Lupa sa Paso ang Ibinayad ng Binata sa Bulag na Masahista; Imbes na Magalit ay Nagpasalamat Pa ang Bulag sa Lalaki

Naaksidente si Jose sa pinagtratrabahuhang pabrika sa Saudi at ito ang naging dahilan ng pagkawala ng kaniyang paningin. Gayunpaman ay hindi siya sumuko sa laban ng buhay. Isang taon matapos magpagaling sa Pilipinas ay nagtrabaho siya bilang masahista upang matustusan pa rin ang pangangailangan ng dalawang anak sa tulong ng kaniyang butihing asawang si Mila.

Ayon sa doktor ay maaaring makakita pang muli si Jose kung sasailalim ito sa isang eye transplant ngunit matagal na panahon pa ang aabutin bago ito mangyari sapagkat napakahaba pa ng pila ng mga nangangailangan ng donor ng mata.

Hindi naman pinanghihinaan ng loob si Jose kahit pa limang taon na siyang nagtitiyaga sa maliit na sahod. Hirap na hirap pa rin siyang kumilos at nahihiya na rin siya sa asawang dumodoble-kayod upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan.

Noong araw na iyon ay napakatumal ng dating ng mga kustomer at ni isa’y wala pang namamasahe si Jose. Hindi niya mapigilang maawa sa sarili sa sinapit. Nagbalik-tanaw siya sa mga araw na nakakakita pa siya at nagagawa ang lahat ng kaniyang nais.

Naputol ang pagbabalik-tanaw niya nang may isang lalaking humawak sa kaniyang balikat.

“P’re, Jose ang pangalan mo hindi ba?”

“Ah, eh. Oho.”

“Pasensiya na, nagulat ba kita? Mukhang malalim ang iniiisip mo,” sambit ng lalaki.

Advertisement

“Hindi naman, sir. Medyo dinadatnan lamang ng lungkot paminsan-minsan,” aniya.

Matapos magpamasahe ng isang oras ang lalaki ay inaasahan ni Jose na kahit papaano ay may kita siya ng araw na iyon ngunit nagkakamali siya.

“Oh ito, pare. Pasensiya ka na sa ibabayad ko sa iyo,” sabay abot ng isang malaking paso kay Jose.

Takang-taka si Jose nang mahawakan ang paso. Paghipo niya sa loob ay may laman iyong lupa.

“Halaman ba ito, sir? Wala naman pong problema kung wala kayong pambayad. Tatanggapin ko kung anuman itong ibinayad ninyo sa akin. May pamasahe ba kayo pauwi? Pwede ninyo akong kausapin, sir, kung may hinaharap din kayong mga pagsubok sa buhay gaya ko,” sinserong saad niya.

Tila umalis na ang lalaki at wala nang kausap si Jose.

Ang hindi niya alam ay inoobserbahan lamang siya nito.

Lumipas ang ilang araw at malaking palaisipan pa rin kay Jose kung bakit paso ang ibinayad sa kaniya ng lalaking minasahe.

Advertisement

Kahit nagtataka ay araw-araw niya iyong dinidiligan at binibilad sa araw. Hanggang sa may tumubo nang mumunting talbos na halaman mula sa paso.

Napansin naman ng asawa niya na tila hindi na halos bitawan ng mister ang pasong iyon. Agad itong kinuha ni Mila at sinipat.

“Huwag kang susuko sa hamon ng buhay. Hangga’t may buhay, may pag-asa. Darating ang araw na masisilayan mo ulit ang mga bulaklak at mga halaman,” nakaukit ang mga salitang iyon sa ilalim ng paso.

Lalo namang nagtaka ang mag-asawa sa nakasulat sa ilalim ng pasong iyon.

Maya-maya pa’y nag-ring ang telepono ni Mila.

“Ma’am, may donor na po si Sir Jose ng mga mata. Ito po si Mr. Rodrigo de Asis. May malalang karamdaman po siya at pumanaw siya kaninang alas singko ng umaga. Nagkakilala raw po sila sa masahihan. Pero yong kapatid niyang lalaki ay matagal nang kakilala ng asawa ninyo. Si Miguel de Asis. Ang kuwento nila ay pinahiram daw po ng malaking halaga ng asawa ninyo si Miguel dahil muntik nang mawala sa kaniya ang asawa’t anak niya nang malagay sila sa panganib mula sa komplikasyon sa panganganak. Malaki raw po pala ang utang na loob nila sa asawa ninyo.”

Napatakip ng bibig si Mila sa narinig at kusa na lamang tumulo ang kaniyang mga luha.

Agad niyang niyakap ang asawa.

Advertisement

Matapos ang ilang tests ay agad sumailalim sa operasyon si Jose. Wala na silang binayaran pa sapagkat sinagot ni Miguel ang lahat ng gastusin sa ospital. Bukod doon ay binigyan pa sila nito ng malaking halaga panimula ng negosyo.

Dahil dito’y nakapagbukas ng maliit na bigasan ang mag-asawa.

Sinuwerte pala si Miguel sa bago nitong amo sa Saudi at binigyan ito ng malaking bonus.

Araw-araw ay dinidiligan at pinaaarawan ni Jose ang pasong ngayon ay namumulaklak na ng madilaw na madilaw na sunflower.

Mahirap man itong patubuin, kung pagtyatyagaan at aalagaan ito nang husto’y tiyak na mamumulaklak ito.

Gaya ng mga pagsubok sa ating buhay, kung hindi natin ito haharapin ay hindi tayo magtatagumpay.