Akala ng Ginoo ay Sulit na Sulit na ang Halaga ng Nabili Niyang Sasakyan; Ikinagulat Niya ang Misteryong Bumabalot Dito

Isang manggagantso si Lito. Ilang taon na siyang nagbebenta ng mga kotse na pinagaganda niya, bago niya ibinebenta sa mahal na halaga.

Iyon ang dahilan kaya naman magaan ang buhay ng pamilya niya ngayon.

Ang isang kotse na nabili niya ng singkwenta mil ay kaya niyang ibenta ng isandaang libong piso! Nabibili niya ang mga sasakyan nang mura dahil karamihan sa mga ito ay may depekto.

Kaunting ayos lang ng makina, pintura at pagpapakintab ay pinag-aagawan na mga sasakyan na binebenta niya sa “murang” halaga. 

Wala siyang lisensya or permiso sa pagbebenta ng mga naturang sasakyan, kaya naman patago ang mga transaksyon niya. Wala ring nakakaalam ng tunay niyang pagkatao, dahil kung saang-saang lugar siya nakikipagkita para magbenta ng sasakyan.

Kaya kung masira man ang sasakyan ay walang maaaring makapaghabol at makapagreklamo.

“Hindi pa ba panahon para itigil mo na ‘yang ginagawa mo, Lito? Marami na tayong pera. Masagana na ang pamumuhay ng pamilya natin. Pwede na tayong magtayo ng isang legal na negosyo,” isang araw ay wika ng kaniyang asawa.

Marahas siyang umiling.

Advertisement

“Hindi. Napakalaki ng kinikita ng negosyo ko. Sayang naman kung ihihinto natin, eh wala naman akong problema,” anito.

Kumunot ang noo ng babae.

“Ikaw, wala kang problema. Pero paano naman ‘yung mga pinagbebentahan mo? Hindi ka ba natatakot na mapahamak sila dahil may mga depekto ang binebenta mo?” hindi papatalong sagot ng asawa niya.

“Hindi ko na problema ‘yun,” naiiling na katwiran ni Lito bago iniwan ang asawa sa sala.

Isang araw, habang nasa harap ng computer si Lito ay isang pulang sasakyan ang umagaw sa atensyon niya. 

Kilala niya ang sasakyan na iyon, dahil matagal na iyong iniuungot sa kaniya ng panganay niyang anak. Gusto nito ang ganoong modelo ng sasakyan.

Napangiti si Lito dahil saktong-sakto, naghahanap siya ng maaaring ipanregalo sa anak, dahil malapit na itong tumuntong ng labing walong taong gulang.

Nang makita niya ang halaga ng sasakyan ay nanlaki ang mata niya. Napakamura kasi noon sa halagang tatlong daang libong piso, malayong-malayo sa aktwal nitong halaga na kulang-kulang isa’t kalahating milyon.

Advertisement

Agad niyang tinawagan ang numero ng nagbebenta upang mainspeksyon ang sasakyan. Alam niya kasi ang kalakaran. Kung mura ang sasakyan ay kahina-hinala iyon, kaya nais niyang masiguro na hindi siya malulugi.

“Naku, Sir, wala hong kaproble-problema ito. Kailangan lang ho ng pera ng may-ari, kaya ibinebenta nang mura. Bago-bago pa, wala hong gasgas, kaya hindi ho kayo malulugi,” wika ng lalaki habang hinahaplos ang sasakyan.

Ininspeksyon ni Lito nang maigi ang lahat—makina, ang loob at labas, maging ang mga gulong ng sasakyan para sa kung anumang kahina-hinala, ngunit wala siyang makita. Alam niya iyon bilang eksperto sa sasakyan kaya sa huli ay talagang kumbinsido siya na sulit na nga ang presyo noon!

“Sir, kung hindi po kayo naniniwala, marami namang pong iba na–”

“Hindi, hindi, Sir. Bibilhin ko na. Gustong-gusto ng anak ko ang sasakyan na ito, eh,” putol niya sa sasabihin nito.

Nang araw ring iyon ang naiuwi niya ang sasakyan. Ngiting-ngiti si Lito habang nagmamaneho pauwi. Sigurado siya na magugustuhan ng anak niyang si Erika ang kaniyang regalo.

Napapitlag siya nang may malamig na hangin na dumapo sa kaniyang batok. Isasara niya sana ang mga bintana nang mapagtanto na wala naman palang bintanang nakabukas.

Ipinagkibit balikat niya na lamang iyon bago muling itinutok ang kaniyang atensyon sa pagmamaneho.

Advertisement

Nang makauwi siya sa bahay, gaya ng inaasahan niya ay tuwang-tuwa ang anak niya sa kaniyang sorpresa.

“Papa, sa araw ng birthday ko, ‘wag na po tayong mag-party. Sasama na lang po ako sa mga barkada ko, at pupunta kami sa dagat. Road trip na rin po dahil may bago akong kotse,” maya maya ay sabi nito.

Nasa mata ng anak niya ang labis na pag-asa kaya naman walang nagawa ang mag-asawa kundi ang pumayag sa hiling ng anak. 

“Sige, basta mag-iingat kayo, ha. Ingat ka sa pagmamaneho,” bilin nilang mag-asawa.

Nang gabing iyon, tahimik na nanonood sa sala ang mag-asawa nang makarinig si Lito nang kung anong kaluskos mula sa garahe. 

Nang sumilip siya ay may naaninag siyang tila anino sa bagong kotse na binili. Lalapitan niya sana iyon ngunit nang ikurap niya ang mata ay agad din naman iyong nawala.

“Baka malikmata lang,” sa isip-isip ni Lito.

Dumating ang kaarawan ni Erika. Maaga pa lamang ay gising na ang dalaga upang maghanda.

Advertisement

“Tumawag ka kung may problema,” hindi matapos-tapos na bilin ng kaniyang asawa.

“Opo, Mama. ‘Wag na po kayong mag-alala, matanda na po ako,” natatawang tugon naman ni Erika.

Si Lito ay tahimik na nagmamasid sa mag-ina. May nararamdaman siyang pagkabalisa ngunit alam niya naman na maingat sa pagmamaneho ang anak niya, lalo pa’t siya mismo ang nagturo rito. 

“Alis na po ako!” sigaw nito bago sumakay sa sasakyan.

Minasdan pa ni Lito ang papalayong sasakyan ng anak. Ngunit nanlamig siya sa nakita—hindi nag-iisa si Erika sa sasakyan! Sa tabi nito ay may isang babaeng nakaupo. Mahaba ang buhok.

Inakala niya na namamalikta lang ulit siya ngunit nang lingunin niya ang asawa ay tulala rin itong nakatitig sa papalayong sasakyan. Bakas sa mukha ang pag-aalala nito nang bumaling sa kaniya.

“S-sino’ng kasama ni Erika sa l-loob ng sasakyan? M-mag-isa lang siyang sumakay, hindi b-ba?” utal-utal na tanong nito, may takot na mababakas sa mga mata. 

Mabilis pa sa alas kwatrong pumasok ang mag-asawa sa kanilang bahay upang tawagan ang anak at bigyan ito ng babala ngunit hindi ito sumasagot, kaya naman tinext na lamang nila ito. 

Advertisement

“Anong gagawin natin, Lito?” umiiyak na tanong ng kaniyang asawa. Wala sa loob pa na naikwento niya sa asawa ang mga kakatwang naranasan niya sa sasakyan kaya mas lalo lang itong nag-alala.

Napapitlag ang mag-asawa nang tumunog ang telepono.

“M-mama, P-papa!” ang umiiyak na tinig ni Erika ang bumungad.

“Muntik na po akong maaksidente! Mabuti na lang at nakaiwas ako sa truck kaya sa puno ako tumama! May nakakatakot na babae po sa kotse!” umiiyak na kwento ng kanilang anak.

Agad na sumugod ang mag-asawa sa ospital kung saan dinala ang kanilang anak. Wala itong tigil sa pag-iyak, tila na-trauma sa naranasan.

Laking pasasalamat ng mag-asawa dahil mga galos at pasa lamang ang tinamo ni Erika!

Galit na galit si Lito sa lalaking pinagbilhan ng sasakyan. Pakiramdam niya ay ito ang nakakaalam ng misteryo na bumabalot sa sasakyan.

Nang sugurin niya ang lalaki ay napaamin niya rin ito sa huli.

Advertisement

“I-ibinenta po nang mura dahil nagmumulto ang may-ari. Pinagsamantalah*n siya bago pinat*y. Sa kotse iniwan ang katawan niya,” kwento nito. Bakas sa mukha nito ang pagsisisi nang malaman ang nangyari sa anak niya.

Kilabot na kilabot si Lito sa nalaman. Hindi niya akalain na sa pamilya pa nila mangyayari ang nakakatakot na karanasan na iyon.

“Dahil hindi ka naging matapat sa akin, nilagay mo po sa alanganin ang buhay ng anak ko!” sermon niya sa lalaki.

“Sorry ho talaga, Sir. Hindi na ho mauulit!” yukong-yukong sabi naman nito.

Nang makauwi si Lito ay paulit-ulit na bumalik sa isip niya ang pag-uusap nila ng lalaki, Niloko siya nito para makabenta ng sasakyan, ngunit hindi ba’t ganoon din naman ang ginagawa niya? Niloloko niya rin ang kaniyang mga kliyente dahil mga depektibong sasakyan ang ibinebenta niya. 

Marahil ay paraan na rin iyon ng tadhana upang bigyan siya ng leksyon. Sa naisip ay agad na nakabuo ng desisyon si Lito.

Dahil sa nangyari sa anak niya, napagtanto niya na ang panganib na dala ng ilegal niyang negosyo. Itinigil ni Lito ang kaniyang negosyo at gaya ng matagal nang nais ng asawa niya ay nagtayo siya ng isang negosyo na imbes na magdala ng panganib ay magdadala ng ginhawa at tulong sa iba!