Nawawalan na ng Pag-asa ang Dalaga na Makita pa ang Amang Matagal nang Nawawala; Sa Araw ng Kaniyang Kasal ay Matutupad ang Kaniyang Pangarap

Masaya man ang lahat sa dinaluhang kasalanan ay agad na napansin ni Drake ang lungkot sa mga mata ng kaniyang kasintahang si Megan. Naluluha ito habang pinanonood ang bride na kasayaw ang ama nito. 

“Naaalala mo ba ang tatay mo, love?” tanong ni Drake sa nobya. 

“Sa tingin mo, magkakaroon pa ako ng pagkakataon na magawa ang sayaw na ‘yan? Kasi sa totoo lang, love, nawawalan na rin ako ng pag-asa na makikita pa namin si tatay. Wala ngang nakakaalam kung hanggang ngayon ay buhay pa siya,” malungkot na tugon naman ni Megan. 

“Huwag kang mawalan ng pag-asa, love. Naririnig naman ng Diyos ang lahat ng panalangin natin. Hindi tayo titigil hanggang hindi natin siya nakikita,” wika pa ng binata.

“Drake, napakaimposible nang makita si tatay dahil bata pa lang kami nang iwan niya kami. Ni hindi nga niya kami nagawang tawagan man lang para kumustahin. Kaya madalas ay iniisip ko na lang talaga na sumakabilang buhay na siya nang sa gayon ay matapos na ang paghihirap namin. Pati si nanay ay nabuhay na sa kalungkutan. Lagi siyang umaasa na isang araw ay uuwi pa si tatay. Tanggap ko na, love, na sa kasal natin ay mag-isa lang akong lalakad patungong altar,” saad pa ni Megan.

Damang-dama ni Drake ang pighating ito ng kaniyang nobya. Kung kaya lang niyang baligtarin ang buong mundo para mahanap niya ang tatay ni Megan ay ginawa na niya. Ngunit isang pirasong larawan lamang ang mayroon siya at hindi niya alam kung saan magsisimula. Ilang taon na rin niyang pinahahanap ang ama ni Megan. Malaki-laki na rin ang kaniyang nagagastos ngunit wala pa ring magandang resulta. 

Nasa elementarya pa lang kasi si Megan nang umalis patungong probinsya ang kaniyang amang si Nestor para tulungan ang mga magulang nito. Ngunit maging ang mga kaanak ng ginoo ay hindi rin alam ang isasagot kung nasaan na ito dahil hindi rin ito umuwi ng probinsya. Marami ang nakapagsabi na malamang ay may bago na itong pamilya. At ito rin ang palagay ni Megan.

Ilang buwan na lamang mula ngayon ay nakatakda nang ikasal si Megan at Drake. Nais sana ni Megan na tulad ng ibang babae ay ihahatid din siya sa altar ng kaniyang ama ngunit malabo na itong mangyari.

Advertisement

“Gusto mo ba ay iurong muna natin ang kasal hanggang sa makita natin ang tatay mo, love? Gusto ko kasi sa araw ng kasal natin ay ikaw ang pinakamaligayang babae,” tanong ni Drake sa mapapangasawa.

“Ilang beses na rin nating inurong ang kasal para lang sa pangarap ko na ‘to, love. Sa tingin ko ay kailangan ko na lang tanggapin na hindi na talaga ito mangyayari pa. Maraming salamat dahil hanggang ngayon ay inuunawa mo pa rin ako. Pero alam mo sa totoo lang, magkahalong galit at lungkot ang nararamdaman ko. Hindi ko kasi alam bakit ganu’n na lang tinalikuran ng tatay ko kaming pamilya niya. Hindi ba kami karapat-dapat para sa pagmamahal niya?” saad pa ni Megan. 

“Tanging Diyos lang ang nakakaalam sa ngayon, love. Kung ano man ang dahilan ng tatay mo sa hindi niya pagpapakita ay huwag mo namang isipin na dahil hindi kayo karapat-dapat para sa pagmamahal niya. Kahit wala naman ang tatay mo ay naitaguyod ka pa rin kayo ng nanay mo at iyon ang ipagpasalamat mo,” dagdag pa ni Drake.

Ngunit alam ng binata na kahit ano pa ang sabihin niya ay hindi nito maiibsan ang pangungulila ni Megan sa kaniyang ama. Kaya nagdesisyon siyang muling ipahanap ang tatay nito. 

“Hindi ka pa napapagod, Drake, sa paghahanap ng tatay ni Megan? Aba’y magkano na ba ang nagagastos mo riyan? Kung gusto talagang magpakita ng taong iyan ay noon pa!” saad ng ina ng binata.

“Gusto ko lang po kasing tuldukan ang lahat ng iniisip ni Megan. Ayaw ko namang sa araw ng kasal namin ay imbes na maging masaya siya ay maisip niyang wala ang tatay niya sa tabi niya. Matagal na niyang pangarap ang maihatid siya ng tatay niya sa altar kaya gagawin ko ang lahat para makita ang kinaroroonan nito,” paliwanag naman ni Drake. 

“Tulad ka na rin ni Megan. Nahihibang ka na rin! Kumakapit pa kayo sa pag-asang iyan. Ang tagal-tagal nang hinahanap pero wala pa rin hanggang ngayon. Maliban na lang kung nasiraan na ng bait ‘yang tatay niya at hindi na talaga sila matandaan!” saad pa ng ina. 

Dahil sa sinabing ito ng kaniyang ina ay nagkaroon siya ng ideya. Nagpatuloy ang paghahanap ni Drake kay Mang Nestor upang matupad niya ang pangarap ng nobya. Ngunit tila hindi sapat ang dalawang buwan para makita ni Drake ang nawawalang ama nito. Nawawalan na rin siya ng pag-asa nang isang madaling araw ay isang tawag ang gumising sa kaniya. 

Advertisement

Dalawang araw na lang bago ang kasal ng magkasintahan. Pinaplantsa na lamang nila Drake at Megan ang lahat ng plano para sa araw ng kanilang pag-iisang dibdib.

“Love, kahit na wala ang tatay mo sa araw ng kasal natin, sana ay maging maligaya ka pa rin. Ito na kasi ang magiging simula ng buhay natin na magkasama. Tandaan mo na wala akong hangad kung hindi ang kaligayahan mo,” saad ni Drake sa nobya.

“Alam mo, tama ka, wala man ang tatay ko ay marami pa namang nagmamahal sa amin ng nanay ko. Tulad mo, hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ito na maging maligaya,” wika naman ni Megan.

Dumating na ang araw ng kasal ng dalawa. Lahat ay hindi na makapaghintay na makita kung gaano kaganda si Megan sa kaniyang trahe de boda. Habang nasa hotel ay kinukuhaan ng bidyo ang magkasintahan na nagbibigayan ng tradisyunal na regalo sa isa’t isa.

Nakatanggap si Drake ng isang mamahaling relo mula kay Megan kalakip ang isang liham ng pag-ibig. Habang si Megan naman ay nagtataka sa ipinadalang regalo ng binata. 

“Isang tsaleko? Ano naman ang gagawin ko sa amerikana na ‘yan? Baka naman nagbibiro siya?” natatawang sambit ng dalaga.

“Hindi, wala raw iyang halong biro. Iyan daw ang regalo niya sa iyo,” sambit ng isang kaanak.

“Siguro ay hindi siya nakapaghanda kaya ito na lang ang ipinaabot niya sa akin. Simbolo ba ito na ang regalo niya sa akin ay siya?” natatawang tanong muli ni Megan.

Advertisement

Isang liham ang iniabot ng kaanak kay Megan.

“Ihatid mo ang tsalekong ito sa kabilang silid. Naroon ang regalo ko sa’yo. Sana ay ikaw na ang maging pinakamasayang babae sa araw na ito,” mensahe ni Drake.

Kahit takang-taka si Megan ay sinunod na lamang niya ang mapapangasawa. Pagbukas pa lang ng pinto ng silid ay naaninagan na ni Megan ang isang lalaking nakatindig sa kaniyang harapan. Bigla na lamang tumulo ang kaniyang mga luha nang makita niya kung sino ito – walang iba kung hindi ang kaniyang amang si Nestor.

“Kay tagal ka naming hinintay, ‘tay! Saan po ba kayo nanggaling?” halos mapaluhod si Megan nang yakapin ng ama.

“Mamaya ko na ipapaliwanag ang lahat, anak. Unahin muna natin ang kasal mo dahil mamaya lang ay maghihintay na sa iyo ang mapapangasawa mo. Hindi na rin ako makapaghintay na ihatid ka sa altar,” wika ni Nestor.

Walang patid ang luha ni Megan habang naglalakad na nasa tabi niya ang kaniyang amang si Nestor. Maging ang mga tao sa simbahan ay hindi na rin mapigilan ang kanilang mga luha.

Nang matapos ang seremonya ng kasal ay doon na inilahad ni Drake ang mga nangyari.

“Hinanap ko sa mga institusyon ng may sakit sa pag-iisip ang iyong ama. Doon ay nagkaroon ako ng lead. Nagpalaboy-laboy pala ang iyong ama sa loob ng maraming taon. Ang akala ng marami ay nasisiraan na ito ng bait, kaya dinala siya sa mental hospital. Doon nasuri na maaaring naaksidente raw ang iyong ama at nawala ang lahat ng kaniyang alaala. Pilit namin siyang hinanap hanggang sa isang madaling araw ay natunton na siya ng mga tauhan ko. At ngayon ay narito na siya sa iyong harapan,” paliwanag ni Drake.

Advertisement

Pinutol ng isang mahigpit na yakap ang maraming taong pagkakawalay ni Nestor sa kaniyang pamilya. Unti-unti mang bumabalik ang alaala nito ay hindi pa rin niya nagawang bumalik sa kaniyang mag-ina dahil hindi niya matandaan ang tinitirhan ng mga ito. Natagpuan ni Drake si Mang Nestor sa Mindanao kung saan naninirahan ito nang mag-isa sa paanan ng bundok.

Lubos ang pasasalamat ni Megan sa kaniyang asawang si Drake.

“Lalo mo akong binigyan ng dahilan para mahalin ka. Maraming salamat sa’yo, love,” umiiyak na sambit ni Megan.

Sa wakas ay nakasayaw ni Megan ang ama sa araw ng kaniyang kasal. Halos ayaw nang bitawan ng dalaga ang ama dahil baka nananaginip lamang daw siya.

Walang nag-akala na darating ang araw at matutupad ni Megan ang kaniyang pangarap. Makalipas ang maraming taon ay muling nabuo ang pamilya ng dalaga. Wala nang sasaya pa sa nararamdaman ni Megan dahil nakasama niya ang kaniyang ina at ang dalawang lalaking importante sa kaniyang buhay – si Drake at ang kaniyang ama.