
Parehong Walang Oras ang mga Magulang sa Dalawang Bata; Nakaisip ng Paraan ang Magkaibigan Upang Turuan ng Leksyon ang mga Ito
Hindi mapakali si Rona dahil napakaraming kalat sa kanilang bahay. Ang asawa naman niyang si Alvin ay walang ginawa kundi maglaro sa kaniyang selpon tuwing walang trabaho. Ang mga damit na sinampay niya noong nakaraang linggo ay nabasa na ng ulan at nangangamoy na.
“Mommy, pahingi ako ng food. Hungry na ako!” malambing na wika ni Clara sa ina.
“Manahimik ka muna! Kapag oras ng kain, ayaw mong kumain! Kapag wala nang pagkain, saka ka maghahanap! Manginig ka sa gutom!” sigaw ni Rona sa anak.
Tila wala namang narinig ang ama at tutok na tutok pa rin sa paglalaro.
Sa kabilang bahay ay halos ganoon din ang sitwasyon ng mag-asawang Donna at Toni. Upang mapatahimik lamang ang anak ay maghapon nila itong pinaglalaro sa cellphone hanggang sa makatulog na lamang ito.
Matalik na magkaibigan si Toni at Alvin at palagi silang magkalaro sa isang online mobile game na kanilang kinahuhumalingan.
Wala silang pakialam kahit pa naririnig minsan ng mga anak nila na nagmumura sila.
Minsan ay nagsabi ang anak ni Toni na si Rain na ito ay naiihi na ngunit dahil sa hindi matigil ng ama ang paglalaro ay naihi na ito sa salawal.
Imbes na maawa ang inang si Donna ay pinalo pa nito ang anak sapagkat naantala siya sa ginagawang trabaho sa kaniyang kompyuter.
Mabuti na lamang at nakatira lamang sa isang compound ang matalik na kaibigang sila Clara at Rain. Nakaisip sila ng paraan upang turuan ng leksyon ang mga magulang na iresponsable. Sa murang edad na pito, tuwing may problema ang isa’t-isa ay sila rin lamang dalawa ang nagtutulungan.
Dahil dito’y natuto silang magluto ng sarili nilang mga pagkain. ‘Yon nga lamang ay pirmeng mga de lata, itlog, at hotdog ang kanilang kinakain sa araw-araw.
Ilang mga yaya na rin ang kinuha ng mga mag-aasawa ngunit kung hindi sila pinagnanakawan ng mga ito ay sinasaktan naman ang mga bata.
Awang-awa naman ang kapitbahay nilang si Aling Tinay sa magkaibigan. Minsan ay pinapakain na lamang ng matanda ang dalawa ngunit dahil wala naman itong trabaho at umaasa lamang sa padala ng mga anak, minsan ay limitado lamang ang kaniyang perang pambili ng mga pagkain.
“Toni! Nasaan na si Rain?!”
“Rain! Rain… Hindi kami nakikipagbiruan sa iyo… Lumabas ka sa pinagtataguan mo! Nagpapakasubsob kami sa trabaho para lang mabigyan ka ng magandang buhay… Puro sakit ng ulo ang dinadala mo sa amin!” inis na inis na wika ni Donna habang patuloy na hinahanap ang anak.
Ngunit tila hindi naman talaga nagtatago ang bata sa loob ng kanilang bahay kaya’t lubos na nag-alala ang mag-asawa.
Maya-maya’y gumagalabog ang kanilang pintuan, agad nila itong binuksan.
Pagbukas ng pinto ay tumambad ang mga humahangos na sina Rona at Alvin.
“Nariyan ba si Clara? Dalawang oras na namin siyang hindi naririnig na naglalaro sa kwarto. Akala ko’y nakatulog lang. Pagpasok ko sa kuwarto niya’y wala siya doon kaya’t hinanap ko siya sa buong bahay ngunit wala rin siya doon,” tarantang wika ni Rona.
Lumipas ang anim na oras at hindi pa rin nila mahanap ang dalawang bata kaya’t naisipan na nilang pumunta sa barangay.
Iyak nang iyak si Rona at Donna habang natutuliro naman sina Alvin at Toni.
Maya-maya ay nanlaki ang mga mata ng magbabarkada nang makitang lumalabas mula sa loob ng barangay ang dalawang bata.
“Nagsumbong na po kami kay Kap dahil hindi po ninyo kami inaalagaan,” saad ng dalawang bata.
“Ha? Ah eh…” tila naputol ang dila ng madaldal at palamurang si Toni sa narinig.
“Patawarin ninyo kami mga anak, aayusin na namin ang aming iskedyul at sisiguraduhin naming hinding-hindi na namin kayo pababayaan,” saad naman ni Alvin na walang ginawa kundi maglaro sa kaniyang cellphone imbes kalaruin at alagaan ang anak tuwing walang pasok sa trabaho.
“I’m sorry, Clara..” ito na lamang ang nasabi ni Donna.
“Patawarin ninyo kami… Napakasuwerte namin at kayo ang naging mga anak namin. Matatalino at mababait kayong mga bata,” wika ni Rona.
Lingid sa kaalaman ng mga magulang nila na hindi naman talaga sila nagsumbong sa kapitan.
Sinamahan lamang nila si Aling Tinay na magrasyon ng banana que sa mga taga-barangay.
Gayunpaman ay hindi nakaligtas ang mga ito sa pangaral ni Aling Tinay at ng kanilang kapitan.
“Ang pera ay kikitain nating muli ngunit ang panahon natin sa ating mga anak ay ‘di nabibili ng pera,” wika ng kanilang kapitan.
“Ang mga bagay na ginagawa natin noong tayo’y mga dalaga at binata pa lamang ay hindi na nating puwedeng gawin ngayon may mga asawa’t anak na tayo. Nasa huli palagi ang pagsisisi,” payo naman ni Aling Tinay.
Mula noon ay sinikap na ng kanilang mga magulang na maglaan na ng oras para sa kanilang mga anak. Sa araw-araw ay may sinusunod silang iskedyul upang tiyaking nakakakain, nakakaligo, at nakakapaglaro sa tamang oras ang kanilang mga anak. Bukod doon ay hindi na muli sila palagiang gumagamit ng selpon. Imbes maglaro o makipag-chat kung kani-kanino sa Peysbuk ay nakikipaglaro na lamang sila sa mga bata at tinuturuan ang mga ito sa kanilang mga asignatura.
Tuwang-tuwa at walang pagsidlan ng saya ang puso ng dalawang bata na walang ibang hinangad kundi maalagaan at unawain ng kanilang mga magulang.