Inday TrendingInday Trending
Malalim ang Poot ng Biyudong Ama sa Binabaeng Anak; Matanggap Niya na Kaya Ito Nang Mahulog ang Kaniyang Loob sa Kapwa Niya Lalaki?

Malalim ang Poot ng Biyudong Ama sa Binabaeng Anak; Matanggap Niya na Kaya Ito Nang Mahulog ang Kaniyang Loob sa Kapwa Niya Lalaki?

“Rommel! Hindi ko na kayang umiri! Ipabiyak mo na ang tiyan ko, itakbo mo na ako sa ospital!” wika ni Mina habang namimilipit sa sakit ng tiyan sa loob ng isang maliit na klinikang paanakan.

“Maam, matagal pa ba ang ambulansya?!” pawisan at lumuluha na si Rommel.

At dahil malayo pa ang pinanggalingan ng ambulansiya’y huli na nang dumating ito. Wala nang tibok ang puso ni Mina. Maya-maya’y nagulat ang dalawang mayordoma nang biglang lumabas sa sinapupunan nito ang isang lalaking sanggol. Muntik pa itong malaglag sa kama, mabuti na lamang at nasapo ito ng amang si Rommel.

“Isa itong himala!” wika ng kumadrona.

Doon nagsimula ang malalim na sama ng loob ni Rommel sa anak na si Miko. Kaya’t lumaki ang bata sa piling ng kaniyang lola na nakagisnan na niyang ina. Malimit lamang kung dalawin ni Rommel ang anak sapagkat tuwing nakikita niya ito’y naaalala niya ang masaklap na sinapit ng asawang si Mina mailuwal lamang ang batang si Miko.

Ang lola ni Miko na si Aling Tere, bagamat matanda na’y mapostura pa rin. Mahilig ito sa mga magagarang damit, sapatos, bag, at alahas. Negosyo rin niya ang manahi ng mga uniporme, bestida at mga traje de boda. Bata pa lamang ang anak na si Mina ay tinuturuan niya na itong manahi. Palagi niya rin kinukuwento sa apo kung gaano sila kasaya nang nabubuhay pa si Mina at ang kaniyang ama.

At dahil sa pananabik ni Miko sa aruga ng isang ina, natutunan niyang gawin ang mga bagay na ikinalilibang nito gaya ng pananahi, pagdidisenyo ng bahay, at pagluluto.

Habang lumalaki ay napapansin ni Aling Tere at Rommel na malambot ang mga kilos ni Miko at ilang beses na rin nila itong nahuling naglalagay ng make up at minsan naman ay may kausap na lalaki sa cellphone.

Sa galit ni Rommel ay nasapak at nadibdiban niya ang anak. Mula noon ay lalong nagkalayo ang loob ng mag-ama sa isa’t-isa.

Pinag-aral ni Aling Tere ang apo gamit ang sarili nitong ipon. Nang makatapos ng pag-aaral si Miko ay agad itong nagkaroon ng trabaho bilang isang fashion designer sa isang prestihiyosong kumpanya na gumagawa ng mga traje de boda para sa mga sikat na personalidad. Sa hinaba-haba ng pagtitiis ng matanda’y nagbunga ang lahat ng kaniyang paghihirap.

Nagkaroon din ng karelasyong binabae si Miko.

“Hon, hindi mo ba ako ipapakilala sa tatay mo? Tuwing birthday mo, palagi na lamang siyang hindi dumadalo. Tumatanda na si Lola Tere. Mas maiging makita niyang maayos na kayo ng tatay mo,” paglalambing ni Diego sa kasintahang si Miko.

“Hindi ako mahal ng tatay ko dahil ako raw ang dahilan ng pagkawala ng nanay ko. Isa pa, galit siya sa mga kagaya nating binabae,” seryosong sagot ni Miko habang umiinom ng kape sa isang cafe.

Sa ‘di kalayuan ay napukaw ang atensyon ni Miko nang makita ang isang lalaking tila pamilyar ang tindig. Nakatalikod ito at nang titigan niyang maigi ay tila may kasama itong isang lalaking may edad na. Magkahawak pa ng kamay ang dalawa.

“Hon! Magiging ganyan din kaya tayo pagtanda natin?” wika ni Diego habang sinisiko ang nobyo. Nakanguso pa ito sa dalawang may edad nang lalaki na tila naglalambingan.

Hindi naman mapalagay si Miko sapagkat pamilyar talaga sa kaniya ang lalaking iyon. Kamukhang-kamukha ito ng tindig ng kaniyang ama.

Hindi na niya napigilan pa ang sarili at agad lumapit sa dalawang lalaking naglalampungan.

Nanlaki ang mga mata ni Miko nang lumingon sa kaniya ang lalaking iyon.

“Tay?! Paano? Bakit?!”

Namula ang mukha ni Rommel nang makita ang anak.

Hindi naman makapaniwala si Miko sa nasaksihan. Ang amang kinamumuhian siya dahil sa kasarian niya ay kauri niya rin pala.

“Patawarin mo ako, anak… Hindi ko ito ginusto… Kusa ko lamang naramdaman… Nilabanan ko ang nararamdaman ko ng ilang linggo ngunit hindi ko kinaya… Noong magkasama naman kami ng nanay mo ay sigurado akong mahal ko siya at hindi ako naghanap ng iba…” lumuluha ang ama habang nagpapaliwanag. Tila hiyang-hiya ito sa kaniya.

Napakatakip naman ng bibig si Diego sa nasaksihan.

Nang dahil sa nangyari, unti-unting nagkaayos ang mag-ama. Nagkaroon ng kapatawaran at nagpakita naman ng pagtanggap at pang-unawa sa isa’t-isa ang mag-ama. Kalilimutan na nila ang naipong poot sa kani-kanilang mga puso nang dahil sa mga nangyari noon. Ang nais na lamang nila ngayon ay ang kaligayahan ng bawat isa.

Mula noon ay mas naging mabuti ang samahan ng mag-ama.

Ang naging pinakamasaya sa lahat ay ang kaniyang Lola Tere sapagkat anumang oras na kunin na siya ng Panginoon ay sigurado siyang magiging masaya naman ang iiwan niyang pinakamamahal na apo.

Advertisement