
Nagulat ang OFW na Ito nang sa Pag-uwi Niya’y Wala na sa Katinuan ang Kaniyang Ina; Manggagalaiti Siya sa Katotohanang Matutuklasan
Huminga nang malalim si Edna nang sa wakas ay nakaupo na siya sa kaniyang upuan sa loob ng eroplano. Hindi niya napigilang makadama ng halu-halong emosyon, ’tulad na lang ng kaba at labis na pagkasabik. Sa wakas, makalipas ang tatlong taong kontrata niya bilang isang caregiver sa bansang Saudi ay makakauwi na siya sa Pilipinas. Muli na niyang makakasama ang kaniyang ina.
Biglaan ang naging uwi ni Edna. Ang totoo ay talagang minadali na niya ang kaniyang pag-uwi dahil sapat naman na ang kaniyang ipon upang makapagtayo siya ng negosyo. Hindi ito alam ng kaniyang ina dahil halos ilang buwan na rin naman siyang hindi kinakausap nito. Kadalasan ay ang mga kaaanak lang nila na nakatira malapit sa kanilang bahay ang siyang sumasagot sa tuwing siya ay tatawag sa ina. Pakiramdam ni Edna ay nagtatampo sa kaniya ito. Iyon nga lang ay hindi niya alam kung bakit. Basta, bigla na lang siya nitong hindi kinausap. Palagi itong nagdadahilan sa tuwing siya ay tatawag na ipinadadaan pa nito sa kanilang mga kamag-anak. Kesyo busy raw ito, masama ang pakiramdam o wala sa mood na kausapin siya.
Ganoon pa man ay hindi kailan man pinuputol ni Edna ang pagsuporta sa ina. Ang ginagawa niya’y ipinadadala na lamang niya ang pera sa pangalan ng kaniyang tiyahin—ang step sister ng kaniyang ina—at ipinaaabot iyon sa kaniyang Mama Anita. Ilang buwan ding naging ganoon ang kanilang kalakaran, ngunit ngayon ay tutuldukan na iyon ni Edna.
Sa wakas ay nasa harapan na siya ng kanilang pintuan. Nakatatatlong katok pa lamang siya ay agad nang bumukas ang pinto at iniluwa n’on ang kaniyang Aunty Toyang. Agad na rumehistro ang gulat sa mukha nito nang siya ay makita.
“E-Edna… ano’ng ginagawa mo rito?!” bulalas na tanong nito na nagpakunot naman sa noo ni Edna.
“Isu-surprise ko ho sana si mama, e. Bakit naman po parang sobra naman ang gulat n’yo? Para kayong nakakita ng multo,” natatawang sagot naman ni Edna.
“K-kasi—” ngunit bago pa man maituloy ni Aunty Toyang ang sasabihin nito ay pareho silang ginulat ng isang malakas na hiyaw sa loob ng bahay.
“Ang mama ’yon, a!”
Tarantang kumaripas nang takbo si Edna papasok sa loob ng bahay… at ganoon na lang ang sobrang pagkabigla niya nang bumungad sa kaniya ang nakakaawang hitsura ng kaniyang ina!
“Mama! Mama, ano’ng nangyari sa ’yo?!” mangiyak-ngiyak na tanong ni Edna sa inang ngayon ay napakarungis na! Ngunit ipinagtaka pang lalo ni Edna nang makitang ni hindi man lamang siya nakikilala nito… at tila ba wala ito sa sariling katinuan!
Isinugod ni Edna ang kaniyang ina sa ospital at doon ay napag-alaman niya na ilang buwan na nga itong nasisiraan ng bait. Halos gumuho ang kaniyang mundo sa balitang nalaman.
Nang sa wakas ay nakauwi na sina Edna at ang kaniyang Mama Anita sa bahay ay hindi na nila inabutan pa roon ang kaniyang Aunty Toyang, maging ang mga anak nito. Pare-pareho na silang nag-alsabalutan at pawang mga nagsilayas na’t nagsipagtago.
Doon na nagsimulang maghinala si Edna na may kinalaman ang mga ito sa nangyari sa kaniyang ina, at hindi nga siya nagkakamali. Dahil ayon sa kanilang mga kapitbahay, nawala raw sa katinuan si Aling Anita simula nang gutumin ito ng kaniyang Aunty Toyang. Nagkasakit kasi ito nang ilang linggo at iyon ang dahilan kung bakit hindi nito nagawang kausapin ang anak sa telepono, na siya namang sinamantala ni Toyang at ng mga anak nito!
Labis ang galit na naramdaman ni Edna laban sa mga kaanak niyang sakim at walang puso! Noon din mismo ay agad siyang lumapit sa kanilang prisinto upang magsampa ng kaso, laban sa mga ito! Hinding-hindi niya sila mapapatawad sa kalupitang ginawa nila sa kaniyang ina, habang siya ay nagpapakahirap sa ibang bansa upang maiahon ito sa hirap ng buhay.
Mabilis namang gumulong ang kasong isinampa ni Edna laban sa mga ito. Mabuti na lang din at hindi naman gaanong nahirapan ang mga pulis na sila ay hanapin. Timbog ang mga ito at agad na naghimas ng bakal na rehas!
Dahil sa kumpletong mga ebidensya ay tuluyang nahatulan ang mga umapi sa kaniyang ina na siya namang labis na ikinatuwa ni Edna. Samantala, ngayon ay mabuti na ang kalagayan ng kaniyang Mama Anita, at sisiguraduhin ni Edna babawiin niya ang lahat ng araw na wala siya sa tabi nito. Susulitin niya ang bawat oras na kasama niya ito upang mabilis nitong makalimutan ang lahat ng hirap na dinanas nito sa mga taong itinuring nilang kapamilya, ngunit nagawa pa rin silang gawan ng masama.