Akala ng Tindera ng Gulay ay Puro Hirap na Lang ang Mararanasan Niya; Mahahanap Pala Niya ang Suwerte sa Peysbuk

“Gulay, gulay kayo riyan! Talong, Sitaw, kalabasaaa!” sigaw ni Eden habang naglalako ng kanyang mga paninda.

Maaga siyang gumigising sa umaga upang magtinda. Hindi niya kailanman ikinahiya ang pagtitinda ng mga gulay sa kalye. Lumalaboy, nagbibilad sa init ng araw at parang sirang plaka na nagsisisigaw maubos lang ang paninda niya.

Iniwan na kasi sila ng ama niyang babaero at sakitin naman ang inang si Aling Onya kaya siya na ang umako ng responsibilidad na maghanapbuhay para sa kanilang mag-ina. Kahit kakarampot lamang ang kinikita niya ay malaking tulong nang pantawid sa pang araw-araw nilang gastusin.

“K-kumusta ang paglalako mo, anak?” tanong ng ina nang dumating siya sa bahay.

“Tumubo naman ako, inay. Tama lang ang kinita ko ngayong araw na ito para sa ating dalawa. Bukas ay panibago na namang araw sa paglalako,” sagot niya.

Naawa sa kanya ang ina.

“Kaunting tiis pa, anak. A-anong malay natin, baka bigla na lang magbalik sa ating piling ang iyong ama,” wika ni Aling Onya.

Nainis naman ang dalaga sa sinabi nito.

Advertisement

“Inay naman! Puwede bang huwag niyo nang ipaalala sa akin ang tungkol sa kanya? Kinasusuklaman ko siya dahil sa ginawa niya sa atin! Mula nang iwanan niya tayo’t nakisama sa ibang babae, itinuring ko na siyang pat*y, inay!” tugon niya.

“A-anak naman… kahit anong sabihin mo’y tatay mo pa rin siya,” sagot ng ina.

“Oo, pero nagpaka-tatay ba siya sa akin? Nagpaka-asawa ba siya sa inyo?” matapang niyang sagot.

Hindi na nakakibo ang ina at umiwas nang makipagtalo sa kanya. Malaki kasi ang galit niya sa ama dahil pinabayaan sila nito. Kaya nga nagkakaroon siya ng pag-aalinlangan kung iibig siya sa isang lalaki dahil may takot siya na baka matulad siya sa kanyang ina na iniwan ng asawa’t ipinagpalit sa iba. Kung may dapat mang sisihin sa paghihirap nila ay ang kanyang ama.

“Dapat sana’y nag-aaral din ako sa ganitong edad ko, pero ano ako ngayon? Ako ang bumabalikat sa responsibilidad na dapat ay ginagampanan ng magaling kong ama,” inis pa niyang sambit sa isip habang nakadungaw siya sa bintana.

Minsan, dahil sa kahirapan ng buhay ay gusto na niyang padala sa mga naglipanang tukso sa paligid ngunit nangingibabaw pa rin sa isipan niya ang takot sa Diyos.

“Sumama ka na lang kasi sa akin sa club, Eden. Doon, kaunting pabango lang at make up, kaunting paglalambing sa kustomer ay datung na!” yaya ng kaibigan niyang si Nora.

“Naku, h-hindi, Nora, ayoko! Kasalanan ‘yon sa Diyos!” tugon niya.

Advertisement

“Kung ganyan ang pananaw mo sa buhay, kukulo na lang ang tiyan ninyong mag-ina habang buhay,” sagot ng kaibigan niyang nagtatrabaho sa club.

Sa dami ng pinoproblema niya ay gusto niyang maglibang para maibsan man lang ang mga alalahanin niya. Sa kinikita niya ay nagtatabi siya ng pangload sa segunda mano niyang cell phone na nabili niya ng mura sa Quiapo. Gumagamit siya ng data para maka-access sa internet upang makapag-Facebook siya. Iyon ang tangi niyang libangan sa araw-araw.

Isang araw ay may nakita siyang post sa Facebook na nanghihikayat na magpost ang mga mambabasa ng kanilang totoong istorya ng buhay sa isang kilalang page roon at ang mapipiling istorya ay mananalo ng isang libong piso kaya nagkaroon siya ng ideya.

“Ano kaya at ipost ko rito ang istorya ng buhay ko. Sayang din ang isang libong piso, malaking tulong na iyon sa gastusin namin ni inay,” sabi niya sa sarili.

Isinulat nga niya ang kuwento ng buhay niya na pang-MMK at ipinost sa Facebook.

“Sana’y palaring mapili ang istorya ko,” wika pa niya sa sarili.

Makalipas ang isang linggo ay lumabas na ang resulta. Laking tuwa ni Eden nang masuwerteng napili ang istorya ng buhay niya sa kilalang Facebook page at siya ang nanalo ng gantimpalang isang libong piso. Tuwang-tuwa niyang ibinalita iyon sa kanyang ina.

“Inay, ako ang nanalo sa patimpalak sa Facebook! Kuwento ko ang napili!”

Advertisement

Masayang-masaya naman si Aling Onya sa pagkakapanalo niya.

“Talaga ba, anak? Naku, binabati kita! Talaga naman kasing pang-MMK ang istorya natin, eh,” sagot ng ina.

Sa pagkapanalo niya ay nagulat siya dahil ilang araw pa lang ang lumipas ay…

“P-para kanino ang sulat na ‘yan, inay at pumpon ng mga bulaklak?” tanong niya kay Aling Onya.

“Sa iyo ang mga ito, anak. May nagpadala niyan dito kanina. Galing daw sa isang mambabasa sa Facebook page kung saan mo ipinost ang istorya mo’t nanalo ka,” sabi ng ina.

Nang basahin niya ang nilalaman ng sulat ay mas lalo siyang nagulat dahil ipinadala pala iyon ng isang lalaking nagngangalang Peter. Masugid daw na mambabasa ang lalaki sa Facebook page na pinadalhan niya ng istorya at sobrang nagandahan daw ito sa istorya ng buhay niya at…

“Nakyutan din daw siya sa litrato kong ipinost sa Facebook page na iyon nang manalo ako. Kakakilig naman!” tuwang-tuwang sambit niya sa isip habang binabasa ang sulat.

Nang tingnan niya ang hitsura ng lalaki sa Facebook ay mas lalo siyang kinilig dahil ubod pala ito ng guwapo. Kung dati ay natatakot siya sa mga lalaki, ngayon ay hindi na dahil kung ganoon kaguwapo ay gusto niya itong makilala.

Advertisement

Nagsimula silang mag-usap at magkakilanlan sa chat. Nalaman niyang mabait pala ang lalaki at may magandang trabaho. Madali rin silang nagkagaanan ng loob dahil pareho ang kanilang mga interes sa buhay hanggang sa nahulog na sila nang tuluyan sa isa’t isa. Dumating ang sandaling magtatapat na ito ng pag-ibig sa kanya.

“Maniwala ka man o sa hindi, Eden, kahit ‘di pa kita nakakaharap ng personal ay nararamdaman kong umiibig na ako sa iyo. Isa sa mga araw na ito ay dadalaw ako riyan upang patunayan sa iyo na totoo at tapat ang nararamdaman ko,” wika ng lalaki sa chat.

“Pareho lang naman tayo ng nararamdaman, Peter, gustung-gusto na rin kitang makita,” sagot niya rito.

At dumating nga ang araw na pinakahihintay ng dalawa. Nagpunta nga ang lalaki sa bahay nina Eden.

“P-Peter! T-tuloy ka! P-pasensiya ka na rito sa bahay namin, ha?” wika niya nang makaharap ito.

“Ayos lang, Eden. Sa wakas at nagkita na rin tayo ng personal. Napakaganda mo ngang talaga!” tugon ng lalaki na masayang-masayang nakita siya.

Ipinakilala ni Eden si Peter sa kanyang ina at nang makilala pa niya ito ng lubusan ay biglang nagbalik ang takot niya’t pangamba. Nang makaalis ang lalaki ay kinausap niya ang ina tungkol dito.

“Mayaman pala sina Peter, inay. Alangan ako sa kanya. Natatakot akong baka gawin din niya sa akin ang ginawang panloloko at pang-iiwan sa inyo ni itay,” malungkot niyang sabi kay Aling Onyang.

Advertisement

“Hindi naman pare-pareho ang mga lalaki, anak. Bakit ‘di mo siya bigyan ng pagkakataon? Nakikita kong mabuti siyang lalaki at nararamdaman kong mahal ka nga niya kaya sundin mo ang iyong puso,” payo ng ina.

Tama ang kanyang ina dahil hindi nga niya kayang sikilin ang kanyang puso kaya tinugon niya ang alok na pag-ibig ni Peter. Sinagot na niya ang lalaki.

“Mahal din kita, Peter kaya tinatanggap ko ang iyong pag-ibig,” hayag niya sa lalaki nang muli itong dumalaw sa kanila.

“Talaga, Eden? Salamat! Ipinapangako kong hindi mo pagsisisihan ang pag-ibig ko,” tuwang-tuwang sagot ng lalaki.

Ipinakilala rin siya ng nobyo sa mga magulang nito. Laking tuwa niya dahil mababait din ang mga ito’t botong-boto rin na siya ang makatuluyan ni Peter. Nalaman niyang masugid ding mambabasa ng mga tunay na kuwento sa Facebook ang mga magulang ng lalaki. Nabasa ng mga ito ang istorya ng buhay niya at nagustuhan din iyon ng mag-asawa.

‘Di nagtagal ay ikinasal sila at nagsama na sa iisang bubong na kasama si Aling Onyang. Isinama nila ang ina ni Eden sa bahay dahil hindi nila makakayang iwan itong mag-isa. Sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa ay may labis na ipinagtataka si Peter kay Eden kaya isang gabi ay kinausap niya ito.

“Nga pala, babe, lote sa isang subdivision ang regalo sa atin nina papa, pero bakit dito sa lugar ninyo naisipang magpatayo tayo ng bahay?” tanong ni Peter sa asawa.

“Napamahal na kasi sa akin ang lugar na ito kung saan ako lumaki at nagka-isip, babe. Ang gusto ko’y lumagi pa rin sa aking isipin na rito ako nagmula. Isang simpleng tindera ng gulay lang ako na ‘di pa rin makapaniwala na inibig ng isang tulad mong edukado at may sinasabi sa lipunan. Gusto kong dito rin lumaki ang mga magiging anak natin at ipagmamalaki ko sa kanila na sa kabila ng hirap ay mayroon ding ginhawa dahil sa sinulat kong istorya ng aking buhay ay nabigyang katuparan ang aking pangarap na bumuo ng masayang pamilya. Sa ngayon ay napatawad ko na rin si itay sa ginawa niya sa amin ni inay. Masarap pala sa pakiramdam na wala na akong hinanakit na dala-dala,” tugon ni Eden sa mister. Isang malambing na yakap naman ang isinukli nito sa kanya na hindi nagsisising siya ang pinili nitong maging kabiyak.

Advertisement

Patuloy pa ring nagpapasalamat si Eden dahil sa simpleng pagbabahagi niya ng kanyang istorya sa Facebook ay nahanap niya ang lalaking kumumpleto sa kaniya at nagbigay ng magandang buhay.