Binili ng Ginang ang Anak ng Kaniyang Kapitbahay; Bandang Huli’y Ito Pala ang Magdadala ng Suwerte sa Kaniya

Hindi pa pumuputok ang araw ay rinig na rinig na ni Letty ang sigaw ng kapitbahay na si Rosanna dahil walang tigil sa kakaiyak ang sanggol na anak nito. Maya-maya ay pinagsisigawan na ni Rosanna ang kinakasama nitong si Arthur. 

“E ‘di lumayas kang animal ka! Isama mo na ‘tong anak mo dahil wala akong ipapalamon dito! Parehas kayong bwisit sa buhay ko! Kung aalis ka ay isama mo na ‘to!” bulyaw ni Rosanna sa kinakasama. 

“Ikaw ang walang kwentang ina at asawa! Kahit sino ang kasamahin mo ay lalayasan ka dahil sa ugali mo! Bahala ka na sa buhay mo dahil aalis na talaga ako dito. Buhayin mong mag-isa ‘yang bata!” sagot naman ni Arthur. 

Patuloy ang palitan ng masasakit na salita ng dalawa. Maraming kapitbahay ang nagising upang tingnan ang pangyayari. Tuluyang lumayas si Arthur at si Rosanna naman ay naiwang nagsisigaw at hindi pinapansin ang umiiyak na anak.

“O anong tinitingin-tingin niyo, mga tsismosa! Mamaya, ako na naman ang paksa sa mga usapan niyo! Mga walang magawa sa buhay!” sigaw ni Rosanna sa mga kapitbahay sabay balibag ng pinto. 

Kahit na nagpasukan na sa kanilang bahay ang ilang kapitbahay ay hindi maiwasan ni Letty na mag-alala sa sanggol na patuloy sa pag-iyak. Nais niyang katukin ang bahay ni Rosanna ngunit ayaw naman niyang madamay sa gulo ng buhay nito. 

Araw-araw ay tila nasanay na si Letty na patuloy sa pag-iyak ang sanggol.

“Baka hindi pinapakain ni Rosanna ang anak niya kaya iyak nang iyak. O kaya baka mamaya ay basa ang lampin. Bakit kasi hindi niya muna bitbitin at patahanin?” saad ni Letty sa kaniyang ina habang sinisilip sa bintana ang kapitbahay. 

Advertisement

“Letty, sinasabi ko na sa iyo na layuan mo ang pakikialam diyan sa buhay ni Rosanna. Alam mo namang kilalang @dik ang kinasama niyan. Baka pati siya ay tumitira rin ng dr*ga dahil wala namang matinong ina ang gagawin ‘yan sa kaniyang anak!” saad ng ina ng dalaga. 

“Naaawa lang naman po kasi ako sa sanggol, ‘nay. Minamalat na nga kakaiyak. Kung hindi nila kasi kaya na mag-anak ay huwag na lang silang mag-anak. Kawawa ang bata!” pag-aalala pa ni Letty. 

Hatinggabi na at patuloy pa rin ang pag-iyak ng bata. Sumilip muli si Letty sa kaniyang bintana at tinitingnan niya kung may tao ba sa kabilang bahay. Ngunit tila ang sanggol lamang ang naroon. 

Dahil sa labis na pag-aalala ay lumabas ng bahay si Letty at nagtungo sa bahay ni Rosanna. Agad naman siyang nakita ng kaniyang ina. 

“Letty, pumasok ka nga rito! Bakit ka ba nariyan? Baka mamaya ay ikaw pa ang awayin niyang si Rosanna. Alam mo namang iskandalosa ‘yang babaeng ‘yan!” saad pa ng ginang. 

“Naaawa na po talaga ako sa sanggol, ‘nay. Baka mamaya ay kung ano na ang nangyayari sa kaniya. Wala po siyang kasama. Ako na po ang bahala at pumasok na kayo sa loob ng bahay,” wika naman ni Letty. 

Nakakandado ang bahay ni Rosanna ngunit pinilit pa rin ni Letty na makapasok. Pinilit niyang buksan ang isang bintana. At nang nagtagumpay siya ay nakita niya ang bata na tila nalaglag na sa sahig. Punumpuno ito ng dumi at tila gutom na gutom na rin. Agad itong binuhat ni Letty. 

“Tumahan ka na at narito na ako, baby. Iuuwi muna kita nang sa gayon ay malinisan kita. Ibibili rin kita ng gatas nang makakain ka na,” saad pa ni Letty. 

Advertisement

Awang-awa si Letty sa sinapit ng sanggol. Bukod sa bukol ay marami rin iyong kagat ng lamok. Kinabuksan pa umuwi ng bahay ang kaniyang inang si Rosanna. Hindi man lamang nito napansin na wala ang sanggol sa kaniyang bahay. 

Nang makita ni Letty si Rosanna ay agad niya itong kinompronta.

“Nasa akin muna ang anak mo, Rosanna. Hindi mo ba alam na may kaakibat na kaparusahan sa batas ang ginagawa mong talikdan ang anak mo? Bakit mo siya pababayaan na lang na mag-isa sa bahay? Hindi ka ba natatakot na baka hindi mo na siya uwian nang buhay?” sambit ng dalaga. 

“Mas mainam nga kung ganu’n, e ‘di mawawalan na ako ng sakit ng ulo. Kung masyado kang nag-aalala sa sanggol na ‘yan, e ‘di kunin mo! Kung gusto mo ay sa’yo na. Dahil sa totoo lang ay wala na akong pakialam sa kaniya kahit ano pa ang mangyari!” bulyaw naman ni Rosanna.

“Wala ka talagang kasing sama, Rosanna. Paano mo naaatim na gawin ito sa sarili mong anak? Kawawa naman siya! Wala siyang kamalay-malay!” sambit naman ni Letty.

“Sa’yo na nga kung gusto mo! Tigilan mo na ako ng drama. Kunin mo na ang lahat ng gamit niya kung gusto mo! Basta wala na akong responsibilidad sa kaniya!” dagdag pa ni Rosanna.

Umalis si Rosanna ng ilang araw at hindi na talaga nito binalikan pa ang kaniyang anak. Tutol man ang ina ni Letty sa pag-aampon niya sa bata ay wala na itong nagawa pa. Bukod kasi sa sobrang ganda ng bata ay napamahal na rin sila rito. 

Makalipas ang ilang buwan ay nagbalik ito upang humingi ng pera kapalit ng sanggol.

Advertisement

“Kukunin ko na lang ‘yang anak ko at ibebenta ko, nagkapera pa ako! Kung ayaw mo akong bigyan ng sampung libo ay babawiin ko na siya!” pananakot ni Rosanna.

Dahil anak na kung ituring ni Letty ang bata ay wala siyang nagawa kung hindi pagbigyan ang kahilingan ni Rosanna. Ngunit sinigurado ni Letty at ng kaniyang ina na ito na ang huling panghuhuthot sa kanila ni Rosanna. Ginawa na nilang legal ang pag-aampon sa bata. Pinapirma rin nila si Rosanna na wala na itong habol pa sa bata. 

“Bahala kayo sa kung ano ang gusto niyong gawin sa kaniya basta ako, malaya na sa responsibilidad. Sakit niyo na siya ng ulo ngayon!” wika pa ni Rosanna.

Lumipas ang panahon ay hindi na nakapag-asawa pa itong si Letty dahil itinuon na lang niya ang kaniyang panahon sa pagbibigay ng magandang buhay sa anak na si Sophia.

Isang araw, habang nasa parke ang mag-ina, ay may isang babaeng lumapit sa kanila. 

“Napakaganda naman ng batang iyan? Maaari ko ba siyang maimbitahan para mag-audition sa isang komersyal? Sa tingin ko kasi ay malaki ang kaniyang potensyal,” saad ng babae.

Dahil matagal nang pangarap ng batang si Sophia ang lumabas sa telebisyon ay binigyan nila ng pagkakataon ang paanyaya ng babae.

At hindi nagulat ang lahat na nakuha nga ni Sophia ang kontrata sa paggawa ng komersyal. Dito na nagsimula ang katanyagan ng bata.

Advertisement

Nang mabalitaan ni Rosanna na kumikita nang malaki ang kaniyang anak dahil kabi-kabila ang mga ginagawa nitong komersyal at pagmomodelo ay agad niya itong pinuntahan kay Letty upang kunin muli. 

“Ako pa rin ang ina ng bata! Sa akin siya nanggaling kaya ako ang may karapatan sa kaniya!” giit ni Rosanna kay Letty.

“Iniluwal mo lang siya sa mundong ito ngunit ako ang nagbigay sa kaniya ng kalinga at pag-aaruga na kailangan niya, Rosanna. Ngayong kumikita ang bata ay kukunin mo siya at bigla mong nais maging isang ina? Nasaan ka noong mga panahon na kailangan ka niya?” wika pa ni Letty.

Ang akala ni Rosanna ay kapag nagpakilala siya kay Sophia bilang tunay na ina ay tatanggapin siya nito. Ngunit nagulat na lamang siya sa sagot ng bata.

“Noon pa lang po ay inamin na sa akin ni Nanay Letty na hindi ako sa kaniya nanggaling. Ngunit walang isang segundo na hindi ko naramdaman na hindi ko siya kadugo dahil sa pagmamahal na inalay niya sa akin simula noon hanggang ngayon. Pasensya na po kayo, kahit na sinasabi niyo na kayo po ang aking ina ay hindi ko po kayo kilala. Isa lang po ang nanay ko at si Nanay Letty po iyon,” saad ni Sophia sa tunay na ina.

Isang malaking sampal para kay Rosanna ang mga sinabing ito ng kaniyang anak. Labis siyang nanghihinayang dahil gaganda sana ang kaniyang buhay kung nasa poder niya si Sophia. Nais mang lumaban ni Rosanna sa kustodiya para sa tunay na anak ay wala siyang laban. Mabuti na lamang at idinaan sa legal nila Letty at ng ina nito ang pag-aampon kay Sophia noon.

Tumanda si Letty na umikot ang buhay sa anak-anakang si Sophia. Bilang ganti naman sa lahat ng sakripisyo ng nag-ampon sa kaniya’y ibinigay ni Sophia ang magandang buhay na nararapat para sa kaniyang Nanay Letty.