
Ayaw Papasukin ng Sekyu na Ito sa Casino ang Matandang Kustomer, Mukha Raw Kasi Itong Mahirap
“Naku, tatang, bawal po kayo rito. Marami po kaming VIP na kustomer na dadating ngayong gabi. Tiyak, hindi sila mapapalagay kapag nakihalubilo po kayo sa kanila. Bumalik na lang po kayo bukas para wala kayong maaabalang mayayamang tao,” salubong ni Gino sa isang matandang kustomer na nagbabalak na pumasok sa binabantayan niyang casino, isang gabi habang hinihintay niya ang mga VIP na kustomer na binilin sa kaniya ng kanilang amo.
“Anong ibig mong sabihin, hijo? Wala namang nakalagay dito na karatula na bawal pumasok ang mga matatandang katulad ko. Ang nakalagay lang, bawal ang mga menor de edad,” katwiran ng naturang matanda na agad niyang ikinainis.
“Diyos ko, ang hirap talagang kumausap ng matanda! Gusto niyo talagang diretsuhan, ha? Hindi ko muna pinapapasok ang mga taong mukhang mahirap dahil baka hindi makapaglaro nang maayos ang mga VIP naming kustomer! Malay ba namin kung kawatan kayo, ‘di ba? Pinoprotektahan lang namin, tatang, ang mga mayayamang manlalaro namin, kaya pasensya na kayo, hindi ko kayo papapasukin!” diretsahan niyang sambit dito dahilan para mapailing ito.
“Dahil ba nakapangbahay lang ako, mahirap na ako?” pangbabara nito sa kaniya na lalo niyang ikinainis.
“Pagtingin nga ng dala mong wallet, tatang, kung hindi ka mahirap?” paghahamon niya rito saka niya ito tinignan mula ulo hanggang paa.
Mahigpit ang sekyu na si Gino sa pagbabantay sa pinagtatrababuhan niyang casino sa Maynila. Bawat taong pumapasok doon, kaniya talagang kinikilatis upang mapanatili at masigurado ang kaligtasan ng mga manlalaro sa loob ng naturang casino. Binibigay niya talaga ang buong atensyon at lakas sa pagbabantay kahit pa ilang oras siyang nakatayo sa bukana ng establisyimentong iyon.
Ipinapakita niya rin sa mga manlalaro roon na siya’y may awtoridad sa pamamagitan ng kaniyang mga tingin at tindig habang nagbabantay sa labas. Katwiran niya, “Kapag alam ng mga nagbabalak na gumawa ng masama na may mahigpit na sekyuridad sa isang lugar, magdadalawang-isip ‘yan sila, kaya dapat takutin din sila,” na labis namang hinahangaan ng kaniyang mga katrabaho roon.
Kaya lang kasi, may pagkakataon din na sa sobra niyang paghihigpit sa pagbabantay, nahuhusgahan niya na rin ang mga kustomer na nais maglaro sa naturang casino.
Kahit pa ganoon, palagi niya pa ring giit, “Hindi ko kasalanan na mahusgahan ko sila. Alam nilang mahigpit ang sekyuridad dito, dapat nag-aayos sila ng itsura!”
Ang kasipagan at kahigpitan niyang ito ang naging dahilan kung bakit siya’y agad na pinagkatiwalaan ng kaniyang amo sa pagpoprotekta sa mga VIP nilang kustomer doon.
At dahil nga ayaw niyang mabigo o makagawa ng kapalpakan, dinoble niya ang seguridad nang araw na iyon habang hinihintay na dumating ang mga biniling tao sa kaniya ng kaniyang amo.
Napag-isip-isip niyang harangin ang mga mukhang mahihirap na manlalaro upang makalaro nang matiwasay ang mga manlalarong mayayaman na darating.
Kaya naman labis siyang nainis sa matandang nangangatwiran pa sa kaniyang pagpapauwi. Sa sobrang inis niya, naisip niyang usisain ang wallet nito upang mapatunayan niyang hindi nga ito mahirap.
“Saglit,” tangi nitong wika nang hagilapin niya ang wallet nito saka agad na inilabas ang matandang wallet mula sa bulsa nito, “Ayos na ba ito para mapapasok mo ako?” tanong nito na labis niyang ikinagulat.
“Ah, eh, saan galing ang pera mong ‘yan, tatang?” uutal-utal niyang tanong habang pinagmamasdan ang taba ng wallet na iyon.
“O, daddy, kanina pa po kayo riyan? Halika na, kanina pa kita hinihintay, eh, nawala na ang lamig ng inorder kong beer para sa’yo!” biglang sabat ng kaniyang amo na labis niyang ikinatigil.
“Pupwede na ba akong pumasok, hijo? Sayang naman ang lamig ng beer ko!” sambit nito dahilan para agad niya itong papasukin at humingi ng tawad sa kaniyang amo na nakarinig ng kanilang usapan.
“Ayos lang, mabuti at si daddy ang nahusgahan mo nang gan’yan dahil kung iyong mga tiyuhin ko na simple lang din ang manamit katulad niya ang natiyempuhan mo, tiyak, ipapatanggal ka nila sa akin. Maging aral ‘to sa’yo, ha? Kailangan mo pang pag-aralang mabuti ang trabaho mo,” sagot nito na labis niyang ikinapasalamat.
Humingi rin siya ng tawad sa naturang matanda pag-uwi nito. Ngumiti lang ito sa kaniya saka sinabing, “Hindi lahat ng simple manamit, mahirap, ha? Ang iba talaga, komportable sa ganitong kasuotan,” dahilan para labis siyang makonsensya.
Simula noon, mas lalo niyang pinag-igihan ang pagtatrabaho. Kung dati ay ang tangi niya lang intensyon ay ang maprotektahan ang mga mayayamang kustomer, ngayon, ginagawa niya ang lahat upang maprotektahan ang lahat ng kanilang manlalaro, mahirap man o mayaman, simple man o sosyal na labis na ikinatuwa ng kaniyang amo dahil mas lalong dumami ang mga nagtitiwala sa kanilang casino.