Inday TrendingInday Trending
Nagbaliw-baliwan ang Ginang na Ito upang Maabswelto sa Kaso, ‘Di Niya Akalaing Pagsisisihan Niya Iyon

Nagbaliw-baliwan ang Ginang na Ito upang Maabswelto sa Kaso, ‘Di Niya Akalaing Pagsisisihan Niya Iyon

“Ano nang balak mo ngayon, mama? Sabi ko naman sa’yo noong una pa lang, lumayo-layo ka na sa kumare mong labas-pasok na sa kulungan! Kita mo na ngayon, nasa kulungan ka na rin!” sermon ni Hilda sa kaniyang ina, isang araw nang dalawin niya ito sa kulungang pinamamalagian nito.

“Sino bang nagsabi sa’yong magtatagal ako rito? Hindi bagay dito ang kagandahan ko, ‘no!” patawa-tawang tugon ni Helia sa anak na ikinabusangot nito.

“O, ano na namang balak mo? May pera ka ba pang-piyansa, ha?” inis na tanong nito sa kaniya.

“Diyos ko naman, anak! Parang hindi mo naman ako kilala! Anong silbi ng mga pinapanuod kong pelikula kung hindi ko isasagawa sa totoong buhay?” sagot niya saka agad na ngumisi.

“Anong ibig mong sabihin, mama?” pang-uusisa pa nito.

“Edi magbabaliw-baliwan ako para makaalis ako sa mabahong kulungang ito! Ayos na ako sa mental hospital mamalagi kaysa rito! Roon, malaki ang tiyansa kong makatakas!” sabi niya pa na ikinailing nito.

“Mama, naman!” sigaw nito dahilan para agad niyang takpan ang bunganga nito.

“Huwag ka nang maingay d’yan! Basta, mag-empake na kayo ng kapatid mo dahil kapag nakatakas ako, didiretso na tayo sa probinsya!” payo niya rito saka agad na tinulak paalis ang anak.

Sa kagustuhan ng ginang na si Helia na kumita ng malaking halaga ng pera para sa dalawa niyang anak na mag-isa niya na lang na binubuhay, kumapit siya sa kumare niyang nagbebenta ng mga nakaw na bagay, pinagbabawal na gamot, at katawan ng mga dalaga.

Ilang beses man siyang pagsabihan ng panganay niyang anak na hindi maganda ang siguradong karmang darating sa kanilang pamilya dahil sa gawain niyang ito, siya’y nagpatuloy pa rin at nagpakasasa sa perang bunga nang masamang mga gawaing ito.

Tumagal ng halos isang taon ang negosyo nilang ito ng kaniyang kumare at katulad ng babala ng kaniyang anak, sila nga ng kaniyang kumare ay nahuli sa akto ng mga pulis at naharap sa patong-patong na kaso.

Ngunit kahit pa ganoon na ang problemang kinakaharap niya na kailangan niyang pagbayaran ng ilang dekada, hindi pa rin siya nagpatalo sa tadhana dahil may naisip siyang paraan upang muling maabswelto sa parusang nakapatong sa ulo niya.

Katulad ng sinabi niya sa kaniyang anak, pagkaalis na pagkaalis nito sa kulungan, agad siyang nagbaliw-baliwan. Sinasabunut-sabunutan niya ang sarili, nagsusumigaw, kunwaring nakakakita ng mga multo, at marami pang hindi pangkaraniwang bagay ang kaniyang ginagawa para lamang masabi ng mga bantay na pulis na nababaliw na siya.

Tila nagtagumpay naman siya sa balak niyang ito dahil sa loob lamang ng isang linggong pag-iinarte niya, siya nga’y nilipat na sa mental hospital.

Pagkarating na pagkarating niya roon, siya’y nagtutumakbo sa pag-aakalang ito na ang umpisa ng kaniyang paglaya ngunit, siya pala’y nagkamali rito.

Unang gabi niya pa lang sa lugar na ito, hindi na siya makatulog dahil sa ingay na gawa ng mga baliw doon. Kabadong-kabado pa siya sa baliw na kasama niya dahil masama ang titig nito sa kaniya palagi.

Ngunit dahil nga ginusto niya ito, tiniis niya iyon at nagpumilit na magpalipas ng gabi habang pinaplano niya ang kaniyang pagtakas.

Paggising niya kinabukasan, agad siyang nasuka nang makitang sa katawan niya dumumi ang kasamang baliw sa silid. Patawa-tawa pa ito habang tinitignan ang pagsusuka niya na labis niyang ikinainis.

Sasampalin niya sana ito dahil sa pagkainis na nararamdaman nang bigla siya nitong pahiran ng dumi sa bibig na lalo niyang ikinasuka.

Kahit pa ganoon, hindi pa rin siya sumuko bagkus, ginawa niya pa rin ang lahat upang agad na masaulo ang lugar at makahanap ng lagusang magiging daan niya sa paglaya.

Ngunit habang siya’y nagmumuni-muni sa kanilang silid, nagulat na lang siya nang makaramdam nang pag-init sa kaniyang anit at nang ito’y kapain niya, roon niya lang napagtantong nag-aapoy na ang kaniyang buhok.

“A-anong ginawa mo?” sigaw niya sa baliw na patawa-tawa habang hawak ang isang posporo.

“Parang dayami, eh,” sagot nito na lalo niyang ikinainis.

Sa sobrang taranta niya sa nangyayari sa buhok niya, nagawa niyang iumpog ang sarili sa kama na lalong ikinatawa ng naturang baliw.

Hindi pa roon natatapos ang pagpapahirap nito sa kaniya dahil maya maya lang, nainom niya naman ang ihi nitong nakalagay sa inumang baso niya.

Doon na siya naiyak sa hirap na nararanasan niya roon.

“Wala pa akong isang araw dito, halos mabugb*g at mababoy na ang pagkatao ko! Bakit ko ba naisipang magbaliw-baliwan? Mas mabuti pa sa kulungan, matitino ang nakakausap at nakakasama ko!” iyak niya saka agad nang umamin sa nars na nagbabantay sa kanilang dalawa.

Sumailalim siya sa mga pagsusulit at doon nga nalamang hindi siya baliw dahilan upang siya’y muling ibalik sa kulungan na labis niyang ikinapalasalamat. “Ayos na sa akin na pagbayaran ang kamalian ko, huwag lang akong isama sa baliw na daig pa ang isang masamang loob katulad ko!” sambit niya sa sarili.

Simula noon, pinagdusahan na niya nang tama ang kaniyang mga pagkakasala. Matagal man ang panahong kailangan niyang gugulin sa kulungan, hindi na ito problema sa kaniya dahil ngayon, nakakapagpahinga, nakakain, at napapalipas niya ang isang araw na walang masamang nangyayari sa kaniya.

Advertisement