Palaging Inaapi ng Malditang Estudyanteng Ito ang Kaklase Nilang Lumpo; Darating pala ang Panahon na Siya Naman ang Makakaranas Nito

“Oh, ano pang hinihintay mo? Pulutin mo ’yang test papers na inihulog mo! Baka gusto mong isumbong kita kay ma’am?” Tatawa-tawa pa ang estudyanteng si Trisha habang nakahalukipkip na inuutusan ang kaeskwelang si Andrea na noon ay wala namang nagawa kundi mapailing na lang at sundin ito upang hindi na pagmulan pa ng pagtatalo, kahit na hirap na hirap siya. Ayaw niyang umabot na naman sa kanilang mga magulang ang nangyayari sa pagitan nila ni Trisha dahil nakikita niyang masiyado iyong nagiging abala sa kaniyang inang mag-isa pa man ding nagtataguyod sa kaniya.

Ipinanganak na lumpo si Andrea kaya naman simula’t sapul ay sakay na siya ng kaniyang wheelchair. Dahil doon ay madalas siyang maging tampulan ng tukso, lalo na ng mga katulad ni Trisha, dahil alam ng mga ito na wala siyang laban sa mga katulad nilang may kumpleto at malalakas na pangangatawan. Ganoon pa man ay natutunan na niyang tanggapin ang pagiging malupit ng ibang tao. Nakasanayan na niya ang gano’n kaya naman hindi na rin siya nagrereklamo.

“Heto na, Trisha. Sana naman hayaan n’yo na akong pumasok sa classroom natin nang matiwasay,” sabi ni Andrea sa kaeskwela matapos niyang iabot dito ang mga papel na nahulog sa sahig ng pasilyo nang magkabungguan sila nito. Hindi na niya hinintay pa ang isasagot ni Trisha at tumalikod na siya.

Ngunit hinabol pa rin siya nito. “Hoy, baldado! Huwag mo nga akong tatalikuran kapag hindi pa ako tapos makipag-usap sa ’yo!” galit na tawag pa ni Trisha sa kaniya ngunit hindi niya ito pinansin.

Nasa may bandang hagdanan na siya ng palapag na ’yon, kung saan naroon ang kanilang classroom nang bigla na lang siyang hablutin ni Trisha. Mabuti na lang at nakaiwas siya kundi ay baka nahulog siya sa hagdanan! Ngunit sa galit ay muli siyang sinunggaban nito, at sa ikalawang pagkakataon ay naiwasan iyon ni Andrea. Ngunit si Trisha ang dumiretso sa pagbulusok pababa sa hagdan!

Nataranta ang marami sa nangyari. Noong una ay napagbintangan pa si Andrea na siyang may kagagawan sa nangyari kay Trisha, ngunit mabuti na lamang at mayroong CCTV na nagpapatunay na wala siyang kasalanan.

Malala ang naging lagay ni Trisha sa ospital dahil labis na naapektuhan ang kaniyang buto sa likuran. Dahilan, upang ’tulad ni Andrea ay hindi rin siya makalakad sa matagal na panahon.

Nang pumasok si Trisha sa kanilang eskwelahan ay hiyang-hiya siya dahil pinagtitinginan siya ng mga kaeskwela. Nakikita niyang lihim nila siyang pinagtatawanan dahil sakay na rin siya ng wheelchair ngayon. Ang noong mga kaibigan niya’t kasama sa pang-aapi kay Andrea ay siya namang nang-aapi na rin sa kaniya ngayon.

Advertisement

“Baldado ka na rin katulad ni Andrea. May karapatan na rin kaming saktan ka at pahirapan ’tulad ng ginagawa mo noon sa kaniya!” isang beses ay sabi pa sa kaniya ng isang kaklase.

Lahat ng hirap na dinaranas ni Andrea sa kaniyang kamay, ngayon ay nararanasan na rin ni Trisha. Kinukutya, pinahihirapan, inaapi… at wala siyang magawa ngayon dahil mahina siya’t pakiwari niya’y walang silbi.

Madalas na umiiyak si Trisha sa isang sulok ng kanilang eskwelahan sa tuwing maaalala niya ang mga panahong siya ang nang-aapi sa may kapansanang si Andrea. Hindi pala iyon nakakatuwa kapag ikaw mismo ang nakakaranas. Kung maibabalik lamang niya ang panahon ay hinding-hindi na niya gagawin ulit ang mga ’yon. Siguro nga, ito ang kaniyang karma.

“Bakit mag-isa ka rito, Trisha?” Isang beses ay nilapitan siya ni Andrea nang makita siya nitong nag-iisa at umiiyak. Agad namang nakaramdam ng hiya si Trisha sa sarili. Sa isip-isip niya, siguro ngayon ay pinagtatawanan siya nito dahil sa wakas ay nakarma rin siya sa mga pang-aapi niya rito.

“Huwag kang mag-alala. Hindi kita aawayin,” muli ay sabi ni Andrea nang makitang nagdadalawang-isip siyang sumagot. Nakangiti ito at hindi man lang kababakasan ng galit sa kaniya.

“P-pasensya ka na sa mga nagawa ko sa ’yo, Andrea. Ngayon ay nakikita ko na ang lahat ng paghihirap mo. Hindi pala patas ang mundo sa mga katulad mo—nating may mga kapansanan.” Sa wakas ay nagawa niya ring humingi ng tawad.

“Mali ka. Patas ang mundo, Trisha… ang mga tao lang ang hindi. Pero p’wede naman natin ’tong baguhin kung matututunan lang nating respetuhin ang kapwa natin, may kapansanan man sila o wala. Anuman ang kasarian nila, ang kulay at pananalita.” Matapos sabihin iyon ni Andrea sa kaniya ay tila naliwanagan si Trisha. Oo nga. Nasa tao talaga ang desisyon kung paano siya makikitungo sa iba.

Nang gumaling ang pinsala ni Trisha, nagulat ang lahat dahil nagtuloy-tuloy na ang magandang pakikitungo niya kay Andrea, at gano’n din sa iba pa nilang kaeskwela na may kapansanan. Natutunan na niya ang kaniyang leksyon at siguradong hindi na niya uulitin pa ang kaniyang kasalanan.