Inday TrendingInday Trending
Sinasamantala ng Binatang Ito ang Kabaitan ng mga Magulang; Nanghina Siya nang Marinig ang Amang Umiiyak

Sinasamantala ng Binatang Ito ang Kabaitan ng mga Magulang; Nanghina Siya nang Marinig ang Amang Umiiyak

“Mama, pahingi nga akong pera. Mayroon na naman kaming kailangang bayaran sa klase. Kulang na kulang na talaga ‘yong binibigay niyong pera sa akin. Minsan, sa laki ng gastusin ko sa paaralan, hindi na ako nakakakain!” reklamo ni June sa kaniyang ina, isang umaga bago siya pumasok sa paaralan.

“Pasensya ka na, anak, ha? Wala pa talagang malaking pera ang mama para makapagbigay nang malaking halaga ng baon sa’yo, eh. Pero huwag kang mag-alala, malapit na mag-abroad ang tatay mo, panigurado, tataas na ang baon mo!” pagbibigay nito ng pag-asa sa kaniya habang piniprito ang ipapabaong pagkain.

“Naku, sana naman makaalis na agad siya. Gustong-gusto ko nang makakain ng pananghalian sa paaralan!” pagpapaawa niya pa habang pinapahalata sa ina ang pagkainis.

“May awa ang Diyos, anak. Sa ngayon, mag-aral ka munang mabuti, ha? Ito, ibaon mo ‘to para hindi mo na kailangang magtiis ng gutom,” nakangiti nitong wika saka iniabot sa kaniya ang isang tupperware.

“Tinapay at itlog na naman?” inis niyang tanong.

“Mabuti nga at may gan’yan pa tayo! Ikaw talagang pilyong bata ka, sige na, baka mahuli ka pa sa klase! Mag-aral nang mabuti, anak!” patawa-tawa nitong payo dahilan para siya’y padabog na umalis ng kanilang bahay.

Kahit na kapos sa pera, ni minsan ay hindi pinabayaan ng kaniyang mga magulang ang binatang si June. Lahat ng kailangan niya, mapapansarili man niyang luho o gamit sa eskwela, agad na ginagawan ng paraan ng mga ito upang maibigay sa kaniya.

Sa katunayan, may pagkakataon pang nangutang ang mga ito sa bumbay para lamang makabili siya ng selpon na gustong-gusto niya. Masaya ang mga itong makita siyang maligaya. Ang tanging gustong kapalit lang ng mga ito, mag-aral siyang mabuti para sa kaniyang kinabukasan.

Ngunit kahit iyon na lang ang hiling ng mga ito, hindi niya maibigay. Pinapakita niya sa kaniyang mga magulang na siya’y nag-aaral at hirap na hirap sa buhay kolehiyo pero ang totoo, siya’y palaging lumiliban sa klase para makipagbarkada.

Ang perang hinihingi niyang buong akala ng kaniyang ina ay para sa kaniyang proyekto, ginagasta niya pang-ambag sa inuman, pangpusta sa bilyar, o kung hindi naman, pangtaya sa sakla.

Ni minsan, hindi siya nakaramdam ng kaba na baka mahuli ng mga magulang o awa sa mga pagsasakripisyo ng mga ito dahil alam niya, kahit anong gawin niya, siya’y maiintindihan at mapapatawad ng mga ito.

Nang araw na ‘yon, katulad ng nakasanayan niya, imbis na sa paaralan, sa tambayan siya dumiretso kasama ang kaniyang mga kaibigan. Agad niyang inilabas ang natanggap na pera upang ipangbili ng alak saka siya agad-agad na nakipagkasiyahan sa mga ito.

Ilang oras lang ang tinagal ng pera niya sa lugar na iyon at nang tuluyan niyang matapos ang iniinom na alak, agad na rin siyang umuwi dahil ayaw niyang magmukhang kawawa roon.

“Nakakabitin naman, eh! Kung malaki lang sana ang perang binibigay sa akin nila mama, sana hanggang mamaya pa ako nag-iinom doon!” inis niyang wika habang naglalakad pauwi.

Pagkauwi niya, agad siyang nagdesisyong dumiretso sa kaniyang silid upang huwag siyang maamoy ng kaniyang mga magulang.

Ngunit pagdaan niya sa silid ng kaniyang mga magulang, siya’y napatigil nang marinig na humihikbi ang kaniyang ama.

“Ewan ko ba kung bakit hindi ko napansin na manggogoyo ang kausap kong iyon! Inutang lang natin ang perang binayad ko roon para makaalis na ako’t mabigyan natin ang malaking baon si June! Bakit ba ako ganito, mahal?” iyak nito na agad na nagparamdam sa kaniya ng awa at pangongonsenya.

Rinig na rinig niya pang tila sinasaktan ng kaniyang ama ang sarili dahil sa pagkainis na agad namang inaawat ng kaniyang ina dahilan para tuluyan na siyang maiyak habang nakikinig.

Doon niya napag-isip-isip na mali ang ginagawa niyang pananamantala sa kabaitan ng kaniyang mga magulang dahil walang gusto ang mga ito kung hindi ang mabigyan siya ng magandang buhay.

Ito ang dahilan para siya’y magdesisyong pag-igihin ang kaniyang pag-aaral na labis na ikinagulat ng kaniyang mga kaibigan at kaklase.

Simula kasi noon, kung dati siya’y sa tambayan dumidiretso, ngayo’y sa silid-aralan siya nagtutungo at nakikiisa sa mga talakayan.

Yayain man siya ng mga katropa na mag-inom, lagi niyang sambit, “Mag-aaral pa ako para sa mga magulang ko,” na labis na ikinatuwa ng mga ito dahilan para siya’y gayahin ng mga ito.

Hanggang sa lumipas ang ilang taon, sabay-sabay silang nakapagtapos magtotropa at dahil nga matagal niya itong pinaghirapan, hindi na siya nagsayang ng oras at agad na naghanap ng trabaho.

Tila sinuwerte naman siya dahil siya’y nakahanap ng trabaho sa ibang bansa na talagang ikinatuwa ng kaniyang mga magulang.

“Kung hindi ko siguro napagtanto ang mga ganitong bagay, baka hanggang ngayon, nagpapakahirap sila mama at papa para sa akin,” wika niya habang binibilang ang perang kinita na ipapadala niya sa kaniyang mga magulang sa ‘Pinas.

Advertisement