Binigyan ng Kuwintas ng Lalaking Intsik ang Binatilyong Nagbebenta ng Lugaw; Ito Pala ang Susi sa Kaniyang Magandang Hinaharap

Alas singko pa lang ng umaga ay pupungas-pungas nang bumangon sa higaan si Lee.

“Hindi ka ba kakain muna ng almusal o hihigop ng mainit na kape?” tanong ng kanyang inang si Aling Winona na nagising din at nakita siyang nagkukumahog at mukhang nagmamadali.

“Mamaya na po, inay. Bubuksan ko muna ang lugawan. Kahit masama ang panahon ay sayang din ang kikitain natin. Ipagpatuloy niyo na po ang pagtulog, halatang antok pa kayo, eh. Ako na ang bahala sa lahat,” sagot ng binatilyo sa ina nang mapansin sa labas ng bintana na malakas ang buhos ng ulan at sobrang dilim ng kalangitan. Mas lalong naningkit ang mga mata niya habang nagpapaliwanag sa ina. May lahing Intsik ang tatay ni Lee kaya kung pagmamasdan ito’y napakaputi’t napakakinis ng balat at sobrang singkit ng mga mata na malayung-malayo sa hitsura ng kanyang ina na kulay kayumanggi at bilugan ang mga mata.

Naanakan si Aling Winona, pinangakuan ng magandang buhay ng dating nobyong Intsik pero bigla na lang naglaho ang lalaki. Heto sila ngayon, kinukuha ang pang araw-araw nilang panggastos sa maliit nilang lugawan. Dalawa lang sila ni Lee na magkasama sa buhay kaya hindi naman masyadong mahirap ang sitwasyon nila, subalit kulang na kulang pa rin ang kinikita nila sa lugawan dahil sa mahal ang mga gamot niya na binibili ni Lee para sa sakit niyang hika at diabetes.

Araw-araw na gumigising nang maaga ang anak para asikasuhin ang kanilang munting negosyo. Napilitan na nga itong huminto sa pag-aaral para tulungan siya. Hindi na kasi niya kayang mag-isa kaya ang ginawa ni Lee ay pinatigil na siya sa pagluluto at paggawa sa lugawan. Inako ng anak ang lahat ng mga trabaho roon.

Mag-a-ala-siyete na ngunit hindi pa tapos sa pagluluto si Lee ng paninda nang may dumating na kustomer. Isa itong may edad na Intsik na may bitbit na malaking payong. Napansin niyang basam-basa rin ang suot nitong polo shirt dahil sa ulan. Natuwa ang binatilyo dahil may buena mano na agad siya kahit nakasalang pa lang ang niluluto niyang lugaw.

“Aba, Intsik din ang mamang ito! Ang suwerte ko naman at may kustomer na ako,” sambit ni Lee sa isip.

Dali-dali niyang pinapasok sa loob ng lugawan ang lalaki at pinaupo.

Advertisement

“Good morning po! What’s your order, sir?” tanong niya sa lalaki. Iningles na niya ito, baka kasi hindi ito nagsasalita ng Tagalog dahil mukha itong dayuhang Intsik.

“Maganda umaga, hijo! Bigyan mo ko lugaw, paborito ko lugaw, eh!” sagot ng lalaki na pilipit magsalita ng Tagalog pero naitawid naman nito.

Napabuntung-hininga ang binatilyo, marunong naman palang mag-Tagalog ang kustomer niya.

“Okay po, p-pero makakapaghintay pa po ba kayo ng kaunting minuto? Hindi pa po kasi tapos maluto ang lugaw,” aniya.

“Wala problema, hijo. Ako intay luto lugaw,” nakangiting tugon ng lalaki.

Maya-maya ay naluto na rin ang lugaw ni Lee at inihain na ‘yon sa una niyang kustomer.

“Mukha sarap lugaw mo, ah! Tagal na ba lugawang ‘to?” usisa ng lalaki.

“Opo, sir. Ito po ang tanging ikinabubuhay namin ng nanay ko,” sagot niya.

Advertisement

Medyo naiilang nga si Lee dahil wala itong ginawa kundi ang pagmasdan siya habang ito’y sarap na sarap sa pagkain ng lugaw na inihanda niya.

Ilang sandali pa ay nagpaalam na rin ang Intsik na kustomer. Bukod sa malaking halaga na ibinayad nito sa kanya ay inabutan pa siya nito ng isang regalo.

“Wow! Beinte pesos lang po ang lugaw na inorder niyo, pero ang laking pera nitong ibinayad niyo sa akin, sir! Tapos ano po itong kuwintas na ibinigay niyo pa sa akin?” manghang tanong ng binatilyo.

“Yang pera bigay ko, tip ko ‘yan iyo. ‘Yang bigay ko kuwintas iyo, ‘yan bayad ko lugaw mo,” tugon ng may edad na lalaki.

Biglang natulala si Lee. Una sa lahat, pilit niyang inuunawa ang sinabi nito. Pangalawa, aanhin naman niya ang kuwintas na ‘yon na lumang-luma na. May naka-ukit pa roong salitang Intsik na hindi naman niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin.

“Balik uli ako rito ha? Order uli ako lugaw ha? Gusto ko rin kita nanay mo,” saad pa ng Intsik bago ito tuluyang nagpaalam.

Kakamut-kamot naman ng kanyang ulo si Lee. Kahit hindi niya maintindihan kung bakit binigyan siya ng kustomer ng lumang kuwintas ay masayang-masaya pa rin siya dahil malaki ang ibinayad nito sa kanya. Kung tutuusin ay para na siyang kumita ng dalawang araw sa laki ng ibinigay ng lalaki. Sa palagay niya’y mapera talaga ang Intsik na iyon kaya binigyan siya ng malaking tip. Natawa pa siya dahil gusto rin daw nitong makita ang nanay niya sa pagbalik nito. Sabi niya sa sarili ay baka hindi ito harapin ng ina, galit ito sa mga Intsik dahil sa ama niyang Intsik na nang-iwan sa kanila ngunit naisipan niya na isuot na rin ang kuwintas na sa tingin niya ay pampasuwerte.

Nang sumunod na araw, pagod na pagod siya galing sa palengke. Namili siya ng mga rekados para sa lugawan. Bigla siyang natigilan nang makita ang inang si Aling Winona na nakaupo sa kahoy na silya, kausap ang isang babaeng mukhang Intsik.

Advertisement

Titig na titig sa kanya ang babae at nanlaki ang mga mata nito nang makitang suot niya ang lumang kuwintas.

“S-siya nga, s-siya nga si Yin!” gulat na gulat na sabi ng babae.

“Anak, siya si Atty. Linda Go. S-siya ang abogado ng lolo at lola mo,” wika ng ina.

Nawindang ang binatilyo sa sinabi ni Aling Winona. Anong lolo at lola? ‘Di ba matagal nang pumanaw ang lolo at lola niya sa ina?

Hindi niya alam ang sasabihin, biglang naagsalita ang babae.

“Ako abogado ng angkong at amah mo, Yin!” wika ng babae na ang tinutukoy ay mga salitang Intsik na ang ibig ipakahulugan ay ‘lolo at lola’.

“Ang tinutukoy niya ay ang lolo at lola mo sa iyong tunay na ama, anak. Matagal ka na pala nilang hinahanap. Ang totoo mong pangalan ay Yin Pio Chao na ang ama mo mismo ang nagbigay sa iyo, ngunit pinalitan ko ng Lee nang mawala siya’t hindi na nagpakita sa atin. Ang iyong tunay na ama ay si Yuan Chao na isang purong Intsik. Nagbakasyon siya rito sa Pilipinas kasama ang pamilya niya. Marunong siyang magsalita ng kaunting Tagalog dahil tinuturuan siya noon ng kasambahay nilang Pinay. Nagkakilala kami sa pinagtatrabahuhan ko noong Chinese restaurant at nagka-ibigan ngunit ayaw pala sa akin ng kanyang mga magulang dahil wala akong dugong Intsik gaya nila, kaya pinilit nila ang iyong ama na layuan ako kahit dinadala na kita sa aking sinapupunan. Ang lahat ng iyan ay ipinagtapat ni Atty. Go sa akin. Nang malaman daw ng lolo’t lola mo na mayroon silang apong lalaki sa nag-iisa nilang anak ay gusto ka nilang kilalanin bilang kanilang apo. Mahalaga sa kulturang Intsik ang pagkakaroon ng anak na lalaki kaya pinahanap nila tayo, anak, ngunit sa kasamaang palad ay binawian sila ng buhay sa isang aksidente. Nalaman ng iyong ama na pinapahanap nila tayo kaya siya na ang nagpatuloy ng paghahanap sa atin. Hindi siya nabigo at nakita nga niya kung saan tayo nakatira. Gusto ng ama mo na buuin natin ang ating pamilya ngunit kagabi ay inatake siya sa puso at naospital. Bago siya bawian ng buhay ay inihabilin niya tayo sa abogado nilang si Atty. Go,” naluluhang sabi ng ina.

“Tama sabi iyo nanay, Yin! ‘Yang kuwintas suot iyo leeg patunay na ikaw anak Mr. Chao. Simbolo kuwintas na miyembro ka kanila pamilya dahil apelyido nila ukit dyan,” hayag pa ng abogado.

Advertisement

Saka pa lang napagtanto ni Lee na ang kuwintas na suot niya ay pag-aari ng pamilya ng kanyang ama. Ang salitang Intsik na naka-ukit sa kuwintas ay apelyido nito.

“A-ang ibig pong sabihin…”

“Ang iyo papa bigay iyan iyo kahapon. Tuwang-tuwa papa mo kita ka, kaya gusto uli niya balik dito para kita iyo nanay at sama na niya kayo China,” saad pa ni Atty. Go.

Biglang nanikip ang dibdib ni Lee. Kaya pala sinabi ng lalaki na babalik ito at gusto pang makita ang nanay niya, iyon pala ay nais nitong gampanan ang pagiging ama at asawa sa kanilang mag-ina ngunit hindi na pala ito makakabalik.

Ipinakita nito sa kanya ang litrato ng kanyang ama. Laking gulat niya nang makita na ang lalaking naging kustomer niya sa lugawan at ang tunay na ama ay iisa. Kaya pala panay ang titig nito sa kanya na para bang tuwang-tuwa na nakita siya.

Ipinagtapat din sa kanila ng abogado na dahil pumanaw na ang lolo’t lola niya at ama ay sa kanilang mag-ina na ipinamana ang lahat ng pera, negosyo at ari-arian ng mga ito sa China. May sinabi rin itong mas mahalaga pa…

“Mahal kayo Mr. Chao. Gusto niya buo inyo pamilya. Hingi siya tawad sa inyo sa lahat nangyari,” wika pa ng abogado.

Napaiyak na rin si Lee sa mga nalaman niya. Hindi pala totoong pinabayaan sila ng ama. Gusto rin nitong buuin ang kanilang pamilya ngunit kahit hindi na nito natupad iyon ay labis pa rin ang pasasalamat nilang mag-ina sa amang si Yuan dahil kahit sa huling sandali ay sila pa rin ang inalala nito.

Advertisement

“Salamat, ‘Tay! Mahal na mahal ka rin namin ni inay. Hinding-hindi ka namin makakalimutan,” sambit niya at hinagkan ang hawak na litrato ng ama.

‘Di makapaniwala si Lee na sa isang iglap ay biglang nagbago ang buhay nila. Binigyan sila ng ama ng magandang hinaharap pero ang kapalit pala ay hindi na nila ito kailanman makakasama, subalit kahit ganoon ang nangyari ay mananatili naman itong buhay sa isip at puso nilang mag-ina.