Tinawag na “Ambisyosa” ang Ginang na Pilit Pinagtapos sa Pag-aaral ang mga Anak; Tama Kaya ang Desisyon Niya?

“O sige, anak. Mag-iingat ka sa pagpasok mo. Tandaan mo ang mga tinuro namin sa’yo ng Papa mo. Kapag tatawid, tumingin muna sa kaliwa’t kanan para hindi maaksidente. Malaki ang Maynila, kaya’t maging mas maingat ka. Ingatan mo rin ang pera na dala mo,” hindi matapos-tapos na paalala ni Melinda sa kaniyang anak na si Maica bago ito umalis.

Ngayon kasi ang unang araw nito sa kolehiyo. Sa lungsod pa mag-aaral kaya naman hindi niya mapigilan ang mag-alala para dito.

“’Ma, ‘wag ka nang mag-alala. Kayang kaya ‘ko na po ito! Sigurado akong hindi ako maliligaw! Memoryado ko na ang ruta papunta doon!” natatawa nitong sagot, halatang-halatang sabik na sa pagpasok. 

Maya-maya ay narinig nila ang pag-iyak ni Boyet, ang bunso niyang anak. Nang lumapit siya sa bata ay nakita niya na ubos na pala ang gatas nito sa bote. Titimplahan niya sana ito nang makita na ubos na ang gatas sa lata.

Sa gilid ng mata niya ay nakita niya na dumukot si Maica ng pera mula sa bulsa nito.

“’Ma, bawasan natin itong ibinigay mong baon sa akin para may pera naman na maiwan sa inyo ni Boyet,” suhestiyon nito na agad niyang sinagot ng marahas na iling. 

Alam niyang hindi lang nito maatim na ang malaking porsyento ng panggastos nila ay sa pag-aaral nito napupunta.

“’Wag na, anak! Kami na ang bahala. Mangungutang na lang ulit ako kapag hindi na kasya ‘tong perang natira sa amin. ‘Wag mo na kami alalahanin at mag-aral ka na lang nang mabuti,” nakangiting sagot niya sa anak. 

Advertisement

Sasagot pa sana si Maica ngunit dumating na ang kaniyang asawa, sakay ng isang lumang motor na hiniram pa nito sa kapitbahay para ihatid si Maica sa terminal ng bus. Bukod kasi sa panatag silang mag-asawa ay mas tipid iyon sa pamasahe.

Nang makaalis ang asawa at ang panganay na anak ay tahimik siyang nagluto sa kalan nilang de-uling. Nang bandang alas singko na ay ginising niya na ang iba pang anak na papasok rin sa eskwela sa araw na iyon.

Ayaw niya rin naman magmukhang kawawa ang mga anak sa ekswelahan kaya pinabaunan niya rin ng pera ang mga ito kahit papaano.

Nang maiwan sila ni Boyet sa bahay ay tinungo nila ang tahanan ng kaibigan na si Nelda para manghiram ng pera.

“Para saan naman ito ngayon, Mareng Melinda?” taas-kilay na usisa nito. 

“Nagsimula na naman kasi ang eskwela, mare. Alam mo naman na apat sa mga anak ko ang nag-aaral, hindi ba?” 

Nakita niya ang pag-ismid ng kumare.

“Ngayon pala ang unang araw ni Maica sa kolehiyo, ano? Sa Maynila pa? Mare naman kasi, ang tagal ko nang sinasabi sa iyo na tama na ang hayskul. ‘Wag n’yo nang ipilit ang kolehiyo dahil napakagastos niyan. Kung hindi ka siguro nagpupumilit na magpaaral ng anak, baka pareho na tayo ng buhay ngayon. Maluwag at hindi nawawalan ng pera,” naiiling na komento nito. 

Advertisement

Hindi siya nagsalita. Alam niya kasi na kapag nakatapos na ng hayskul ang mga anak nito ay sapilitan nitong pinapahinto sa pag-aaral at pagtatrabaho para makatulong na agad sa pamilya. 

“’Wag ka sanang magalit, pero napaka-ambisyosa mo kasi. Dapat ay makuntento ka na lang sa kung anong meron ka ngayon. Paano na lang kung mag bulakbol ang anak mo? Mabuntis ng kung sino riyan? Sayang lang ang pagsasakripisyo n’yong mag-asawa ‘pag nagkataon. Kung ako sa inyo, pahintuin nyo na ang anak n’yo at pagtrabahuhin na lang,” litanya pa nito.

Hindi niya mapigilan na makaramdam ng inis dito.

“Kung kami lang na mag-asawa ang tatanungin, sanay na sanay na kami sa hirap at alam naming dahil iyon sa hindi kami nabigyan ng pagkakataon na magkaroon ng maayos na edukasyon. Kaya bakit naman namin ipagkakait iyon sa mga anak namin? Bilang magulang nila, responsibilidad namin na gawin ang lahat ng aming makakaya para maibigay ang magandang buhay na nararapat para sa kanila. Hindi nila responsibilidad na magtrabaho sa murang edad para makatulong sa pamilya,” mariin niyang pahayag.

Bago pa ito makasagot ay tumalikod na siya at hindi na pinansin pa ang pagtawag nito.

Habang kumakain sila ng hapunan ay ikinuwento niya iyon sa pamilya. Uminit ang puso niya sa naging pahayag ni Maica. Hindi niya maiwasang mapangiti nang malawak.

“’Wag po kayong mag-alala, ‘Ma. ‘Pa. Mag-aaral akong mabuti at magtatapos. Pagkatapos ay iaahon ko kayo sa hirap. Patutunayan kong mali sila,” determinado nitong pangako.

Ng mga sumunod na taon ay ganoon pa rin ang kanilang buhay. Napakahirap. Naghihikahos sila, ngunit kahit na minsan ay hindi nila inisip na pahintuin sa pag-aaral si Maica. Naging mas masipag pa nga ito dahil kung minsan ay pumapasok itong walang laman ang sikmura. Hindi rin ito nagreklamo sa kanila. Kaliwa’t kanan ang pangungutang nila sa mga kakilala para matustusan ang gastusin ng anak na nasa kolehiyo.

Advertisement

Paminsan-minsan ay naririnig niya pa rin ang mga pasaring ng mga kapitbahay ngunit iniignora niya na lamang ang mga ito.

Hanggang sa dumating ang araw na nasuklian ang paghihirap ng pamilya nila.

“’Ma! ‘Pa! Nakuha ko na po ang toga ko! Ga-graduate na po ako!” nagsisisigaw na pagbabalita ni Maica.

Hindi mapigilan ng mag-asawa ang sayang nararamdaman nang araw ng pagtatapos ng kanilang anak. Kahit papaano kasi ay alam nilang mababawasan na ang kanilang paghihirap.

Hindi naman sila nagkamali dahil agad itong nagtrabaho para mabayaran ang kanilang mga utang at maiangat sa hirap ang kanilang buhay kagaya ng pangako nito noon.

Naasahan din nila ito sa pagpapaaral ng mga nakababata nitong kapatid.

Ilang panahon pa ang matuling lumipas at masasabi ni Melinda na malayong-malayo na ang buhay nila ngayon sa buhay nila noon.

“Tao po! Tao po!”

Advertisement

Nagising si Melinda sa malalakas na katok sa kanilang pinto. Ang kumareng si Nelda ang bumungad sa kaniya.

“Mare, pwede bang manghiram ng pera sa’yo? May sakit kasi ang anak ko at natanggal sa trabaho ang panganay ko. Alam mo naman na ikaw lang ang nakakaluwag-luwag dito sa atin,” pakiusap nito.

Napabuntong-hininga siya ngunit pinapasok din ito sa loob ng kanilang bahay. Kitang-kita niya ang pagkamangha nito sa napakalaking pagbabago ng kanilang buhay.

“Ang galing, ano? Dati pangarap mo lang na makapagpatapos ng anak ngunit ngayon lahat sila ay tapos na sa pag-aaral at maganda na ang buhay niyo ngayon,” pahayag nito.

Hinawakan nito ang kaniyang kamay kasabay ng paghingi ng tawad sa mga nasabi nito noon.

“Ang totoo ay inggit na inggit ako sa inyo noon dahil ginagawa n’yo ang hindi ko nagawa para sa mga anak ko kahit na minsan,” pag-amin nito.

Tumango siya. “Tapos na ‘yun. Hindi naman ako nagkimkim ng galit sa’yo. Kung kailangan mo ng tulong, ‘wag kang mahihiyang lumapit sa akin anumang oras,” aniya.

Kita niya ang hiya sa mukha ng babae. Ngunit lamang ang inggit. Ilang beses pa nitong inikot ang mata sa kanilang magandang bahay bago ito nagpaalam.

Advertisement

Nang makaalis ito ay tiningnan niya ang mga litrato ng mga anak na nakasabit. Ang lahat sa mga anak niya ay nakasuot ng itim na toga at hawak ang kani-kanilang mga diploma.

Hindi maiwasan ni Melinda na maging emosyonal.

Hindi naging madali ang lahat para sa kanila. Napakahirap ng naging buhay ngunit sulit na sulit ang paghihirap dahil nakikita nilang masaya at maginhawa ang buhay ng mga anak. Bilang isang ina, wala na siyang mahihiling pa.

Inakala niya noon na wala silang maipapamana sa mga anak, ngunit dahil sa kanilang pagsusumikap at tamang paggabay ay nabigyan nila ng espesyal na regalo ang mga anak — ang edukasyon.