Sumipsip ang Babaeng Ito sa Kaniyang Boss sa Pag-aakalang Makukuha Niya ang Inaasam na Promosyon; Gulo pa pala ang Aabutin Niya dahil Dito

“Sir, baka po gusto n’yo ng coffee? Treat ko,” pag-aalok ni Katrina sa kanilang boss gamit ang malambing na tinig bago siya umalis ng opisina upang kumain sa labas. Agad namang tumunghay ang kaniyang boss upang ngitian siya bago ito tumango.

Tumalikod na si Katrina matapos sumagot ng kaniyang boss. Napangisi pa siya bago tuluyang lumabas ng opisina. Pakiramdam kasi ni Katrina ay kaunti na lang at bibigay na rin ang kaniyang boss. Sigurado siyang siya na ang pipiliin nitong bigyan ng promosyon kapag nagkataon!

Alam kasi ni Katrina na hindi niya kayang talunin sa pagalingan ang katrabaho niyang si Chelsea, na halata namang number 1 pick ng mga nakataaas dahil sa angkin nitong talino at husay sa trabaho. Kaya naman idinadaan na lamang ni Katrina iyon sa maruming paraan. Ang pagsipsip sa kanilang boss.

Madalas na ngang maging tampulan ng tsismis si Katrina ngunit tila ba wala siyang pakialam anuman ang marinig niya sa mga katrabaho. Basta’t ang gusto niya ay makuha ang inaasam na promosyon upang sa wakas ay mayroon na rin siyang maipagmalaki sa amang pakiramdam niya ay palagi na lang siyang minamaliit. Palagi na lang kasing ang kaniyang mga kapatid ang pinupuri nito. Samantalang siya ay palagi na lang sermon ang inaabot sa ama. Palibhasa kasi ay siya ang itinuturing nitong pinakawalang kwenta sa lahat ng mga anak nito. Simula pa noong sila ay nag-aaral pa lang, hanggang ngayong pawang nagtatrabaho na silang lahat.

“Seryoso ka talaga sa ginagawa mo, sis, ano? Naku, mag-ingat ka. Baka pagsisihan mo ’yan sa huli, ikaw rin,” habang bumibili sila ng kape ay bigla na lang sinabi ng kaniyang kaibigang si Annie, na siyang nakakaalam ng lahat ng plano niyang gawin, maging ang pagsipsip niya sa kaniyang boss.

“Naku, hindi ’yan. Nag-iingat naman ako, saka, nagpapakitang gilas lang naman ako kay sir. Hindi naman totoo ’yong tsismis na hinaharot ko ang boss natin, ano!” giit naman niya sa kaibigan na sinagot na lamang siya ng simpleng pagkibit ng balikat.

Masaya pa si Katrina nang siya ay bumalik sa opisina. Dumiretso kaagad siya sa opisina ng kaniyang boss upang iabot ang kapeng binili niya para dito.

“Sir, heto na po ang kape n’yo,” nakangiti pang aniya nang dumungaw siya sa pinto.

Advertisement

“Salamat, Katrina,” maiksi namang sagot nito na naka-focus pa rin sa monitor ng computer nito.

Tila naman may kapilyahang pumasok sa loob ng isip ni Katrina. Nakakita kasi siya ng tiyempo nang mga sandaling iyon. Nilapitan niya ang kaniyang boss at inilapag sa harapan nito ang kape, bago niya ito muling tinanong.

“Sir, mukhang pagod ka na, a… kailangan mo ba ng masahe?” may kapilyahang tanong niya rito bago pinagapang ang kaniyang mga daliri mula sa braso nito, paakyat sa balikat ng lalaki.

Ngunit hindi pa man nakasasagot ang kaniyang boss ay isang sigaw mula sa nakabukas na palang pintuan ng opisina ang nagpagulat sa kanilang dalawa!

“Walang hiya kang babae ka! Malandi ka!” sigaw ng isang pamilyar na babae sa kaniya na dire-diretso siyang inatake! Sinabunutan nito ang kaniyang buhok at hinila iyon nang hinila!

Mabilis na umagaw ng atensyon ng kaniyang mga kasamahan ang eksenang nagaganap ngayon sa pagitan nila ng asawa ng kaniyang boss! Hindi akalain ni Katrina na eksaktong aabutan pa nito ang ginagawa niyang kalokohan ngayon!

“M-ma’am, nagkakamali po kayo!” Sinubukan pa niyang magpaliwanag, ngunit sarado na ang isip ng babae.

“Anong nagkakamali? Hindi ako bulag! Noong unang marinig ko ang tsismis tungkol sa panghaharot mo sa asawa ko ay hindi ako naniwala, pero ngayong nakita na mismo ng dalawang mata ko ay hindi mo na ako maloloko pa!” sagot pa nito na muling itinuloy ang pananabunot sa kaniyang buhok!

Advertisement

Mabuti na lamang at napigilan ito ng kaniyang boss, kundi ay baka napunit na rin maging ang anit niya sa tindi ng pananabunot nito. Ngunit iyon na rin ang huling araw niya sa tabaho.

Laking pagsisisi ni Katrina sa kaniyang ginawa, dahil bukod sa napakatinding kahihiyan ang inabot niya ay nawalan pa siya ng hanapbuhay. Ngayon ay lalo lamang niyang pinatunayan na tama nga ang bawat pangaral sa kaniya ng kaniyang ama, na kailan man ay hindi naman niya pinakinggan dahil pakiramdam niya ay hindi naman niya iyon kailangan. Ngayon ay oras na siguro upang siya ay makinig sa mga payo nito. Oras na upang magbago, nang sa ganoon ay magbago na rin ang takbo ng kaniyang buhay.