Niloko at Hinuthutan ng Lalaki ang Matandang Babaeng Umampon sa Kaniya; Magugulat Siya sa Ganti Nito

Bata pa lang si Zian ay inampon na siya ni Lola Belen. Hindi sila magkadugo ng matanda. Anak siya sa pagkadalaga ng kapitbahay ni Lola Belen na nagpaalam na iiwan lang siya rito, pero kalaunan ay hindi na bumalik. Sa labis na awa ay kinupkop na siya nito.

Walang ibang pamilya ang matanda. Maagang pumanaw ang asawa nito at hindi nagkaanak. Nag-iisang anak lang si Lola Belen ng mga magulang kaya wala itong kapatid man lang na kaagapay sa kaunting panahon na lang na ilalagi sa mundo. Kahit mag-isa sa buhay ay sobrang yaman ni Lola Belen na nagmamay-ari ng malaking lupain sa lugar na iyon.

Masuwerte naman si Zian dahil inampon siya at pinalaki ng matanda, binihisan siya, pinakain, pinag-aral, sinunod ang lahat ng layaw, at minahal siya nito na parang tunay na anak.

“Tama na ba ang halagang ibinigay ko sa iyo para sa sinasabi mong project niyo sa eskwelahan, anak?” tanong ni Lola Belen nang manghingi siya rito ng pera. Anak ang tawag nito sa kanya.

“Pakidagdagan pa, lola. Kulang pa ‘yan, eh!” sagot ni Zian na lola naman ang tawag sa ina-inahan.

Nang makaalis ay tuwang-tuwa ang lalaki.

“Ayos! Naloko ko na naman si lola,” sambit niya sa isip habang binibilang ang perang nahuthot niya.

Ang totoo’y hindi para sa eskwelahan ang perang hiningi niya kay Lola Belen, iyon ay para sa nobya niyang dancer sa club na kamakailan lang niya nakilala. Naglulustay siya ng pera para gastusan ang babae. Malakas kasi ang tama niya rito porket napakaganda nito at batam-bata.

Advertisement

“Salamat sa datung na ibinigay mo sa akin, Zian. Sa susunod ay laki-lakihan mo pa para may pambili ako ng bagong damit at sapatos,” masayang wika ng nobya.

“Sure, ako ang bahala, babe,” sabi niya.

“Hanga talaga ako sa iyo. Hindi ka nauubusan ng pera.”

“Mayaman ang umampon sa akin at ginagamit ko ang utak ko para sundin niya ang lahat ng gusto ko,” pagmamayabang pa ng binata.

Humaling na humaling kay Mariole ang lalaki. Nagagawang hindi pumasok sa klase ni Zian para makipagkita lang sa nobya. Kapag lumalabas ang dalawa ay kung saan-saan sila namamasyal at kumakain. Sobra ang saya ni Zian kapag kasama ang babae. Binabayaran din niya ang oras na kasama ito lalung-lalo na kapag niyayaya niya ito sa motel kung saan sila nagpapakaligaya. Siyempre, mas mataas ang metro ni Mariole kapag sa kama na ang usapan nila.

Nang matapos ang panandaliang ligaya ay solb na solb si Zian.

“The best ka talaga, babe!” malambing na sabi ng lalaki sabay halik sa pisngi ng nobya.

“Sus, bolero! Hindi ka na naman pumasok sa eskwela, baka masermunan ka na naman ng propesor mo dahil absent ka!” tugon ni Mariole sa kanya.

Advertisement

“So what? Hayaan mo siyang magalit! Ang mahalaga ay nag-enjoy ako sa piling mo,” sambit ni Zian na mas pinupog pa ng halik ang babae.

Isang gabi ay tinanong siya ni Lola Belen tungkol sa pag-aaral niya.

“Kumusta ang mga subjects mo, anak? Exam na ninyo sa susunod na linggo, ah! Nag-aaral ka bang mabuti?” tanong ng matanda.

Nagpalusot na lang si Zian para hindi ito makahalata na puro pagbubulakbol lang ang ginagawa niya.

“Don’t you worry, lola! Kayang-kaya ko ‘yon! Maipapasa ko ang exam,” aniya habang nagpapa-guwapo sa harap ng salamin. Makikipagkita na naman siya kay Mariole at magpapakalulong sa ligaya. Bago umalis ay nanghingi na naman siya ng pera sa matanda na ang sabi niya’y may bibilhing gamit sa eskwela.

Mabilis na lumipas ang dalawang taon at tila umayon naman ang tadhana kay Zian na kahit nagpabaya ay nakatapos pa rin sa pag-aaral at nakapasa bilang Arkitekto. Ngunit sa halip na magtrabaho ay patuloy pa rin siyang umaasa kay Lola Belen. Sa madaling salita, palamunin pa rin siya nito.

“Lola, pahingi naman ako ng pera!” sabi niya.

“Magkano naman, anak? Saan mo gagamitin?” tanong ni Lola Belen.

Advertisement

“Dalawampung libo, lola. M-may bibilhin lang ako,” sagot niya.

Gaya ng dati ay nauuto pa rin niya ito. Ang perang ibinibigay ng matanda ay inuubos pa rin niya kay Mariole. Binabahay na niya ito. Itinira niya ang babae sa condo na sa bulsa pa rin ni Lola Belen nagmula.

Ngunit isang araw ay seryoso siyang kinausap ng matanda at mayroon itong hiniling sa kanya.

“Dahil Arkitekto ka na, gusto kong igawa mo ako ng plano ng bahay. Bibigyan kita ng malaking halaga para roon. Gusto ko rin na ikaw ang mangasiwa sa pagtatayo ng bahay na iyon na ititirik sa isa sa mga lote ko sa bayang ito,” wika nito.

Ikinagulat ni Zian ang sinabi ni Lola Belen.

“P-pero para saan ang bahay na iyon, lola? Pauupahan niyo o gagawing bakasyunan?” tanong niya.

“Sikreto muna, anak. Sa ngayon ay ako lang ang nakakaalam kung bakit magpapagawa ako ng gayong bahay. Sa takdang panahon ay malalaman mo rin,” sagot ng matanda.

Sinunod ni Zian ang kagustuhan ni Lola Belen. Gumawa siya ng plano at sinimulang itayo ang bahay sa kanyang pangangasiwa. Muli siya nitong tinanong tungkol sa itinatayong bahay.

Advertisement

“Kumusta ang ipinagagawa mong bahay, anak?”

“Malapit nang matapos, lola. Kapag tuluyang nagawa ay dadalhin ko kayo roon nang makita niyo,” tugon niya.

Subalit ang hindi alam ng matanda ay niloloko lang siya ng anak-anakan. Naitayo nga ang bahay na ginastusan ng malaking halaga ng pera ngunit kalahati lang doon ang ginastos niya. Puro mahihina at mumurahing materyales ang ginamit niya sa pagpapatayo niyon at mga pipitsuging kantero at karpintero ang kinuha niya para roon. Sa madaling salita, sobra niyang tinipid ang paggawa sa bahay na iyon na hindi naman niya tinapos. Ang kalahati kasi ng pera ay ginastos niya at inubos sa mga kapritso ng nobyang si Mariole. Ibinili niya ito ng mga alahas, mamahaling bag, damit, sapatos at gadgets. Gagawin ni Zian ang lahat, huwag lang siyang iwan ng babae kahit ang kapalit ay ang patuloy niyang panloloko at panghuhuthot sa taong umapon at kumukop sa kanya.

Makalipas ang ilang linggo ay biglang nagkasakit si Lola Belen na sanhi na ng katandaan nito.

“Dadalhin ko kayo sa ospital, lola,” aniya na kunwaring nag-aalala sa matanda ngunit may saya sa likod ng kanyang pagkatao dahil sa oras na mawala ito’y sa kanya ipapamana ang mga ari-arian nito.

“Hindi na, anak. Wala nang magagawa ang mga doktor sa ospital. Sa kamat*yan din naman ang punta ko,” sagot ni Lola Belen sa nanghihinang boses.

Ilang araw pa’y binawian na rin ng buhay si Lola Belen. Nakaramdam ng lungkot si Zian dahil kahit paano’y itinuring din naman niya itong ina. Nalulungkot siya dahil wala na siyang maloloko at mahuhuthutan. Ang totoo’y mas nagagalak ang puso niya sapagkat nangangamoy pera na ang mga kamay niya.

At nang sumapit ang araw na babasahin na ng abogado ni Lola Belen ang iniwan nitong testamento ay laking tuwa niya.

Advertisement

“Sige, attorney, excited na akong malaman ang nilalaman ng testamento ni Lola Belen,” sabi niya sa lalaking abogado. Ngunit laking gulat niya nang basahin nito ang isinasaad ng testamento.

“Ang bahay at lupa na ito, mga ari-arian at ang malawak kong lupain ay ipinagkakaloob ko sa gobyerno. Ang lahat naman ng aking pera sa bangko at mga alahas ay ibibigay kong donasyon sa simbahan at kawang-gawa,” sabi sa testamento.

“T-teka, a-ano ang para sa akin? Ang bahay at lupa, mga ari-arian at malawak na lupain ay mapupunta sa gobyerno? Lahat ng pera at alahas ay sa simbahan at kawang-gawa? Paano naman ako, attorney? A, siguro’y may espesyal na pamana sa akin si Lola Belen ko,” sambit niya na nakaramdam na ng matinding kaba.

Muling binasa ng abogado ang testamento.

“At sa aking anak na minahal ko nang buong puso kahit hindi ko kadugo, ngunit hindi naman nagmahal sa akin nang tapat at nagawa pa akong lokohin sa kabila ng lahat… ay pagkakalooban ko ng espesyal na pamana na siya na rin mismo ang gumawa.”

“Sabi na nga ba, eh! Ano ‘yon, attorney?” sabik na tanong ni Zian.

“Ipinamamana ko sa kanya ang bahay na ipinatayo ko sa kanya. Ang bahay na ginastusan ko ng malaking halaga, ngunit natuklasan kong ako’y kanyang niloko. Ang bahay na iyon na hindi naman natapos ang tangi niyang makukuha sa akin.”

Pagkatapos basahin ng abogado ang huling pahina ng testamento ay halos manlupaypay ang lalaki sa sobrang panlulumo. Ang bahay pala na ipinatayo ng matanda ay isa sa ipamamana sana nito sa kanya ngunit mas nangibabaw ang panloloko niya sa taong pinagkakautangan niya ng lahat-lahat. Sadyang mas mautak si Lola Belen dahil palihim pala siya nitong pinaimbestigahan kaya nalaman nito ang mga kabuktutan niyang ginawa. Bilang parusa ay wala siyang mapakikinabangan sa mga pinaghirapan nito maliban sa bahay na ipinagawa nito na tinipid naman niya at ‘di tinapos.

Advertisement

Dahil sa nangyari ay wala na siyang perang maipantutustos kay Mariole kaya nang malaman nitong mahirap na siya’y kinalasan na siya ng babae. Magsisi man siya ay huli na. Saka lamang niya napagtanto na ang panlolokong ginawa niya kay Lola Belen ay sarili lang pala niya ang kanyang niloko.