Inday TrendingInday Trending
Masama ang Loob ng Dalaga sa Namayapang Ama Kaya Kahit Litrato Nito’y Ayaw Niyang Makita; Isang Mabait na Lalaki ang Magpapabago sa Isip Niya

Masama ang Loob ng Dalaga sa Namayapang Ama Kaya Kahit Litrato Nito’y Ayaw Niyang Makita; Isang Mabait na Lalaki ang Magpapabago sa Isip Niya

Naisipang bisitahin ni Lena ang inang si Aling Lisa sa bahay nila sa probinsya dahil nag-aalala na siya rito. May nakapagsabi kasi sa kanya na wala itong ginawa kundi ang umiyak mula nang pumanaw ang kanyang ama dalawang linggo na ang nakakaraan. Medyo nabawasan naman ang lungkot ng kanyang ina nang malamang dadalawin niya ito. Tinawagan niya muna ito at sinabing bibisita siya.

Ang totoo’y ayaw niya sanang pumunta roon dahil nagpapaalala lang ang lugar na iyon sa kanyang namayapang ama. Masama pa rin ang loob niya sa amang kahit kailan ay hindi naman niya nasilayan. Sanggol pa siya nang iwan sila nito para magtrabaho sa ibang bansa ngunit hindi na ito bumalik pa. Sa kasalukuyang edad niyang beinte singko anyos ay nalaman niyang binawian na ng buhay ang ama sa Saudi kung saan ito naroon dahil sa salang pagpat*y. Ibinalita iyon sa kanya ng ina na labis na ikinalungkot at dinamdam ang pagkawala nito. Hindi na rin nila nakitang buo ang katawan nito dahil nang ibalik sa Pilipinas ang labi ay abo na lang ng ama ang dumating sa kanila. Dahil sa galit at matinding tampo niya sa ama ay hindi rin niya nais makita ang mga litrato nito. Bakit pa? Hindi naman niya ito nagisnan bilang ama kaya hindi na niya kailangang makita ang hitsura nito.

Alas singko na siya nang hapon nakaalis sa inuupahang apartment kaya inabot na siya ng dilim. Maya-maya ay laking gulat niya nang lapitan siya ng kondoktor ng bus kung saan siya nakasakay.

“Miss, sorry pero hanggang dito na lang ang biyahe namin,” sabi ng kondoktor.

“Ha? Hindi ba kayo didiretso sa Sitio Sarangayan, manong?” tanong niya.

“Hindi na, eh. Gagarahe na kami, miss. Dito na ka na lang sa waiting shed, may mga dumaraang bus dito papunta roon. Medyo malayo pa kasi kung lalakarin mo. Wala namang dumaraang tricycle rito o jeep dahil gabi na,” paliwanag ng kondoktor. Walang nagawa si Lena kundi ang bumaba ng bus.

Nakaramdam pa siya ng kaunting kaba dahil napakadilim ng paligid at wala nang ibang tao. Naupo siya sa bakal na upuan sa waiting shed. Mabuti na lang at kahit paano’y nasisilayan iyon ng maliit na bumbilya na nagbibigay liwanag sa kinauupuan niya.

Maya-maya ay…

“Sa Sitio Sarangayan din ba ang punta mo, hija?”

Napapitlag ang dalaga nang marinig ang boses ng isang lalaki. Nang lingunin niya ay nakita niyang papalapit ito sa kanya. May edad na ang lalaki na sa tantiya niya’y lagpas singkwenta anyos na.

Napahakbang naman paatras si Lena. Pero nilakasan pa rin niya ang loob. Inihanda ang sarili sa kung anuman ang maaaring mangyari. Tila nabasa ng lalaki ang iniisip niya.

“Relax lang, hija. Huwag kang matakot, hindi ako masamang tao,” sabi ulit nito tapos ay ngumiti.

“P-pasensya na ho kayo, nagulat lang ako sa bigla niyong pagdating,” tugon niya.

“Sorry kung natakot kita. Sasakay rin ako ng bus at nakita kitang nakaupo rito kaya nagtanong na ako. Mabuti nga at may kasabay ako at hindi maiinip habang nag-aantay. Medyo mahirap na kasing sumakay pag inabot na ng gabi rito, eh,” wika pa ng lalaki.

Medyo napanatag ang loob ni Lena sa lalaki na ang pangalan pala ay Mang Erning. Nabawasan na rin ang takot niya dahil mabait naman pala ito at palakausap. Hindi na rin siya maiinip sa pag-aantay ng masasakyan nila. Nang biglang nagtanong ulit ang lalaki.

“Sino o ano bang sadya mo sa Sitio Sarangayan, hija?”

Napilitang sumagot ni Lena sa lalaki.

“D-dadalawin ko po ang aking ina na sobrang malungkot ngayon. Sumakabilang buhay kasi ang aking ama na matagal ding nagtrabaho sa Saudi,” tugon ng dalaga.

“Ganoon ba? Ako rin, eh, nagtrabaho rin ako sa bansang iyon. Iniwan ko ang aking mag-ina sa pag-aakalang maiaahon ko sila sa hirap, pero mali pala ang akala ko,” malungkot na sagot ni Mang Erning.

“Bakit niyo naman ho nasabi iyon?” tanong ni Lena sa kausap na biglang nagkaroon ng kuryosidad tungkol sa pinagtrabahuhan nitong bansa.

“Napagbintangan akong magnanakaw ng aking among Arabo at dahil doon ay ipinahuli niya ako sa awtoridad at ipinakulong. Hindi nila ako pinayagang makausap ang aking mag-ina rito sa Pilipinas sa halip ay puro pagpapahirap ang ginawa nila sa akin sa kulungan. Hindi rin nila ako pinapakain at trinato na masahol pa sa hayop. ‘Di lang yon ang sinapit ko roon dahil may mas malala pa,” kuwento pa ng lalaki.

Nakaramdam ng awa si Lena sa pinagdaanan ni Mang Erning. Sa isip niya’y pagnanakaw lang ang dahilan nang pagkakakulong nito at napagbintangan lang kaya nakalaya at nakabalik samantalang ang kanyang ama na sa Saudi rin nagtrabaho ay nakapat*y doon kaya hinatulan ng parusang kamat*yan. Mas kaaawa-awa si Mang Erning kaysa sa ama niya dahil wala itong kasalanan.

“Eh, ano pong mas malala pang nangyari sa inyo? At paano po kayo nakalaya at nakabalik dito sa atin?” magkasunod niyang tanong.

Ngunit hindi na iyon nasagot ni Mang Erning dahil may tumigil na bus sa harapan nila. Naudlot ang kanilang kuwentuhan ng lalaki. Niyaya na niya itong sumakay ngunit tumanggi ito.

“Ano pa ang hinihintay niyo, Mang Erning? Tara na!”

“Mauna ka na, hija. Bigla kong naalala na may importante pala akong nakalimutan sa bahay kaya babalikan ko muna. Sumakay ka na at magtungo na sa iyong pupuntahan. Nga pala, pakisabi sa iyong ina na huwag na siyang malungkot dahil mahal na mahal kayo ng iyong ama kahit hindi na ninyo siya makakasama. Siguradong mahal niya kayo lalung-lalo ka na, hija,” sambit ng lalaki.

Sa sinabi ng lalaki ay bigla siyang nakaramdam ng kakaiba na ‘di niya maipaliwanag.

Papakiusapan sana ni Lena si Mang Erning na huwag nang balikan ang naiwan nito’t sumabay na rin sa kanya ngunit sumigaw na ang driver ng bus.

“Ano ba? Sasakay ka ba, miss?” tanong nito na kakamut-kamot pa sa ulo at napapailing.

Wala na siyang nagawa kundi ang sumakay. Sinubukan niyang habulin ng tanaw ang nakilalang lalaki ngunit bigla na lang itong nawala.

Habang nasa biyahe ay hindi pa rin maalis sa isip niya si Mang Erning at ang pinagdaanan nito. ‘Di niya naiwasang malungkot sa mga ipinagtapat nito sa kanya. Sayang nga lang at hindi natapos ang kuwentuhan nila dahil dumating na ang bus.

Ilang minuto lang ay narating na niya ang Sitio Sarangayan. Pagbaba niya sa bus ay agad niyang tinungo ang bahay ng ina. Sa kanyang pagdating ay nadatnan nga niya itong umiiyak pa rin sa kuwarto nito.

“Inay, narito na ho ako! Hanggang ngayon ay umiiyak pa rin kayo? Tama na ‘yan, inay,” sabi niya sa ina.

Saka palang nito napansin ang presensiya niya.

“D-dumating ka na pala, anak. Salamat at dinalaw mo ako. Teka at ipaghahain muna kita, tiyak kong pagod ka sa biyahe,” anito na matamlay pa rin at walang gana.

“Huwag na inay, ako na ang bahala sa sarili ko. Ang mabuti pa’y mahiga na kayo at matulog. Itigil niyo na ang pagluha sa taong iniwan naman tayo at hindi na nagbalik. Ang masama pa’y gumawa pa ng kalokohan sa Saudi kaya binit*y,” wika niya sa ina.

Muling napaluha si Aling Lisa.

“Kahit ginawa iyon ng itay mo’y siya pa rin ang iyong ama. At hindi ako naniniwala na nakapasl*ng siya sa Saudi dahil hindi ganoong klaseng tao ang itay mo. Sinabi sa akin ng dati niyang kasama sa trabaho na pinagbintangan lang daw siyang nagnakaw ng amo niyang Arabo kaya siya ipinakulong pero nang litisin na raw ang iyong ama ay binaliktad ng hay*p niyang amo ang nangyari at sinabing pinasl*ng nito ang asawang Arabo para mas bumigat ang parusa sa kanya. Ang sabi sa akin ng dati niyang katrabaho’y nagseselos daw ang amo nilang lalaki sa itay mo dahil nahuhumaling ang asawa nito sa kanya kaya sinet-up ang ama mo’t nahatulan ng kamat*yan kahit wala namang kasalanan. Naniniwala ang kasamahan ng itay mo na ang mismong amo nila ang pumasl*ng sa asawa nito at ibinintang lang sa iyong ama ang kr*men. Hindi raw niya nagawang tumestigo at ng iba pa nilang kasama roon dahil tinakot daw silang sasapitin din nila ang sinapit ng itay mo. Kaawa-awa raw ang pinagdaanan doon ng iyong ama na pinahirapan daw at ginutom pa,” hagulgol ni Aling Lisa.

Sa ibinunyag na iyon ng ina ay bigla niyang naalala ang sinabi kanina ni Mang Erning, na ito’y napagbintangang magnanakaw ng amo kaya nakulong sa Saudi. Sinabi rin ng lalaki na nakaranas ito ng pagpapahirap, hindi pinapakain at may mas malala pa itong naranasan doon pero hindi na nito natapos ang pagkukuwento. Sa isip niya ay tila may pagkakahawig ang nangyari sa kanyang ama at kay Mang Erning. Bigla siyang nakaramdam ng panlalamig sa buo niyang katawan at matinding kaba sa dibdib.

“G-gusto ko hong m-makita ang litrato ni itay, inay. M-may naitabi po ba kayo?” tanong niya sa ina na hindi niya namalayang lumabas na lang sa kanyang bibig.

Pinahid ng ina ang luha sa mga mata at tumayo sa kinauupuan. May kinuha ito sa aparador na lumang photo album. Kumuha ito ng isang litrato at iniabot sa kanya. Mula pa noong bata pa siya’y hindi niya sinubukang tingnan ang hitsura ng ama sa mga litrato nito kaya ngayon lang niya masusulyapan ang hitsura nito. Para kasing may bumubulong sa utak niya na tingnan iyon. Nanlaki ang mga mata niya kasabay ng mabilis na pagtibok ng kanyang puso nang makita ang hitsura ng ama sa lumang litrato.

“Siya ang iyong ama na si Ernesto. Isang taong gulang ka palang noon nang umalis siya kaya hindi mo na siya nakita. Ayaw mo namang tingnan ang mga litrato niya dahil sa sama ng loob mo sa kanya,” wika ni Aling Lisa.

“M-Mang E-Erning?!”

Kahit mas bata ang hitsura ng lalaking nasa litrato ay hindi siya maaaring magkamali na ang kanyang ama at ang nakilalang lalaki sa waiting shed na si Mang Erning ay iisa. Saka lamang rumehistro sa utak niya na ang ‘Erning’ ay palayaw ng pangalang Ernesto. Kaya pala bago siya sumakay ng bus ay kakamut-kamot ang ulo ng driver at napapailing pa ito na tila may hinahagip ng paningin sa waiting shed kung saan niya pinipilit na sumakay na rin ang lalaki. Ang multo ng kanyang itay pala ang nakasama niya sa waiting shed. Dahil sa natuklasan ay napayakap siya nang mahigpit sa ina.

“N-nagpakita po siya sa akin kanina, inay! Nakasama ko kanina si itay bago ako nakarating dito. Ang sabi po niya’y huwag na kayong malungkot dahil mahal na mahal niya tayo kahit hindi na natin siya makakasama,” sabi niya sa ina habang ‘di na rin napigilang maiyak.

Nanlaki ang mga mata ni Aling Lisa sa sinabi niya.

“A-ano?! Paanong…”

“Marahil ay gusto niyang ipaalam sa atin na masaya na siya kung saan siya naroon ngayon, inay. Sana ay mapatawad ako ni itay kung nagalit ako’t matagal na nagtampo at nagdamdam sa kanya. Kahit ilang minuto ko lang siyang nakasama ay naramdaman ko ang pagiging ama ni itay,” iyak niya.

“Sa tingin ko’y matagal ka na niyang napatawad, anak, dahil kahit kailan ay hindi niya kayang magtanim ng sama ng loob kaninuman lalung-lalo na sa iyo dahil mahal na mahal ka niya,” sagot ni Aling Lisa na naniniwala sa ipinagtapat niya.

Inalayan ng mag-ina ng mga bulaklak ang altar kung saan nakalagak ang abo ng ama. Nagsindi rin sila ng kandila’t ipinagdasal ang kaluluwa nito. Ngayon ay panatag na sila na nasa mabuti na itong lagay at masaya na sa piling ng Maykapal. Kung dati ay halos isumpa niya at ayaw makita ang litrato ng ama, ngayon ay gusto na niyang araw-araw itong pinagmamasdan upang habang buhay na tumatak sa paningin niya’t isipan ang mukha ng mabait niyang ama. Napag-alaman din nila na binit*y na rin sa Saudi ang amo nitong totoong pum*slang sa asawa. Ipinagpasalamat na rin nila na kahit huli na ay nabigyan pa rin ng katarungan ang pagkawala ng kanyang ama. Ipinagpatuloy din nila ng kanyang ina ang buhay at sinubukang maging masayang muli sa kabila na dalawa na lamang silang magkaramay.

Advertisement