
Pinagtatawanan ng Gurong Ito ang Kaniyang mga Estudyante, Nakaramdam Siya ng Awa nang Makausap ang Isa
“O, mukhang ang saya-saya mo ngayon, ha? Hindi ba nagpasaway ngayon ang mga estudyante mo?” bati ni Lloyd sa kaniyang nobya, isang hapon nang sunduin niya ito sa paaralang pinagtatrababuhan.
“Naku, hindi talaga! Ang babait nila ngayon! Tuwang-tuwa pa nga ako sa talakayan namin ng mga bata kanina! Halos wala nga akong naituro dahil tawa lang ako nang tawa sa mga sagot nila sa tanong ko!” patawa-tawang sagot ni Grace habang iniaabot sa binata ang mga gamit.
“Ano bang tinanong mo sa kanila? Sana naman huwag kalokohan dahil mga bata pa iyon. Baka isumbong ka no’n sa mga magulang nila at mapatalsik ka,” payo nito na lalo niyang ikinatawa.
“Hindi naman ‘yon kalokohan! Sadyang nakakatawa lang ‘yong mga sagot nila sa tanong kong, “Ano gusto niyong maging paglaki?” Grabe ang mga sagot nila! Mayroong gustong maging dancer sa bar, ang iba gusto maging janitor at ang pinakamatinding sagot, sabi no’ng isa kong estudyante, gusto niyang maging bunso! Pagkahagalpak ko nga ng tawa, umiyak ‘yong bata!” kwento niya pa saka humagalpak ng tawa nang muling maalala ang pangyayari.
“Baka mayroon siyang malalim na dahilan kung bakit. Tanungin mo siya, mahal, hindi ‘yong tatawanan mo ang pagkainosente ng bata,” sabi pa nito sa kaniya dahilan para siya’y mapaisip sa kaniyang ginawa sa harap ng mga batang estudyante niya.
Nadadala ng dalagang si Grace ang kaniyang pagiging maloko at palatawa sa kaniyang propesyon bilang isang guro ng mga bata sa unang baitang. Halos araw-araw man siyang pagsabihan ng nobyo na mali ang ginagawa niyang ito, hindi niya ito maiwasan.
May pagkakataon pa ngang siya ang unang humagalpak ng tawa nang minsang madapa ang isa niyang estudyante dahilan para pagtawanan din ito ng ibang estudyante. Nagreklamo man ang magulang ng naturang bata, nanghingi lamang siya ng tawad at muli na namang ginawa ang bagay na iyon sa ibang estudyante.
Pilitin man niyang itatak sa isip na isa siyang guro roon, hindi niya ito magawa dahil nga likas sa kaniya ang ugaling iyon.
Hindi niya pa mapigilang mapatawa sa harap ng mga ito sa tuwing may hindi inaasahang salita ang lumalabas sa bibig ng mga ito. Lalo na ngayong ang talakayan nila ay tungkol sa mga pangarap.
Halos mapaiyak siya sa kakatawa sa mga sinagot ng kaniyang mga estudyante noong araw na iyon pero ang pinaka tumatak sa kaniya, ang sagot ng isang estudyanteng hindi niya inasahan.
Nang araw na ‘yon, nang makausap siya ng nobyo na mali ang gawain niyang ito, agad na pumasok sa isip niya na baka nga may malalim na dahilan ang estudyante niyang iyon.
Kaya naman, kinabukasan, pagkarating na pagkarating ng estudyante niyang iyon, agad niya itong tinabihan.
Kinamusta niya muna ito at humingi ng tawad sa pagkahagalpak na ginawa niya rito kahapon. Nang usisain niya na ito kung bakit pangarap nitong maging bunso, agad nang nangilid ang luha sa mata nito.
“Si bunso kasi po palaging may bagong laruan, masasarap ‘yong mga kinakain niya at kahit may kasalanan po siya, siya ang kinakampihan ni mama kaya gusto ko pong maging katulad niya. Ako po kasi, palaging pinapagalitan at palaging tira-tira lang ni bunso ang naibibigay sa akin,” sagot nito na labis na ikinatunaw ng puso niya.
Ramdam na ramdam niya ang bigat na nararamdaman ng naturang bata sa murang edad. Kaya naman, nang sunduin ito ng ina pagkalipas ng ilang oras nilang klase, hindi na niya pinalampas ang pagkakataon upang makausap ito.
Sinabi niya ang hinanaing ng estudyante sa nanay nito at laking gulat niya nang maiyak din ito sa harap niya.
“Ganoon pala ang nararamdaman ng anak ko, salamat, ma’am, ngayon, alam ko nang sa murang edad niya, nakakaramdam na siya ng inggit sa bunso namin,” wika nito saka agad na niyakap ang batang naghihintay sa labas.
Doon niya unang naramdaman na natugunan niya ang responsibilidad niya bilang pangalawang magulang ng mga batang tinuturuan niya.
“Ang sarap pala sa pakiramdam na maipakita ko sa mga batang ito na sa silid-aralan na ito na may kakampi sila,” sambit niya habang pinagmamasdan ang mga walang muwang na batang naghihintay sa kani-kanilang mga sundo.
Simula noon, ginawa na niya ang lahat upang makontrol ang ugali. Imbis din na tawanan niya ang mga estudyante, tinuruan niya ito sa abot ng makakaya niya na labis na ikinatuwa ng nobyo niyang nagdidiwang sa pagiging mabuting guro niya.