi kang nagmamataas. Hindi mo namamalayan tuloy na mali na ang mga ginagawa mo. At lumabas ito lahat sa mga pagkaing inihain mo sa amin ngayon. Buo na ang desisyon ko. Si Lando na ang magiging head chef ng restawran na ito at susunod ka sa lahat ng ipinag-uutos niya ngayong siya na ang boss mo!” dagdag pa ni Chef Mario.
Labis na napahiya itong si Ben. Hindi niya akalain na babalik sa kaniya ang lahat ng pananabotaheng kaniyang ginawa kay Lando. Naging dahilan pa tuloy ito para pagbutihan lalo ng katunggali na patunayan ang kaniyang sarili.
Labis naman ang tuwa sa puso ni Lando na natupad na ang isa sa kaniyang mga pangarap. Nangako siya kay Chef Mario na pagbubutihan niya ang kaniyang trabaho upang lalong mapaunlad ang restawran.
Sa paglipas ng panahon ay hindi na matawaran ang galing ni Lando sa kusina. Hanggang sa nakaipon na rin siya at nakapagpatayo ng sarili niyang kilalang restawran.