
Kinukuhanan ng Litrato ng Binatang Ito ang Anumang Makitang Tanawin, Aral ang Ibinigay Nito sa Kaniya
“Rene, ano pang hinihintay mo riyan? Halika na, aalis na tayo! Baka maipit pa tayo sa trapiko, dalian mo na!” pagmamadali ni Josie sa kaniyang anak, isang umaga habang inaayos niya ang mga dadalhing bag para sa mga bibilhin niyang mga paninda.
“Saglit lang po, mama! Hindi naka-charge pa ‘yong selpon ko! Kaunting minuto na lang po, mapupuno na ‘to, saglit lang po!” tugon ni Rene habang binabantayan ang selpong naka-charge sa kaniyang silid.
“Ano ba naman ‘yan? Bakit ba kailangang punuin mo pa ‘yan? Hayaan mo na ‘yan! Kapag tayo naipit sa trapiko, malalagot ka sa akin! Marami akong kailangang bilhin sa Divisoria!” inis na sigaw nito sa kaniya dahilan para siya’y mapalabas ng kaniyang silid.
“Kukuhanan ko kasi ng bidyo, mama, ‘yong pag-alis natin. Tiyak maraming magandang lugar tayong madadaanan! Marami na naman akong pupwedeng mailagay sa social media ko!” paliwanag niya rito na ikinailing nito.
“Diyos ko naman! Kapag ‘yan nahablot-hablot sa’yo roon, ha? Sermon pa ang aabutin mo sa akin!” pagbabanta nito na hindi niya inintindi at nagdabog pa.
“Hindi ‘yan, mama, akong bahala!” sigaw niya saka muling bumalik sa kaniyang silid upang tingnan ang minamahal na selpon kahit na galit na galit na ang kaniyang ina sa kakahintay.
Humaling na humaling sa pagkuha ng mga larawan at bidyo ang binatang si Rene gamit ang bago niyang selpon na padala pa ng kaniyang amang nagpapakahirap sa abroad.
Gustong-gusto niyang nakakatanggap siya ng mga magagandang papuri sa social media, lalo’t higit kung ang itsura niya at mga larawang nakuhanan niya ang nabibigyang pansin ng mga tao roon.
At dahil nga nais niyang palaging makalikom ng mga magagandang komento, kahit saan siya magpunta, lagi niyang dala ang selpon niyang ito. Makakita lamang siya nang kakaibang hugis ng puno, ulap, o kahit mga gusali, titigil at titigil siya sa paglalakad o kahit ano pang ginagawa niya makuhanan lamang ito ng litrato.
May pagkakataon pa ngang kahit na bigat na bigat na siya sa dala-dala niyang paninda ng kaniyang ina, binitawan niya ang lahat ng ito makuhanan lamang ng larawan ang takip-silim na sumasalubong sa kaniya.
Ang ugali niyang ito ang labis na kinababahala at kinaiinisan ng kaniyang ina. Madalas kasi, sa sobrang pagkaabala niya sa pagkuha ng larawan, napapabayaan na niya ang dapat niyang gawin o ang mga pinag-uutos nito.
Palaging bilin ng ina, “Delikado na ngayon sa lansangan, anak, baka mamaya, kakakuha mo ng larawan, mahablot naman ‘yang selpon mo!” ngunit lahat ng ito, kahit paulit-ulit man itong sinasabi ng kaniyang ina, hindi niya ito pinakikinggan.
Nang araw pang iyon, pinuno niya muna talaga ang baterya ng kaniyang selpon bago tuluyang umalis ng bahay. Nagbunga ito nang pagkaipit nila sa trapiko na labis na ikinainis ng kaniyang ina habang siya, aliw na aliw sa pagkuha ng larawan sa naggagandahang gusali roon.
Hindi pa siya nagpaawat sa pagkuha ng larawan nang tuluyan silang makarating sa Maynila. Kahit na ilang beses siyang pinagsabihan ng kaniyang ina na maraming kawatan doon at kailangan niyang mag-ingat, todo pindot pa rin siya sa kaniyang selpon sa tuwing may makikitang magandang bagay.
“Rene, tigilan mo na muna ‘yan! Baka mamaya, kakakuha mo ng litrato, mahablot naman sa’yo ‘yang pinamili ko! Mabuti ba kung selpon mo lang ang mahahablot!” sermon nito sa kaniya habang ito’y abala sa pamimili at siya’y todo gamit ng kaniyang selpon.
Bago pa man siya makapagdesisyong tigilan ang ginagawa at makinig sa ina, bigla na lang nawala sa kamay niya ang hawak niyang selpon at may isang binata ang tumabig sa kaniya.
“Ay! Diyos ko! Tulungan niyo kami! Magnanakaw! Kinuha no’n ang selpon ng anak ko!” sigaw ng kaniyang ina na ikinatigil ng mundo niya.
Hinabol man nila itong dalawa, wala silang napala dahil sa dami ng tao, hindi nila ito naabutan.
“Nakita mo na? Mabuti at selpon mo lang ang pinagkadiskitahan! Paano kung nasaks*k ka pa no’n? Diyos ko, anak! Hindi kita pinagbabawalan sa hilig mo, ang gusto ko lang maging responsable ka dahil kung gan’yan ang gagawin mo, mapapahamak ka talaga!” sermon nito sa kaniya habang siya’y nahagulgol sa labis na panghihinayang sa kaniyang selpon.
Naging aral sa kaniya ang pangyayaring iyon at simula noon, nilimitahan na niya ang paggamit ng bagong selpong bili na naman ng kaniyang ama. Sa ganoong paraan, nagawa na niyang pahalagahan ang selpong bigay sa kaniya, nagawa niya pang sulitin ang mga masasayang pangyayari at magagandang tanawing nakikita niya kasama ang kaniyang ina.