
Inagaw Niya ang Kinakasama ng Kaniyang Kaibigan Kahit pa may Anak na ang mga Ito; Paano Kung Siya naman ang Susunod na Makaranas ng Panloloko?
“Jane, paano mo nagawa sa akin ’to? Magkaibigan tayo! Alam mo namang may anak kami, hindi ba?” umiiyak na tanong sa kaniya ng kaibigang si Mina, matapos siyang puntahan nito sa pinagtatrabahuhan niya para lang komprontahin. Nalaman na kasi nito ang tungkol sa relasyon nila ng kinakasama nitong si Edward.
“Huwag mong gamitin ang anak mo sa usapan natin, Mina.”
“Pero kasali siya rito, Jane! Siya ang pinakamaapektuhan kapag naghiwalay kami ng ama niya! Paano mo ito nagagawa sa amin?! Napakasama mo!”
Bakas ang pighati sa mukha ni Mina. Ang totoo ay mukha rin itong hindi nakatulog kagabi dahil halatang nangingitim ang ilalim ng mga mata nito bukod pa sa namamaga rin ang mga iyon, tanda na magdamag din itong umiyak.
Samantala, imbes na maawa ay tila ikinatuwa pa ni Jane ang nakikitang hitsura ng kaniyang kaibigan—kung kaibigan nga ba ang turing niya sa kaharap. Matagal na rin kasi siyang inggit dito, simula pa noong sila ay mga bata. Lahat na lang kasi ng mga bagay na inaasam niya ay kay Mina napupunta, kabilang na roon si Edward. Kaya naman pinilit ni Jane na gawin ang lahat upang maagaw lang ang lalaki sa kinakasama nitong si Mina kahit pa nga alam niyang may anak na ang mga ito. Ang masama pa ay ninang siya ng bata!
“Hindi ko kasalanan na mas pinipili akong makasama ng boyfriend mo, Mina. Hindi ko kasalanan na sa akin siya mas masaya at hindi sa inyo ng anak mo!” sagot pa ni Jane sa kaniyang kababata. “Kaya kahit sampalin mo pa ako rito ngayon, hinding-hindi ko siya isusuko sa ’yo, Mina!”
Mapait namang natawa si Mina sa naging sagot niya. Naiiling ito bago nakaapuhap ng salitang isasagot sa kaniya. “Hindi, Jane… hindi kita sasaktan. Hinding-hindi ako bababa sa lebel ng mga katulad mong mang-aagaw. Hindi ko dudumihan ang kamay ko para lang saktan ka. Naniniwala ako sa karma. Hahayaan kong siya na ang gumawa ng paraan para parusahan ka.”
Matapos ang paglilitanyang iyon ni Mina ay umalis na ito sa kaniyang harapan at iyon na ang naging huli nilang pagkikita. Hindi na muling nanggulo pa sa pagsasama nila ni Edward si Mina at hinayaan na sila nitong maging masaya sa piling ng isa’t isa.
Oo nga’t masaya sila noong mga unang panahon pa lang ng pagsasama nila ng lalaki. Puno sila ng matamis na pagtitinginan at masaya ang bawat maiinit na gabing pinagsasaluhan nila… ngunit hindi rin iyon nagtagal. Dahil si Edward ay nagsimulang matauhan. Bigla na lamang kasi nitong na-miss ang kaniyang mag-ina. Wala na kasing ‘thrill’ ang pakikipagrelasyon niya kay Jane kaya tila nawala na rin ang interes niya sa babae. Sa huli ay si Mina pa rin pala ang gusto niyang makasama sa araw-araw at gusto niya ring masubaybayan ang paglaki ng kanilang anak.
Ngunit si Jane, nang mga panahong iyon ay hulog na hulog na. Nagsimula na siyang makaramdam ng pagkabalisa dahil dama niyang nanlalamig na sa kaniya si Edward. Kinakabahan siya. Natatakot siya na baka gawin din sa kaniya nito ang ginawa nila kay Mina! Dahil doon ay palagi na rin silang nag-aaway ni Edward. Halos walang araw na hindi sila nagbabangayan!
Nag-umpisa na rin siyang ikumpara ng lalaki kay Mina na halos magpabaliw naman kay Jane, lalo na nang malaman niyang hinahanap pala nito ang kaniyang mag-ina. Gusto na palang bumalik ni Edward sa tunay niyang pamilya dahil ngayon ay ayaw na nito sa kaniya.
Ibayong sakit ang kaniyang naranasan nang malaman niya ang katotohanang iyon. Ang katotohanang ginawa lamang pala siyang laruan ng lalaki, ngunit hindi pa rin pala siya minahal nito! Kahit anong pakiusap ni Jane ay wala siyang nagawa nang tuluyan nang magpasya si Edward na tapusin ang anumang namagitan sa kanila upang balikan si Mina at ang anak nila.
Tila ba nagkatotoo ang sinabi sa kaniya ni Mina noon. Ngayon ay kinakarma na siya sa kaniyang kasakiman at napakasakit pala talaga ng pakiramdam kapag ikaw ay niloko ng taong pinag-alayan mo ng lahat sa ’yo. Ngayon ay alam na niya ang pakiramdam ni Mina at pinagsisisihan na niyang ipinaranas niya rin ito noon sa dating kababata’t kaibigan.
Hindi na niya pinagkaabalahan pa ang paghingi ng tawad kay Mina. Minabuti niyang tuluyan na lamang hindi magpakita sa mga ito at hayaan na itong maging masaya sa piling ni Edward at ng kanilang anak.