Inday TrendingInday Trending
Wala Nang Trabaho ang Ina at ‘Di Niya na Alam Kung Paano Susuportahan ang mga Anak; Isang Milagro Pala ang Naghihintay

Wala Nang Trabaho ang Ina at ‘Di Niya na Alam Kung Paano Susuportahan ang mga Anak; Isang Milagro Pala ang Naghihintay

Nagmamadaling sumilong sa waiting shed si Maribel nang maramdaman ang malakas na pagbuhos ng ulan. Sa malas ay nalaglag pa ang sobre na dala niya.

Napabuntong-hininga na lang siya sa kaniyang sitwasyon. ‘Di niya alam kung paano siya uuwi sa mga anak at sasabihin ang masamang balita. Nang hapong iyon kasi ay natanggal siya sa kaniyang trabaho matapos ‘di sinasadyang matuklasan ang lihim na relasyon ng kaniyang boss. Matagal na siyang nagtatrabaho bilang sekretarya nito ngunit kahit minsan ay hindi naging maganda ang turing nito. Babaero talaga ito at paminsan ay pati ang trabaho ay naaapektuhan ng personal na buhay nito. Ngunit siya, bilang ina ng dalawang anak, kahit minsan ay naiinis na rito ay tiniis na lang.

Kaninang umaga dumating ang asawa ng kaniyang boss, nakasabay niya pa ito sa elevator paakyat. Agad niyang nakita na bukas na ang opisina at nasa loob na si Mr. Rio kaya pinapunta na niya si Mrs. Rio. Ngunit pareho silang nagulat nang mapagbuksan nila itong may ginagawang kababalaghan. Agad naghisterikal si Mrs. Rio habang siya naman ay ‘di malaman ang gagawin. Nagpasya siyang lumabas at hintaying humupa ang gulo. Galit na galit lumabas si Mrs. Rio, kasunod nito ang kaniyang boss na agad siyang sinesante.

“Kasalanan mo ‘to! You’re fired!”

Kaya ngayon ay nandito siya at bitbit ang mahahalagang dokumento. ‘Di malaman ang gagawin. Malapit na kasi ang bayaran ng kaniyang mga bills. Ang panganay niya ay nasa kolehiyo at ang bunso ay nasa hayskul. Malapit na rin ang bayaran ng mga tuition fee ng mga ito kaya’t ‘di niya alam kung ano’ng gagawin. Tiyak na kapag nanghingi siya sa asawa na matagal na silang itinakwil ay makakarinig lang siya ng masasakit na mga salita mula rito. Pati mga anak niya ay malamang magagalit lang sa kaniya kapag humingi siya ng tulong sa ama ng mga ito. Dati kasi noong mga bata ito at nagkasakit siya, nang lumapit ito sa ama ay sinabihan lang sila ng masasamang salita. Simula noon ay ipinangako nila na hindi na kailanman hihingi ng tulong dito.

Bagsak ang balikat na hinintay ni Maribel na tumila ang ulan. Nagulat siya nang isang matanda ang muntik nang matumba sa tabi niya. Buti na lang at nahawakan niya ang braso nito at naalalayan niya. Nagulat siya nang makitang naglalakihan ang bato sa singsing nito. Suot din nito ay mamahaling relo at kwintas, pati hikaw.

“Naku ‘nay, nasaan ho ang kasama ninyo? Delikado na po ngayon lalo na’t may mga ganiyang mamahalin kayong suot-suot,” nag-aalalang tanong ni Maribel. Napansin niya na sila na lang ang tao doon. Hindi naman sumagot ang matanda, mukhang hinang-hinang ito. Hindi na nagdalawang-isip pa si Maribel na pumara ng taxi at dalhin ito sa ospital. Pagkapkap niya ng pitaka niya ay 100 na lang ang laman noon. Ngunit kahit ganoon ay pinili pa rin ni Maribel na ihatid ang matanda.

Pagdating doon ay saka lang niya nalaman na may dala pala itong cellphone. Agad niyang tinawagan ang nag-iisang pangalan na nasa phonebook nito.

“Naku salamat sa pagdadala sa kaniya sa ospital! Papunta na kami diyan!” natatarantang sabi ng babaeng nakausap niya sa telepono. Pagdating nito sa ospital ay nagulat siya nang makilala ito. Ang anak ng matandang nakita niya ay walang iba kundi si Mrs. Rio! Nagulat din ito nang makita siya. Labis itong nagpasalamat sa kagandahang loob niya. Ulyanin na raw kasi ang nanay nito at ‘di nila alam paano ito napunta doon. Humingi rin ang ginang ng tawad tungkol sa nangyari kaninang umaga.

“Nakakahiya at nakita mo pa iyon,” sabi nito.

“Wala po iyon. Sige, una na po ako,” sabi ni Maribel sabay talikod. Nagulat siya nang pigilan siya ng ginang at tinanong.

“Alam kong sinesante ka ng asawa ko dahil sa pangyayari kanina. ‘Di mo iyon kasalanan ngunit ang magaling na lalaking iyon ay mahilig talagang mangsisi ng iba. Hayaan mo at sinesante ko na rin siya sa buhay ko at pati sa kompanya ko. Gusto mo bang pumalit sa kaniya?” tanong ng ginang.

Gulat na gulat si Maribel sa narinig. Bakit kay dali nitong sinabi iyon? Nagbibiro lang ba ito? Ngunit hindi nga nagbibiro si Mrs. Rio. Kinabukasan din ay ipinadala sa bahay ni Maribel ang kontrata at nalula siya sa laki ng kaniyang sweldo.

‘Di siya makapaniwalang natanggal nga siya sa trabaho pero may ganoon palang plano ang Diyos para sa kaniya. Mas malaki at kamangha-mangha pa kaysa sa hinihingi o naiisip niya. Nang linggo ring iyon ay pumasok si Maribel, ‘di na bilang inaapak-apakang sekretarya ngunit bilang isa sa mga boss ng kanilang kompanya.

Ilang beses sinubukang manggulo doon ni Mr. Rio upang pagbintangan siya sa pag-agaw sa kompanya mula rito ngunit ‘di na lang niya iyon pinansin. Dahil likas na matalino at masipag ay agad niyang napalago ang kompanya. Nahanap niya rin kay Mrs. Rio ang isang matalik na kaibigan.

Grabe talaga ang tadhana, ‘di mo alam kung saan ka dadalhin. Minsan sa buhay, kapag may nagsarang isang pinto, may bubukas namang isa pa.

Advertisement