Tatlong Batang Mangangalakal ang Labis ang Paghihirap; Isang Maulang Gabi, Mababago ang Buhay Nila

Pilit na inignora ni Ryan ang kumakalam niyang sikmura. Maging ang malamig na hangin na nanunuot sa basa niyang damit. Umulan kasi kaninang hapon.

Napalingon siya nang marinig ang sigaw ng kasamahan niyang si Janjan.

“Kuya Ryan, tara na, malapit nang mag-alas nuwebe! Baka mapagalitan ka pa ni Tatay Ronaldo kung mahuhuli ka na naman ng uwi!” 

Si Ronaldo ang ama-amahan nila. Hindi nila ito kaano-ano, ngunit doon sila sa bahay nito naninirahan. Ito ang itinuturing nilang “tatay,” dahil ito ang nagpapakain sa kanila, kapalit ng mga kalakal na inuuwi nila araw-araw.

Problemado siyang napabuntong-hininga. Kung uuwi siya nang walang dala kagaya kagabi ay tiyak na sakit ng katawan na naman ang aabutin niya.

“Jan, mauna na kayo ni Manny. Maghahanap-hanap muna ako rito nang ilang minuto pa, baka naman may makita pa ako,” sagot niya sa kasama.

Lumapit ito sa kaniya at hinigit siya palayo sa tambak na basura.

“Nag-usap na kami ni Manny. Marami-rami kaming nakuha ngayon, kaya hahatian ka namin. Ganoon naman ang ginagawa natin, ‘di ba?” anito. 

Advertisement

Tipid na napangiti si Ryan. Nasa mata niya ang pasasalamat. Mabuti naman at makakauwi na siya. Kanina pa siya nanginginig sa lamig.

Ganoon ang buhay nilang tatlo araw-araw. Umaga pa lang ay aalis na sila upang magsimulang mangalakal. Pagsapit ng alas nuwebe ay dapat na nakauwi na sila upang ibigay sa kanilang ama-amahan ang mga nahanap nilang kalakal.

Nang makauwi sila ay ang madilim na mukha ng kanilang Tatay Ronaldo ang sumalubong. Masama ang tingin nito sa mga bitbit nilang sako na pawang kalahati lang ang laman.

“Siguro pumetiks na naman kayo, kaya wala na kayong nakuhang mapapakinabangan!” galit na sermon nito.

Nanatiling nakayuko ang tatlong bata. Lahat sila ay nanginginig sa lamig at dahil na rin sa takot sa malupit nilang ama-amahan.

“Sorry po, ‘Tay! Babawi po kami sa mga susunod na araw!” pangako ni Ryan. Hindi man nila alam ang kanilang mga edad ay siya na ang tumatayong kuya ng dalawang bata.

Galit itong nagdabog papunta sa kusina bago isa-isa silang hinagisan ng pagkain na nakabalot sa plastic.

“Salamat po!” magkakapanabay nilang bulalas nila.

Advertisement

Agad-agad namang kumain ang tatlo na pawang mga gutom na gutom, lalo pa’t iyon ang unang beses na kakain sila sa araw na iyon.

Iyon ang dahilan kaya gaano man kalupit ang kanilang ama-amahan ay hindi sila makaalis sa bahay nito. Ito lang kasi ang nag-iisang tao na pinatira sila. Mas mabuti na naroon sila kaysa naman palaboy-laboy sila sa labas.

Gayunpaman, sa puso ng tatlo ay may piping dalangin pa rin na sana ay ngitian sila ng tadhana at magkaroon sila ng tyansa na mamuhay ng walang takot. Sa lugar na itinuturing sila na parang tao.

Sinasaktan kasi sila ng kanilang tatay-tatayan sa t’wing hindi sila nakakapag-uwi ng kalakal. Kaya naman ganoon na lamang ang tindi ng pagsisikap nila sa araw-araw.

Natigil si Ryan sa pagmumuni nang marinig niya ang tinig ni Manny mula sa kaniyang likuran.

“Kuya, may pag-asa pa kayo tayong makaalis dito?” 

Halos madurog ang puso ni Ryan sa narinig mula rito ngunit pilit niya itong nginitian.

“Oo naman, Manny. Mabait na bata kayo ni Janjan, kaya naman nakakasiguro ako na mababago rin ang buhay natin.”

Advertisement

Saka lamang tumulo ang luha ni Ryan nang makita na mahimbing nang natutulog ang dalawa niyang kapatid-kapatiran.

Kinabukasan, bago pa man sumikat ang araw ay handa na ang tatlo.

“Umayos kayong tatlo, ha. Kapag hindi pa rin ako sa natuwa sa mga iuuwi niyo, paalisin ko na kayo sa bahay,” masungit na bilin ni Ronald.

“Opo!” tila maamong tupang tugon ng tatlo.

Subalit wala rin silang swerte nang araw na iyon. Puro lata at bote lang ang madalas nilang makuha sa mga basurahan, hindi tulad ng gusto ng kanilang Tatay na mga bakal, tanso, o yero.

Sumabay pa ang maulan na panahon. Lamig na lamig man at kumakalam ang sikmura ay wala silang magawa kundi ang ipagpatuloy ang pangangalakal.

“Kuya, hindi pa ba tayo uuwi? Si Manny lamig na lamig na,” nag-aalalang bulalas ni Janjan.

Nilingon niya ang pinakabata. Nangangatal na nga ito sa lamig. Natatakot siya na baka magkasakit ito.

Advertisement

Kaya nang makita niya ang isang malagong puno ay pinagbilinan niya si Janjan.

“Doon na muna kayo sa ilalim ng puno. Maghanap-hanap ka ng pwedeng ipangkumot kay Manny. Maghahanap lang ako sa pandagdag natin saka tayo uuwi. Ayoko na mapalo na naman tayo ni Tatay,” aniya.

Nang makarating siya sa tambakan ng basura ay agad siyang nagkalkal. Desperado na siyang makakuha ng kahit na anong sirang gamit na gawa sa bakal. Ngunit sa kamalas-malasan ay wala talaga siyang mahanap. Puro mga basurang hindi mapapakinabangan ang naroon.

Sa sobrang pag-aalala ay hindi na naiwasan ni Ryan na mapaiyak. Bakit parang sobra-sobra naman yata ang pagpapahirap sa kanila?

“Diyos ko, tulungan Niyo naman po kami… Hirap na hirap na po kami…” umiiyak na bulong niya sa kawalan habang patuloy pa rin sa paghahanap ng kalakal. 

Nang kumidlat at lumiwanag ang paligid ay isang bag ang napagtuunan niya ng pansin sa hindi kalayuan.

Hindi naman kasi iyon luma at mukhang magagamit pa. Nilapitan niya iyon, sa pag-asa na maaari niya iyong iuwi sa bahay.

Nang kunin niya ang bag ay nagulat siya dahil mabigat iyon, kaya naman dinala niya ang bag malapit sa isang poste ng ilaw upang mainspeksyon niya ang laman noon.

Advertisement

Nanlaki ang mata niya nang buksan ay bag. Naglalaman kasi iyon ng limpak-limpak na salapi! Nanginginig na kinalkal niya ang bag upang malaman kung sino ang nagmamay-ari ng pera, ngunit wala siyang ibang nakita roon kundi ang isang puting sobre. Sa loob noon ay mayroong isang maikling liham.

Nang basahin ni Ryan ang liham ay isang malakas na hagulhol ang lumabas sa bibig niya. Nakasaad kasi sa liham na kung sinuman ang makakuha ng maleta ang siya nang may-ari ng pera!

“Alam ko na kung sinuman ang makakuha nito ay labis ang pangangailangan. Ang hiling ko lang ay magamit ang pera na ito para sa mabuti.”

Napaluhod si Ryan sa labis na saya. Mukhang iyon na ang katuparan ng matagal niya nang ipinagdarasal!

Lakad-takbo siyang bumalik kay Manny at Janjan. Nang ikwento niya sa dalawa ang natagpuan ay masayang nagtatalon ang dalawa.

Hindi na sila bumalik sa bahay ng malupit na si Ronald. Iyon na ang naging wakas ng pagdurusa ng tatlo. Sama-sama silang nagsimula ulit gamit ang pera na nakuha nila sa tambakan ng basura.

Masayang-masaya ang tatlo, lalong-lalo na si Ryan. Napatunayan niya kasi na mayroon talagang isang makapangyarihan na nakikinig sa dasal ng ating mga puso.