Inalipusta ng Dalaga ang Binatang Anak ng Nagtitinda ng Lugaw; Sasampalin Siya ng Tadhana sa Muling Pagkukrus ng Kanilang Landas

“Sandra, kanina ko pa napapansin na panay ang sulyap sa iyo ni Lito. Sigurado akong tipo ka niyan! May hitsura rin naman si Lito at may ibubuga sa klase. Ano ang gagawin mo kung isang araw ay magtapat siya ng pag-ibig sa iyo?” kantiyaw ni Mabel sa kaibigan.

“Si Lito? ‘Yung anak ng maglulugaw sa labas? Tigilan mo nga ako, Mabel! Hindi ka ba kinikilabutan diyan sa sinasabi mo? Parang hindi kita tunay na kaibigan. Alam mo naman kung ano ang tipo kong lalaki. At hindi lang ang tulad ni Lito ang makakatuluyan ko!” nandidiring sambit naman ni Sandra.

“Ikaw naman, hindi ka na mabiro. Pero totoo naman ang sinasabi ko. Panay ang tingin niya sa’yo. At maniwala ka na isang araw ay lalapit na lang siya sa’yo at magtatapat ng pag-ibig,” muling wika ng kaibigan.

“Wala siyang mapapala sa akin dahil lalong wala akong mapapala sa isang tulad niya. Isipin mo na lang kung saan kami magde-date? Sa lugawan ng tatay niya? Nakakadiri ‘di ba? Kaya ni banggit ay huwag mo na siyang babanggitin sa akin, parang awa mo na, Mabel,” giit muli ng dalaga.

Sa katunayan ay nasa hayskul pa lamang ay malaki na ang paghanga ni Lito kay Sandra. Kaya nga nang malaman ni Lito na na isang pribadong unibersidad mag-aaral ang dalaga ay ginawa niya ang lahat para makapasok siya rito. Ginalingan niya sa pagsusulit nang sa gayon ay magkaroon siya ng iskolarsyip. Batid kasi ni Lito na hindi kakayanin ng kaniyang amang nagtitinda ng lugaw ang matrikula sa paaralang iyon.

Isang araw ay naglakas na nga ng loob si Lito na magtapat ng pag-ibig niya kay Sandra.

“Noon pa man ay mahal na kita, Sandra. Kahit na hindi ako mayaman, pangako ko naman sa iyo na gagawin ko ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay. Hinding-hindi kita lolokohin at ang lahat ng gusto mo ang masusunod. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon na patunayan sa iyo ang pag-ibig ko,” saad ni Lito sa dalaga. 

“Sige, kung totoo ‘yang sinasabi mo ay patunayan mo sa akin, Lito. Hahayaan kong manligaw ka sa akin,” sambit ni Sandra.

Advertisement

Labis ang kaligayahang naramdaman ni Lito nang mga panahong iyon. TIla nakalutang siya sa ulap nang mapapayag niya si Sandra na maligawan niya.

Hindi naman makapaniwala si Mabel sa itinugon ng kaniyang matalik na kaibigan. 

“Akala ko ba ay kinikilabutan ka kapag naririnig mo pa lang ang pangalan ni Lito? Ano ang nangyari sa iyo? Bakit mo siya pinayagan na manligaw sa iyo, Sandra?” pagtataka ni Mabel. 

“Dahil ginagamit ko ang utak ko, Mabel. Malapit na ang finals natin. Marami tayong mga asignatura at mga proyekto. Saka pahirap na nang pahirap ang pagsusulit. Kailangan ko si Lito para makapasa ako. Kapag nasiguro ko na ang pagpasa ko ay itataboy ko na rin ang anak ng maglulugaw na ‘yan. Ngayon ay hayaan muna nating damahin niya ang lubos na kaligayahan dahil bandang huli ay uuwi siyang luhaan,” nakangisi pang saad ni Sandra sa kaibigan. 

Napapailing na lang si Sandra sa sama ng ugali ng kaniyang kaibigan. Kahit na hindi naman talaga bagay si Lito at Sandra ay nakakaramdam pa rin ng awa si Mabel sa binata. Alam kasi siyang gagamitin lang ito ng kaniyang matalik na kaibigan.

Lumipas ang ilang linggo at si Lito na ang gumagawa ng mga asignatura at proyekto ni Sandra. Sa tingin kasi ng binata ay paraan ito para makasama niya kahit sandali ang sinisintang dalaga.

Ngunit nang matapos ang semestre at nang makapasa si Sandra ay hindi na niya magawang pansinin pa si Lito.

“Sandra, akala ko ba ay bibigyan mo ako ng pagkakataon? Bakit iniiwasan mo na ako ngayon?” tanong ni Lito sa dalaga.

Advertisement

“Akala ko ba ay matalino ka, Lito? Bakit hindi mo man lang naisip na ginagamit lang kita? Ngayong nakapasa na ako ay wala ka nang silbi sa akin. Sa totoo lang, simula una pa lang ay hindi na kita gusto. Nandidiri ako sa mga tulad mo! Hindi ka nababagay sa akin!” sambit ni Sandra. 

“Pero tunay ang ipinakita ko sa iyo, Sandra. Bakit ganito ang iginanti mo sa akin?” malungkot na sambit ni Lito. 

“Dahil napakadali mong lokohin. Kung ako sa’yo ay layuan mo na ako dahil wala kang pag-asa sa akin. Kahit ikaw na ang nag-iisang lalaki sa mundo ay hinding-hindi pa rin kita papatulan! Alam mo kung sino ang nababagay sa iyo? ‘Yang aanga-angang kaklase nating si Carmela. Bagay kayo dahil bukod sa pareho kayong hampaslupa ay ang tataas ng pangarap niyo na mag-aral sa unibersidad na ito! Mga walang pambayad!” natatawang saad pa Sandra.

Pahiyang-pahiya si Lito sa ginawang ito ni Sandra. Lahat ng ito ay dahil lamang sa anak siya ng isang maglulugaw. Ngunit imbes na ikalungkot ito ni Lito ay ginawa niya itong inspirasyon upang magtagumpay sa buhay.

Walang araw na hindi inalipusta ni Sandra ang kaawa-awang si Lito. Samantala, si Lito naman ay mas pinili na lang manahimik at umiwas sa gulo.

Isang araw ay bigla na lamang hindi pumasok si Sandra sa eskwelahan. Nabalitaan ni Lito na nalugi raw ang negosyo ng pamilya ni Sandra at hindi na kaya pa ng mga ito na pag-aralin sa mamahaling unibersidad ang dalaga.

Makalipas ang ilang taon, hindi akalain ni Sandra na makikita niya si Lito nang mag-apply siya sa isang mamahaling restawran. Nagsisilbi ito sa mga kustomer. 

“Akalain mo nga naman, kahit gaano ang katalino mo noon ay sa pagwe-waiter din pala ang bagsak mo! Narito ako ngayon para mag-apply bilang sekretarya ng may-ari. Mas magiging mataas pa ang posisyon ko sa’yo!” pagyayabang ni Sandra.

Advertisement

“Sa tingin ko ay hindi ang tipo mo ang tatanggapin sa posisyon na hinahanap ng may-ari ng restawran na ito, Sandra. Kaya huwag ka nang mag-abalang mag-apply pa,” saad naman ni Lito. 

“At sino ka para pagsabihan ako, Lito? Baka nakakalimutan mo na inilalampaso ko lang ang pangalan mo noong kolehiyo tayo. Walang binatbat ang talino mo ngayon dahil mababa pa rin ang posisyon mo! Bakit hindi ka na lang kasi sumama noon sa tatay mo na magtinda ng lugaw?” kantiyaw pa ng dalaga. 

Maya-maya ay dumating na ang manager ng restawran.

“Magandang araw, boss,” sambit ng manager kay Lito. Gulat na gulat si Sandra sa narinig nito.

“Nakilala n’yo na po pala ang nag-a-apply bilang sekretarya niyo. Nakahanda na po ang opisina para sa isang interbyu,” dagdag pa ng manager. 

“Hindi na kailangan. Ngayon pa lang ay nakapagdesisyon na ako. Hindi ang isang katulad niya ang hinahanap ko bilang isang sekretarya ko at ng asawa ko. Pasensya ka na, miss, pero makakaalis ka na,” sambit pa ni Lito. 

Hindi makapaniwala si Sandra na si Lito pala ang may-ari ng mamahaling restawran na iyon. 

“P-paano mo ito nagawa, Lito? Hindi ba, isang hamak na maglulugaw lang ang tatay mo?” pagtataka ni Sandra.

Advertisement

“Maglulugaw man ang tatay ko ay hindi ako napigilan nito para abutin ang aking mga pangarap. Nag-aral ako nang husto para ipakita na kahit mahirap lang kami ay may ibubuga rin ako. Nakapagtrabaho ako sa ibang bansa at nang makaipon ay nagtayo ako ng negosyo rito sa Pilipinas. At tama ka nga, Sandra. Bagay kami ni Carmela. Dahil siya ang napangasawa ko,” sambit pa ni Lito.

Napayuko na lang si Sandra dahil sa labis na pagkapahiya. Hindi niya kasi akalain na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang agwat ng kanilang buhay ni Lito. Ngunit sa pagkakataong ito ay si Lito naman ang nakakaangat sa buhay at si Sandra naman ang naghihirap.